‘Ang Pamamalakaya ng mga Tao’ sa Arctico
Tuwing tag-araw marami sa mga Saksi ni Jehova ang nangangaral sa “mga di-naiatas na teritoryo”—mga karatig-pook na walang tatag na mga kongregasyon. Marami sa kanila ang mga manggagawa at mga estudyante na gumugugol ng kanilang bakasyon sa nabanggit na gawain. Ang mga iba ay buong-panahong mga payunir na nagpapalawak ng kanilang ministeryo. Kanilang tinatamasa ang kagalakan ng pagdadala ng mabuting balita sa mga taong nasa iláng na mga pook at ng pagiging mas malapit sa kanilang pamilya at espirituwal na mga kapatid. Ito ay isang ulat ng gayong ekspedisyon sa malayong hilaga.
ANG barkong pangisda na Skagstein ay unti-unting pumalayo sa daungan. Iyon ay maagang kinagabihan noon ng tag-init. Isang marahang amihan ang humihip sa karagatan at nagdala ng kaginhawahan buhat sa alingasaw ng isda at aseyte ng tamban. Kami ay nakatayo sa kubyerta, at kumaway kami ng pamamaalaman sa Båtsfjord, ang pinakamalaking bayang pangisdaan sa East Finnmark, Norway.
Sakay ng barko ang walong tripulante. Si Øivind at Åshild ay dumating sa Båtsfjord may 11 taon na ang nakaraan upang tumulong sa gawaing pangangaral sa teritoryong ito na di-iniatas. Ngayon, na sila’y lilipat na sa ibang lugar, isang kongregasyon ng halos 40 mga mamamahayag ng Kaharian ang umuunlad dito. Ang iba pang tripulante ay yaong kapitan, si Jarle (isang propesyonal na mangingisda at “pana-panahon” na payunir), dalawang sister na payunir, isang excavator operator, isang manggagawa sa industriya, at isang clerk sa opisina buhat sa Tahanang Bethel sa Norway. Ano’t ang grupong ito ay nagsama-sama? At anong uri ng biyahe ang isinasagawa nila?
Ang Pagpunta sa Isla at Isla
Ngayon si Jarle ay hindi nangingisda ng bakalaw. Ang plano ay ang dumalaw kami sa isla at isla at sa himpilan at himpilan habang kami ay nagbibiyahe sa Skagstein galing sa Båtsfjord sa malayong hilaga tungo sa Brønnøysund sa lupain ng Nordland. Magagawa namin ang higit na kalahati ng baybayin ng Norway. Bakit? Bueno, marami sa mga lugar na ito ay mararating lamang sa pamamagitan ng sariling barko, at minsan lamang tuwing mga ilang taon dumadalaw sa mga lugar na ito ang mga Saksi ni Jehova dala ang pabalita ng Kaharian. Aming ipinasiya na ‘mamalakaya ng mga tao’ sa mga himpilang ito.—Mateo 4:18, 19.
Ang barko ay lumabas sa Båtsfjorden at bumiyahe ng pakanluran sa baybayin buong magdamag. Noon ay unang araw ng Hulyo. Ang araw sa hatinggabi, na ikinubli ng nakatakip na mga alapaap, ang sumisikat na may abuhin at malamlam na silahis. Libu-libong sea gulls at kittiwakes ang matatanaw na nasa mga matatarik na bundok. Ang mga alon sa karagatan ay tamang-tama lamang ayon sa kapitan. Ngunit para sa ilan sa amin na mga walang muwang sa karagatan, iyon ay medyo maligalig.
Kinabukasan ng umaga kami ay namaybay sa tabi sa daungan sa Honningsvåg. Dito magsisimula ang aming “pangingisda”—ang gawaing pangangaral. Ang mga tao sa hilagang Norway ay bantog sa pagiging mapagpatuloy. Nang kami ay makapagbigay ng maikling paglalahad ng aming misyon, karaniwan nang kami ay inaalok na maupo sa isang bangko sa kusina at sinisilbihan ng kape. Pagkatapos ay nagbibigay kami ng hustong ulat ng kung sino kami, ng kung saan kami galing, ng aming trabaho, ng pangalan at laki ng aming barko, kung kami baga ay nakahuli ng anumang isda sa oras na iyon, at binabanggit namin kung ano pa ang aming lugar na dadalawin. Pagkatapos lamang niyan saka masasabi namin ang talagang sadya namin—ang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.
