Ang Babilonyang Dakila—Bumagsak at Hinatulan
“SIYA’Y bumagsak na! Ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na, siyang nagpainom sa lahat ng bansa ng alak ng galit ng kaniyang pakikiapid!” “Bumagsak ang Babilonyang Dakila, at siya’y naging tahanan ng mga demonyo at kulungan ng bawat espiritung karumal-dumal at kulungan ng karumal-dumal at kasuklam-suklam na ibon!”—Apocalipsis 14:8; 18:2.
Anong kagulat-gulat na hula! “Bumagsak ang Babilonyang Dakila!” Sa loob ng daan-daang taon, ang simbolikong pangungusap na ito ay nakaintriga sa mga estudyante ng Bibliya. Bakit ito kapana-panabik sa iyo? Sapagkat, sang-ayon sa hula ng Bibliya, ang kahihinatnan ng Babilonyang Dakila ay malapit nang makaapekto sa lahat ng tao. Gaya ng nakita na natin sa Abril 1 at Abril 15 ng mga labas ng magasing ito, ang maimpluwensiyang patutot na ito ay malinaw na ipinakikilala bilang ang pandaigdig na imperyo ni Satanas ng huwad na relihiyon.a
Subalit sa anong paraan siya bumagsak? At kailan?
Bumagsak ang Babilonya Ngunit Hindi Pinuksa
Upang makuha ang lubos na kahulugan ng pagbagsak ng Babilonyang Dakila, kailangang maunawaan natin kung ano ang naganap nang ang sinaunang Babilonya ay bumagsak noong 539 B.C.E. Noong panahong iyon ang bayan ng Diyos, ang Israel, ay nasa pagkabihag sa loob nang halos 70 taon. Ngayon sila’y umaasang sila’y lalaya kasuwato ng mga sinalita ng kanilang mga propeta. (Jeremias 25:11, 12; 29:10) Anong laki ng katuwaan nila kaipala nang pangyarihin ni Ciro na Persiyano ang pagbagsak ng Babilonya at pinalaya ang mga Judio upang maglakbay pabalik sa kanilang banal na siyudad, ang Jerusalem!—Isaias 45:1-4.
Gayunman, bagaman ang kapangyarihan ng Babilonya sa mga Judio ay nasira, hindi ibig sabihin na katapusan na iyon ng sinaunang Babilonya. Ang historyador na si Joan Oates ay sumulat sa kaniyang aklat na Babylon: “Si Ciro ay pumasok sa Babilonya nang matagumpay, kaniyang ipinagbawal ang pang-aabanse at humirang siya ng isang Persiyanong gobernador, ngunit hindi niya ginalaw ang relihiyosong institusyon at sibilyang administrasyon. . . . Tunay na sa pang-ibabaw ang pribadong pamumuhay ng mga mamamayang Babiloniko ay tinging nagbago nang bahagyang-bahagya sa ilalim ng pamamahala ng mga Persiyano. Napanatiling umiiral ang iba’t ibang uri ng relihiyon at umunlad ang komersiyo.” Samakatuwid, sa kabila ng kaniyang pagbagsak, ang Babilonya ay nagpatuloy na umunlad, subalit may isang malaking pagkakaiba—ang bayan ng Diyos, ang Israel, ay hindi na bihag ngayon. Sila’y bumalik sa Jerusalem upang itayong muli roon ang tunay na pagsamba.
Humigit-kumulang noong 331 B.C.E. nang ang Griegong heneral na si Alejandrong Dakila ay pumasok sa Babilonya, siya’y binigyan ng mainit na pagtanggap ng mga mamamayan. Kaniyang ipinasya na ibig niyang maikumberte iyon upang maging kaniyang kabisera sa silangan, subalit siya’y namatay bago pa niya matupad ang kaniyang nilulunggati. Ito’y nagpapakita na ang Babilonya’y umunlad pa rin nang atrasadong petsang iyan.
Kung gayon, ang pagbagsak ng Babilonya noong 539 B.C.E. ay hindi ibig sabihin na hindi na ito umiral. Ito’y nagpatuloy na umandar sa loob ng daan-daang siglo. Papaano ito mababanaag sa modernong katuparan ng mga hula tungkol sa Babilonyang Dakila?
Ang Babilonyang Dakila ay Bumagsak
Ang kahawig nito ay ang pagbagsak ng simbolikong Babilonyang Dakila, ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Sa may pasimula ng ating ika-20 siglo bago sumapit ang 1919, ang mga Estudyante ng Bibliya, na tawag noon sa mga Saksi ni Jehova, ay kinailangang mapalaya buhat sa isang anyo ng espirituwal na pagkabihag sa mga ideya at mga gawain ng huwad na relihiyon. Bagaman kanilang tinanggihan na ang kanilang gayong di-totoong mga turo tulad baga ng Trinidad at ng walang-kamatayang kaluluwa, sila’y may bahid pa rin ng mga gawaing maka-Babilonya. Marami ang tinubuan ng isang matuwid-sa-sariling saloobin sa pagpapahusay ng ugali. Ang iba’y pumupuri sa mga nilikha, nahuhumaling sa isang kulto na nagpapahusay ng personalidad at nakatutok kay Charles T. Russell, ang unang pangulo ng Watch Tower Bible and Tract Society. Bagaman walang anumang basehan sa Bibliya, sila’y nagdiriwang ng mga kompleanyo at Pasko. Ang krus ay prominente pa rin sa kanilang kaisipan. Ang iba’y may suot pa ngang isang emblema ng krus at korona sa sulapa ng amerikana, samantalang ang iba naman ay humahanap ng pagkarespetable na makikita sa Sangkakristiyanuhan. Pagkatapos, noong 1917, noong kamamatay lamang ni Russell, nagsimula ang isang mahalagang pagbabago.
