Ang Kahulugan ng mga Balita
Ang Pagpapahintulot sa Kasalanan ay Hindi Kabanalan
Sa isang pahayag kamakailan sa mga lider ng simbahan, ang kolumnista sa relihiyon na si Michael J. McManus ay nagsabi na ang mga simbahan ay may bahagi sa pagguho ng pamilyang Amerikano. Ganiyan ang ulat ng The Fresno Bee, isang pahayagan sa California. Pinansin ni McManus na mayroong 1.2 milyong mga diborsiyo at 750,000 mga anak sa labas sa Estados Unidos noong 1985 at na 2.2 milyon na mga magkakapareha ang nagsasama nang hindi kasal.
Ipinakita ni McManus na, sa halip na mahigpit na itaguyod ang mga pamantayan ng Bibliya sa kalinisang asal, na nagpapayo ng katapatan sa pag-aasawa, ang simbahan ay kumuha ng maluwag na paninindigan tungkol sa gayong mga isyu upang huwag kumaunti ang mga dumadalo. Bilang isang halimbawa, binanggit niya ang isang kamakailang mungkahi “na ang Simbahang Episcopal ay huminto na ng pagsalungat sa mga magkakaperahang nagsasama nang hindi kasal.”
Ang paninindigan ng gayong mga modernistiko tungkol sa sekso at sa pag-aasawa ay salungat na salungat sa Bibliya. Sinabi ng Kristiyanong apostol na si Pablo: “Kaya nga ang pag-aasawa’y maging marangal sa lahat, at ang higaan ng mag-asawa ay huwag madungisan.” (Hebreo 13:4) Nang ang mga Fariseo ay humarap kay Jesu-Kristo at magtanong tungkol sa diborsiyo, sinabi niya na “iiwan ng isang lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan sa kaniyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman.” Kaniyang isinusog: “Sinumang humiwalay sa kaniyang asawang babae, maliban na ang dahilan ay pakikiapid, at mag-asawa sa iba ay nagkakasala ng pangangalunya.”—Mateo 19:4, 5, 9.
Bilang tugon sa mungkahing kaluwagan ng simbahan sa gayong moral na mga isyu, sinabi ni McManus: “Ang Simbahang Episcopal ay sumapit sa punto na kung saan sinasabi nito na ang pinakadakilang kabanalan ay pagpaparaya. Saanman ay hindi sinasabi ni Jesus na pagbigyan mo ang kasalanan. Kaniyang isinumpa ang kasalanan.” Ang may kaalamang mga nag-aaral ng Bibliya ay sumasang-ayon diyan.
Di-maitatatuwang Ebidensiya
“Makalipas ang mga taon ng pangangalandakan ng agnostisismo, ang mga siyentipiko ay may hinanakit na nagsisimulang muling tapunan ng tingin ang Diyos,” ang puna ng kolumnistang si Pete McMartin ng The Vancouver Sun, isang pahayagan sa British Columbia, Canada. Bagama’t ang relihiyon at ang siyensiya ay may alitan sa loob ng daan-daang taon, “ngayon ay hindi na totoo iyan,” ang sabi ni Wasley Krogdahl, isang dating propesor ng University of Kentucky sa astronomy at physics. Isinusog niya: “Ginawang maliwanag ng cosmology na ang uniberso ay may pasimula, at iyan ay nagpapahiwatig ng isang maylikha.”—The State Journal-Register, Springfield, Illinois.
Sa paano man ay may mga siyentipiko na muling pinag-iisipan ang pinagmulan ng uniberso. Ang dahilan? “Ang uniberso ay higit na nakikilala ngayon kaysa noong 50 taong lumipas,” ang paliwanag ng astronomong si Krogdahl. Noong nakalipas na 25 taon, ang pagpapaunlad ng lalong sensitibong mga aparato ay nagbunga ng pagkatuklas ng quasars, neutron stars, at pulsars. Inamin ni Krogdahl na habang ang kaalaman sa sansinukob ay lumalaki, ganoon din ang ebidensiya na mayroong isang Diyos. Ang gayong ebidensiya, ayon sa kaniyang napansin, “ang nag-alis ng suhay sa ilalim ng mga ateista.”
Subalit, ang gumugol ng mga taon bago tinanggap ng mga kaisipan ng siyentipiko pagkatapos ng malawak na pananaliksik at pag-aaral, ay daan-daang taon nang alam ng mga nag-aaral ng Bibliya. “Ang di-nakikitang mga katangian [ng Maylikha], na ibig sabihin ang kaniyang walang hanggang kapangyarihan at pagka-Diyos, ay nakikita, sapol nang magsimula ang sanlibutan, sa mata ng pangangatuwiran, sa mga bagay na kaniyang ginawa.” (Roma 1:20, The New English Bible) Sa simpleng pangungusap, ang di-maikakailang ebidensiya ay sa tuwina naroroon.
[Larawan sa pahina 24]
Orion Nebula
[Credit Line]
U.S. Naval Observatory photo