Mainit na Pagtugon sa Malamig na Arctico
Ang pabalita ay makaakit kaya sa mga taong ito na nasa isang isla na 300 milya (480 km) sa gawing norte ng Arctic Circle? Ano bang talaga ang ikinababahala nila? Iyon ding ikinababahala ng mga tao saanman: pang-aapi sa lipunan, kawalang hanapbuhay, salapi, pampamilya at personal na mga problema. Sila’y nababalisa rin tungkol sa maigting na kalagayan ng daigdig—ang relasyon ng hilaga-timog at ang alitan ng silangan-kanluran.
Naging madali para sa amin na banggitin ang lunas na ibinibigay ng Bibliya—ang Kaharian ng Diyos. At anong laking kagalakan na makitang napaparam ang kawalang pag-asa at di-paniniwala at ito’y nahahalinhan ng kagalakan at pag-asa! Maraming mga tao sa malalayong lugar na ito ang nananalangin tungkol sa Kaharian sapol sa pagkabata pa nila, subalit hindi nila kailanman talagang naunawaan ang kahulugan ng gayong panalangin. (Mateo 6:9-13) Kami ay nag-iwan ng mga literatura sa Bibliya sa marami sa mga taga-isla at isinaayos namin na makipagsulatan sa kanila upang manatiling buhay ang kanilang interes.
Bagaman tag-araw noon, ang temperatura ay nasa kalagitnaan ng 30’s (2° C) sa Rolvsøy, at humihihip ang malakas na hangin. Isang kapatid ang nangangaligkig sa ginaw at nakapangginaw ng makapal, at kaniyang nilapitan ang isang lalaking nakatayo sa dalampasigan.
“Ikaw ba’y nagiginaw?” ang tanong ng taong iyon.
“Eh . . .” ang atubiling naibulalas ng kapatid na iyon.
“Halika at kumain ka at uminom ng mainit!”
Sa loob ng bahay, ang kapatid ay dinala sa kusina, na kung saan may ginagawa ang maybahay ng lalaking iyon.
“Mayroon ka bang kape diyan para sa mamang ito?” ang tanong ng lalaki.
Nagsilbi ng mainit na kape at ng mga piraso ng tinapay, ng gawang-bahay na cloudberry jam, at salmon. Pagkaraan ng isang kalugud-lugod na pag-uusap, ang kapatid ay nag-iwan ng literatura sa Bibliya at nagpatuloy sa susunod na bahay, nakapagpainit na at masigla. Ganiyan ang mga karanasan ng pagpapatotoo sa palakaibigan at mapagpatuloy na mga tao sa malalayo at ilang na mga lugar na ito.
Isang Nakapagpapayaman na Karanasan
Sa pagbagtas ng Skagstein sa mga alon sa karagatan sa isla at isla, ang mga tripulante naman nito ay nagiging lalong malapit sa isa’t isa. Walo katao na namumuhay nang malapit sa isa’t isa sa loob ng mga araw at mga linggo sa isang 38-piye (12 m) na barko ay madaling nagkakakilakilala sa isa’t isa sa kanilang iba’t ibang ugali. Kami ay natututo na makisama sa isa’t isa at maging makonsiderasyon. Ang medyo pangit na mga ugali ay napagaganda, at napakikinis ang aming pagkataong Kristiyano. (Colosas 3:9, 10) Kaya ang karanasan ay nagiging kasiya-siya.
Sama-samang tinatalakay namin ang araw-araw na mga teksto sa Bibliya at pinag-uusapan ang mga karanasan sa maghapon. Aming nirirepaso ang mga nasabi na at nagawa at ang maaaring sana’y nasabi at nagawa. Ito’y nag-uudyok sa amin na lalong magsumikap na maging mabisa sa pakikipag-usap sa mga tao. Ang mas nakababata at mga baguhan ay tumatanggap ng mainam na payo at pampatibay-loob upang palawakin ang kanilang ministeryo.
“Iniisip ko na ang buong-panahong ministeryo sapol nang ako’y bautismuhan,” ang sabi ng 27-anyos na si Bjørn. “Sa aming pagbibiyahe, ang hangarin at lakas ng loob na ‘subukin si Jehova’ ay tumubo sa akin nang unti-unti. Naranasan ko ang malaking pagtitiwala kay Jehova. Ang biyahe ang tumulong upang maging lalong madali na pumasok ako sa pagpapayunir.”—Malakias 3:10.
