Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 4/15 p. 30-31
  • Kinasihang mga Babala na may Epekto sa Iyo

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Kinasihang mga Babala na may Epekto sa Iyo
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kapahamakan Para sa Edom
  • Ang Sambahayan ni Jacob ay Isinauli sa Dati
  • Mga Aral Buhat sa Kasulatan: Jonas 1:1–4:11
  • Tumakas si Jonas
  • Si Jonas ay Naparoon sa Nineve
  • Mga Tampok na Bahagi sa mga Aklat ng Obadias, Jonas, at Mikas
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Aklat ng Bibliya Bilang 32—Jonas
    “Lahat ng Kasulatan ay Kinasihan ng Diyos at Kapaki-pakinabang”
  • Natuto Siyang Maging Maawain
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • Natuto Siyang Maging Maawain
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 4/15 p. 30-31

Mga Aral Buhat sa Kasulatan: Obadias 1-21

Kinasihang mga Babala na may Epekto sa Iyo

“SIYANG humihipo sa inyo ay humihipo sa itim ng aking mata.” (Zacarias 2:8) Ang nagbababalang mga salitang iyan ay nagsisilbing mensahe na nagpapayo ng pag-iingat sa lahat: Napapansin ni Jehova kung paano pinakikitunguhan ng mga bansa ang kaniyang bayan. Ngunit, ano nga ba ang nangyayari sa isang bansa na lumalaban sa ganiyang kinasihang babala at humihipo sa bayan ng Diyos upang ito’y pinsalain? Ang pinakamaikling aklat sa Kasulatang Hebreo, ang Obadias, ang sumasagot.

Kapahamakan Para sa Edom

Walang sinumang makaiiwas sa hatol ni Jehova. Ang hula ni Obadias, na sinalita humigit-kumulang 607 B.C.E., ay tungkol sa pagpapatalsik sa mga Edomita sa kanilang lupain sa kabila ng kanilang waring matatag na katayuan sa itaas “sa gitna ng mga bituin.” At bagaman ang personal na buhay ng sumulat nito sa Bibliya ay hindi isinisiwalat, siya’y namumuhay ayon sa kahulugan ng kaniyang pangalan, “Lingkod ni Jehova.” Sa paano? Sa pamamagitan ng pagbabalita ng isang pumipinsalang hatol. Sa pagbagsak ng Edom, siya ay lubusang wawaldasin ng mga kaibigan na may pakikipagtipan sa kaniya. Maging ang kaniyang mga pantas at mga makapangyarihan ay hindi maliligtas.​—tal 1-9.

Ang Diyos ay nagdadala ng kapahamakan sa mga gumagawa ng karahasan laban sa kaniyang bayan. Ano ba ang dahilan at napahamak ang mga Edomita? Ang paulit-ulit na paggawa ng karahasan laban sa mga anak ni Jacob, ang kanilang mga kapatid. Bilang mga inapo ni Esau, ang mga Edomita ay kamag-anak ng mga Israelita. Gayunman, sila’y binintangan na nagnanakaw sa kanilang mga kamag-anak, anupa’t ikinatutuwa pa nila ang pagbagsak ng Jerusalem, at ang sukdulan nito, kanila pang ibinigay sa kaaway ang mga nangakaligtas. Sa gayon, ang Edom ang gumawa ng kaniyang sariling ikapapahamak.​—tal 10-16.

Ang Sambahayan ni Jacob ay Isinauli sa Dati

Sa tuwina’y maaasahan ang mga pangako ni Jehova. Noong kaarawan ni Obadias, tiniyak sa kanila ni Jehova na muling aariin ng Kaniyang bayan ang kanilang lupain at higit pa. Ang Israel ay hindi na mahahati. Ang sambahayan ni Jacob, ang dalawang-tribong kaharian ng Juda, ay muling makakaisa ng sambahayan ni Jose, ang sampung-tribong kaharian sa hilaga, sa pagwawasak sa Edom gaya ng apoy na sumusupok sa dayami at sa pagsakop sa teritoryo ni Edom. Samantalang nakapagpapatibay ang pagwawakas nito, sinasabi ni Obadias na ang napabalik na mga Israelita ay may pagkakaisang sasamba sa kanilang Diyos at magiging kaniyang mga sakop. Oo, ang paghahari ay sasa-kamay ni Jehova.​—tal 17-21.

