Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 4/1 p. 4-5
  • Ibinunyag ang Dakilang Patutot

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ibinunyag ang Dakilang Patutot
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Babilonya ang Tagasulsol sa Digmaan
  • Babilonyang Dakila—Ang Pagpuksa sa Kaniya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Ang Babilonyang Dakila—Bumagsak at Hinatulan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Nawasak ang Dakilang Lunsod
    Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito!
  • Ang Tunay na Diyos at ang Inyong Kinabukasan
    Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 4/1 p. 4-5

Ibinunyag ang Dakilang Patutot

ANG kasalukuyang sistema ng sanlibutan sa ilalim ng kapangyarihan ni Satanas ay may tatlong pangunahing bahagi na minamaniobra ng “diyos ng sanlibutang ito.” Ito ay ang makapulitikang pamamahala, ang kapangyarihan at impluwensiya ng malalaking negosyo, at ang relihiyon. Sa loob ng libu-libong taon ng kasaysayan, ang tatlong bahaging ito ang laging magkakasama sa halos bawat namumunong pamamalakad. Alin ba sa makapangyarihang mga puwersang ito ang isinasagisag ng “ina ng mga patutot”?​—2 Corinto 4:3, 4, The Jerusalem Bible; Apocalipsis 12:9; 17:5.

Sang-ayon sa pangitain ni Juan na tinatalakay dito, ang mga pinuno, “ang mga hari sa lupa,” ay kusang nakiapid sa kaniya. (Apocalipsis 18:3) (Ang patotoo nito sa kasaysayan ay tatalakayin sa susunod na mga pahina.) Kung gayon, ang Babilonyang Dakila ay hindi maaaring sumagisag sa makapulitikang pamamahala sa pamamalakad ng sanlibutan.

Kumusta naman ang sektor ng malaking negosyo na gumaganap ng mahahalagang papel sa pamumuhay ng tao sa ngayon? Tunay na ito ay isang malakas na impluwensiya sa maraming bansa at, sa katunayan, siyang nagpapasiya kung sino ang magiging mayaman at sino naman ang magiging dukha. Ito kaya ang Babilonyang Dakila? Isang anghel ang nagbigay ng isang mahalagang himatong kay Juan na sumasagot sa tanong na ito. Siya’y naghayag ng isang nakapagtatakang pangyayari​— naiwala ng Babilonya ang lahat ng kumakalinga sa kaniya! Siya’y nawalan ng kaniyang mga kliyente at mga kalaguyo, na biglang-biglang nasuklam sa kaniya. Sino pa, maliban sa “mga hari sa lupa,” ang naging kaniyang palagiang mga bisita? Ang anghel ay nagsasabi: “Dahil sa alak ng galit ng kaniyang pakikiapid lahat ng bansa ay naging biktima, at ang mga hari sa lupa ay nangakiapid sa kaniya, at ang naglalakbay na mga mangangalakal sa lupa ay nagsiyaman dahil sa kapangyarihan ng kaniyang di-ikinahihiyang luho.” Oo, ang mga mangangalakal ng daigdig ay nangakinabang sa pamamagitan ng pakikipagkalakalan at pakikisama sa kaniya at pagpapalago sa kaniyang “di-ikinahihiyang luho.” Samakatuwid, siya’y hindi maaaring sumagisag sa malaking negosyo na pambuong daigdig.​—Apocalipsis 18:3.

Kung gayon, sa pamamagitan ng ginamit nating pamamaraan, ang makapulitikang pamamahala at ang kapangyarihan at impluwensiya ng malaking negosyo ay puwera na. Ano ngayon ang natitira? Iyon ay yaong sektor ng kapangyarihan na kabagay rin naman ng bintang sa kaniya, “sapagkat ang iyong gawang espiritismo ang nagligaw sa lahat ng bansa.” Itong dating bahaging malakas ngunit ngayo’y humihina na ang matinding nakaimpluwensiya sa kaisipan at mga pagkilos ng mga bansa mula’t sapol nang mga kaarawan ng sinaunang Babilonya. Siya ang may “kaharian na naghahari sa mga hari sa lupa”​—samakatuwid baga, ang huwad na relihiyon!​—Apocalipsis 17:18; 18:23.

Oo, bagaman waring nakabibigla sa ilang taimtim na mga taong relihiyoso, ang Babilonyang Dakila, na ina ng mga patutot, ay isang simbolo ng pandaigdig na imperyo ni Satanas ng huwad na relihiyon. Siya’y isang simbolo ng mga relihiyon ng sanlibutan na sa anumang paraan ay nakipagkumpromiso sa makapulitika at pinansiyal na mga elementong namiminuno sa buong nalakarang kasaysayan.

Babilonya ang Tagasulsol sa Digmaan

Ayon sa makahulang pangitain, ang Babilonyang Dakila ang dakilang patutot na umakay sa mga bansa, mga bayan, at mga tribo upang mapasangkot sa madugong mga digmaan, krusada, at paghihigantihan, anupa’t sila’y binasbasan sa pamamagitan ng mga orasyon, agua bendita, mga dasal, at maiinit na mga talumpating makabayan.a​—Apocalipsis 18:24.

Ang kaniyang klero, lalo na ang kaniyang mga kapelyan, ay pumayag na maging kasangkapan ng mga pinunò sa pagtataboy sa masa upang ipain sa patayan ng dalawang digmaang pandaigdig at ng iba pang mga malalaking digmaan. Pinatay ng Katoliko ang kapuwa niya Katoliko at ang Protestante naman ay yaong kapuwa niya Protestante bilang pagsunod sa kanilang tungkulin, anupat nasawi ang humigit-kumulang 50 hanggang 60 milyong buhay sa dalawa lamang digmaang pandaigdig.

Sa sibilisadong ika-20 siglong ito, ang patuloy na ipinamamana ng relihiyon ay pagkakapuotan at kamatayan​—hindi lamang sa lugar ng Sangkakristiyanuhan na may tuwirang paglalabanan ang mga Katoliko at Protestante kundi pati sa daigdig ng mga di-Kristiyano na kung saan naglalaban naman ang Islam at Judaismo, ang Hinduismo at Islam, ang Buddhismo at Hinduismo, ang Sikhismo at Hinduismo, at iba pa.

Isa pa, sa tuwina’y hinangad ng relihiyon na magkaroon siya ng malakas na impluwensiya sa “mga hari sa lupa,” at tinangka niya na siya ang magpasiya tungkol sa kanilang magiging kapalaran at ng kanilang mga kahalili. Ating sandaling pag-usapan ang mga ilang halimbawa.

[Talababa]

a Ang “sagradong” mga Krusada (1096-1270), ang Tatlumpung Taóng Digmaan sa Europa (1618-48), ang dalawang digmaang pandaigdig, at ang pagkapaslang sa humigit-kumulang 200,000 mga Hindu at Muslim nang hatiin ang India (1948) ay ilan lamang sa mga halimbawa ng kasalanan ng relihiyon na pagbububo ng dugo.

[Larawan sa pahina 4]

Alin dito​—pulitika, malaking negosyo, o relihiyon​—ang kinakatawan ng “Babilonyang Dakila”?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share