Ang biyahe ang tumulong din sa amin na makita nang lalong malinaw ang kaiklian ng panahon. Marami sa mga komunidad na aming dinalaw ang unti-unting namamatay. Ang mga negosyo sa pangingisda ay humihinto. Ang mga post office at mga talyer ay nagsasara. Ang mga tao ay nababalisa sa pagkakita nila na ang mga kabataan ay humahanap ng mga pagkakataon sa malalayong bayan at mga siyudad, iniiwan ang magagandang bagong bahay at ang kinamulatan nang paraan ng pamumuhay. Sa buong daigdig, angaw-angaw ang walang tahanan at nagugutom. Dito’y matatagpuan mong walang tao ang mga tahanan at marami ang pagkain na nanggagaling sa dagat. Subalit, kung ihahambing ay kakaunti ang may ibig nito. Lahat na ito ay isang tahimik na katunayan ng isang daigdig na wala sa katinuan.
Patuloy ang Paglalakbay
Ang biyahe ay nagpatuloy sa hilagang panig ng Sørøya hanggang Kvænangen. Sa ilan sa mga hinintuan, kami’y kinailangang pumagilid sa pamamagitan ng bangkang de-sagwan. Subalit sa mga ibang lugar, ang Skagstein ay naaaring pumagilid hanggang sa daungan. Marami sa mga tagaroon sa isang lugar ang nagkukulumpunan sa amin upang alamin kung sino ang mga estrangherong ito sapagkat tiyak na hindi kami mukhang mga mangingisda sa kanila. Nang kanilang mapag-alaman na kami’y mga Saksi ni Jehova na may dalang mabuting balita sa Bibliya, kadalasan na ang kasunod ay masiglang mga pag-uusapan.
Pagkatapos na magawa namin ang lugar na ito, kami’y pumatungo naman sa Tromsø, na kung saan ang iba sa amin ay dadalo sa “Banal na Kapayapaan” na Pandistritong Kombensiyon. Ang bahaging ito ng biyahe ay tunay na isang pambihirang karanasan. Noon ay gabi, ngunit ang araw sa hatinggabi ay sumisikat nang buong liwanag sa ibabaw ng abot-tanaw. Sa kanan, madidilim na kapuluan at maliliit na isla ang makikita mo ang anino. Sa kaliwa, mga kabundukang nababalot ng niyebe ang taluktok ang kumikislap sa liwanag ng araw. Ang lagay ng panahon ay suwabe, at ang dagat ay binabasag lamang ng bahagyang alon. Lahat ay pawang kalmado at tahimik, maliban sa ritmikong ugong ng makina at ng nakaiigayang musika ng aming radyo. Anong nakaaaliw na paligid!
Pagkatapos ng kombensiyon sa Tromsø, nagkaroon ng bahagyang pagbabago sa mga tripulante. Pagkatapos ay nagpatuloy ang ekspedisyon, namamaybay sa Senja at dumaraan sa pagitan ng mga grupo ng isla ng Vesterålen patungo sa Bodø at pagkatapos ay umaabot sa Brønnøysund, ang aming huling pupuntahan. Sa maraming lugar na aming dinaanan, gaya ng Rødøy, kami’y nakakita ng mga tao na kailanma’y hindi nakakausap ang mga Saksi ni Jehova. Mga taon na ang nakalipas sapol nang isagawa ang mga pagdalaw na ito sa pangangaral, at ngayon isang bagong salin ng lahi ang nagsilalaki na.
Isang Biyahe na Di-Malilimot
Nang makarating kami sa Brønnøysund, noon ay katapusan na ng Agosto. Sa paglingon namin sa nakaraan noong mga linggong nagbibiyahe kami sa Skagstein, nadama namin na iyon ay tunay na isang biyaheng hindi malilimot. Sa biyaheng ito ay gumugol kami lahat-lahat ng 880 oras sa pangangaral ng mabuting balita at nakapaglagay kami ng 126 na mga aklat at 1,026 na mga magasin, at nakakuha rin kami ng 12 suskripsiyon para sa Ang Bantayan at Gumising! Maraming mga binhi ng Kaharian ang naihasik sa mga lugar na ito na kakaunti ang mga tao.
“Iyon ang pinakamainam na bakasyon na naranasan ko!” ang sabi ng isa sa mga kabataang mamamahayag na kasama sa biyahe. Yaong mga nagkaroon ng pribilehiyo na sumama sa biyaheng ito ay buong-pusong sumasang-ayon. Iyon ay hindi lamang isang mainam na bakasyon kundi isa sa lubhang kapaki-pakinabang sa espirituwalidad at kasi-siyang bagay na nagawa namin kailanman.
[Mga mapa sa pahina 25]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
SWEDEN
FINLAND
U.S.S.R.
Brønnøysund
Rødøy
Bodø
NORWAY
Senja
Tromsø
Kvænangen
Sørøya
Rolvsøy
Honningsvåg
Båtsfjord