Mga aral para sa ngayon: Ang mga babalang ipinagwawalang-bahala ay nagbubunga ng kapahamakan. Sa gayon, ang mariing babala ni Obadias sa Edom ay dapat na umalingawngaw sa pandinig ng mga mananalansang sa Diyos sa modernong panahon: Yaong mga lumalaban kay Jehova at sa kaniyang bayan ay lilipulin magpakailanman.

Mga Aral Buhat sa Kasulatan: Jonas 1:1–4:11

IWASAN ang kapahamakan! Tumanggap kayo ng awa! Paano? Sa pamamagitan ng pakikinig sa aral buhat sa isang tunay na kasaysayan na mahigit nang 2,800 taon ang nakalipas​—ang aklat ni Jonas. Isinulat humigit-kumulang 844 B.C.E. ng propetang si Jonas ng Galilea, ito’y punung-punô ng espirituwal na matalinong unawa.

Tumakas si Jonas

Tayo’y dapat magtiwala kay Jehova na aalalay sa atin sa paglilingkod sa kaniya. Gayunman, tinakasan ni Jonas ang isang bigay-Diyos na tungkulin sa halip na umasang si Jehova ang aalalay sa kaniya. Totoo naman, iyon ay hindi isang madaling atas para sa kaniya. Siya’y nagbibigay-babala nang di-nahihiya sa balakyot na Nineve ng tungkol sa kapahamakan na pasasapitin ng Diyos. Subalit sa kabilang direksiyon naparoon si Jonas, siya’y naglayag patungong Tarsis, ngayo’y Espanya. Samantalang patungo roon, sumapit ang isang napakalakas na bagyo na anupa’t waring imposible na makaligtas ang barko at ang mga tripulante nito. Si Jonas ay nagtapat na gayon nga, siya’y itinapon sa dagat ng mga marinero at tumahimik ang dagat. Ang propeta’y nilamon ng isang malaking isda.​—1:1-17.

Ang mga lingkod ng Diyos ay makapagtitiwala na kaniyang sasagutin ang kanilang mga panalangin. Sa loob ng tiyan ng isda, si Jonas ay nanalangin kay Jehova na siya’y tulungan, sa kaniyang panalangin ay pinasalamatan niya ang Diyos sa pagliligtas sa kaniya buhat sa isang matubig na libingan, at ipinangako niya na tutuparin niya ang kaniyang ipinanata. Nang dumating ang panahon, siya’y isinuka tungo sa tuyong lupa.​—2:1-10.

Si Jonas ay Naparoon sa Nineve

Kailanman ay huwag iiwasan ang isang atas buhat kay Jehova. Marahil pagkatapos na matuto ng leksiyong ito, ang dating nag-aatubiling propeta ay nangaral sa “dakilang lunsod.” Si Jonas ay nagsalita ng isang simple ngunit mariing babala: “Apatnapung araw pa, at ang Nineve ay mawawasak.” Sa isang lubhang natatanging kabaligtaran ng pangyayari, ang mga taga-Nineve ay nangagsisi at kanilang naiwasan ang kapahamakan.​—3:1-10.

Ang tao ay hindi maaaring magtakda ng hangganan sa awa ng Diyos. Ang galit ni Jonas ay lalong tumindi dahil sa ang Nineve ay hindi napuksa. Subalit sa pamamagitan ng isang halaman, tinuruan ni Jehova si Jonas na Siya’y nagpapakita ng awa ayon sa Kaniyang sariling kalooban.​—4:1-11.

Aral para sa ngayon: Ang kasakunaan ay maaaring maiwasan sa pamamagitan ng pakikinig sa kinasihang hula! Tularan ang mga taga-Nineve. Mapakumbabang makinig kay Jesu-Kristo, isang propetang lalong dakila kaysa kay Jonas.​—Lucas 11:32.

[Kahon sa pahina 30]

SINURING MGA TEKSTO SA BIBLIYA

○ Obadias tal 7​—Sa mga panahong tinutukoy sa Bibliya, “ang pagkain” na kasalo ng sinuman ay halos isang pakikipagtipan ng pagkakaibigan. Tumbalik! Ang mga Babiloniko, “mga lalaking may pakikipagtipan” sa mga Edomita, ay naging kanilang mga tagapuksa. Totoo, ang mga Babiloniko noong kaarawan ni Nabukodonosor ay pumayag na makihati ang Edom sa mga samsam na nakuha sa Juda pagkatapos na igiba ang Jerusalem. Subalit ang nahuling haring Babiloniko na si Nabonido ay naging manunupil minsan at magpakailanman ng mga ambisyong komersiyal at pangkalakal ng Edom.

○ Talatang 10​—Ang Edom ay hinatulan na “lipulin magpakailanman” dahilan sa kaniyang pagkapoot at kawalan ng likas na pagmamahal sa kaniyang kapatid na bansa, “ang mga anak ng Juda.” (Talatang 12) Ang ganiyang pagkaparam ng isang bansa ay nangangahulugan na ang isang estadong Edomita na may pamahalaan at mga mamamayan sa isang espesipikong teokratikong lugar ay tuluyang mawawala sa balat ng lupa. Sa ngayon, walang nakikilalang bayan ng pambansang lahi ng mga Edomita; sila’y “naging para bagang hindi kailanman nangabuhay.”​—Talatang 16.

[Kahon sa pahina 31]

SINURING MGA TEKSTO SA BIBLIYA

○ Jonas 1:17​—Dahilan sa malaking ulo at lalamunan nito, ang dambuhalang balyena ay nakalululon ng isang tao. Bagaman ang mga balyena ay pambihirang makikita sa Mediteraneo, ang mga manghuhuli ng pating ay noong minsan sumasadsad sa Joppe. Ang isdang nakikilalang sumusunod sa mga barko sa Mediteraneo at kumakain ng anumang ihagis mo sa tubig ay ang malaking puting pating. Ito ay nakalululon din ng isang buong tao. Subalit, tungkol kay Jonas ay gumamit ang Diyos ng isang “malaking isda,” na marahil di-kilala ng modernong siyensiya.

○ 2:1, 2​—Tiyak na si Jonas ay hindi nagkaroon ng kaaya-ayang mga kalagayan para sa paglikha ng isang tula samantalang nasa “tiyan ng isda.” Subalit nang bandang huli ay isinulat niya ang kaniyang karanasan. Buhat sa kaibuturan ng kaniyang puso ay nanggaling ang mga salitang nahahawig ang diwa ng nasa Mga Awit na nagpapahayag ng kaniyang damdamin.​—Ihambing ang 2:2 sa Awit 120:1 at Aw 130:1; Jon 2:5 sa Awit 69:1.

○ 3:3​—Ang laki ng Nineve ay hindi labis-labis ang pagkabanggit dito. Bagaman ang mga pader na nakapalibot dito ay mayroon lamang 8 milya sa palibot, maliwanag na ayon sa pangalan ng lunsod ay kasali na ang mga kanugnog-pook, na marahil sumasaklaw sa distansiyang mga 26 milya.

○ 3:10​—Ang salitang Hebreo na isinaling “nagsisi” ay nangangahulugang “baguhin ang isip ng isa kung tungkol sa nakalipas (o nilayon) na pagkilos.” Sa gayon, si Jehova ay maaaring ‘magsisi’ o magbago ng kaniyang isip tungkol sa pagpaparusa sa nagkasalang mga tao pagka sila’y tunay na nagsisi nga.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share