Nang taóng iyan ang Watch Tower Society ay naglathala ng isang komentaryo tungkol sa Apocalipsis sa ilalim ng pamagat na The Finished Mystery. Ang aklat na ito ay nagbilad sa klero ng Sangkakristiyanuhan, kasali na ang kanilang pagkasangkot sa Dakilang Digmaan na noo’y nag-aalab sa Europa. Ang iba sa mga klerigong Protestante, isang bahagi ng mga kinatawan ng Babilonyang Dakila sa Canada, ang nagdala ng mga halaw na ito sa kanilang mga katotong pulitiko sa gobyerno ng Canada at kanilang pinaratangan na mga manghihimagsik ang mga Estudyante ng Bibliya. Noong Pebrero 12, 1918, ang Watch Tower Society ay ibinawal sa Canada.
Ang klero sa Estados Unidos ay mabilis na tumulad sa halimbawa ng kanilang mga kapatid sa Canada. Hindi lumipas ang ilang araw, ang mga lathalain ng Watch Tower Society ay kinumpiska sa Los Angeles, California, E.U.A. Pagkatapos, noong Mayo 1918, nagpalabas ng mandamiento de aresto para arestuhin si J. F. Rutherford, ang bagong pangulo ng Watch Tower Society, at ang pito pang mga kinatawan ng Watch Tower. Noong Hunyo, taglay ang nakagugulat na kabilisan, ang Kristiyanong mga lalaking ito ay iniharap sa isang hukuman at sinintensiyahan. Pito ang sinintensiyahan nang 20 taon sa isang piitan, at isa ay sinintensiyahan ng 10 taon. Ano ba ang naging reaksiyon ng klero? Ganito ang sabi ni Martin Marty sa kaniyang aklat na Modern American Religion: The Irony of It All: “Ang klero ay nagbangon laban sa mga Russellites [nang bandang huli’y nakilala bilang mga Saksi ni Jehova] at sila’y nangatuwa nang marinig na dalawampung-taóng mga sintensiya ang ipapataw sa nahatulang mga lider ng mga Saksi ni Jehova.” Ang mga kinatawan ng Babilonyang Dakila ay nangagtatawanan. Hindi nila naisip na ang huling tumatawa ang siyang tumatawa nang pinakamalakas.
Sa gayon, noong 1918 ang simbolikong pagkabihag sa Babilonya ay naging isa ring literal na pagkabilanggo para sa ilan sa mga lingkod ni Jehova. Isang daluyong ng pag-uusig sa mga Estudyante sa Bibliya ang dumagsa sa buong Estados Unidos, Canada, at iba pang mga bansa. Ang makabayang mga klerigo ay nag-organisa ng mga mang-uumog upang itaboy sila nang palabas sa mga bayan. Ang mga Estudyante ng Bibliya ay binuhusan ng alkitran at kinabitan ng mga balahibo at ginulpi ng mga garote. Isang nakahihiyang ulat ng panunugpo sa katarungan ang nabuo laban sa munting grupong ito ng taimtim na mga Kristiyano.b
Pagkatapos, noong 1919, isang di-inaasahang kabaligtaran ng mga pangyayari ang naganap. Ang Dakilang Digmaan ay natapos noong Nobyembre 1918. Ang sintensiya laban sa mga opisyales ng Watch Tower Society ay inapila bilang isang pagkabigo ng katarungan. Sa ikinapahiya ng kanilang relihiyosong mga kaaway, si Rutherford at ang kaniyang mga kasama ay pinalaya sa bilangguan. Gaya ng pagkasabi ni Marty: “Walang pumalakpak buhat sa mga miyembro ng tatag na simbahan.” Sa katapus-tapusan, lahat ng akusado ay lubusang pinawalang-sala. Ang may kinikilingang huwes na Katoliko, si Martin T. Manton, na noong bandang huli ay ginawang isang “kabalyero ng orden ni San Gregoriong Dakila” ni Papa Pio XI, ay tumangging pahintulutang piyansahan ang walong Saksi at sa ganoo’y pinapangyaring sila’y mabilanggo nang walang katuwiran sa loob ng siyam na buwan. Ang tunay na kulay niya ay nakita noong bandang huli, noong 1939, nang siya’y mabilanggo dahil sa pagtanggap ng suhol!
Sa kanilang paglaya sa pagkabilanggo noong 1919, si Rutherford at ang kaniyang mga kasama ay bumalik sa punong tanggapan sa Brooklyn ng Watch Tower Society. Nang magkagayo’y nagsimula na silang magreorganisa para sa pinakamalaking kampanya ng pangangaral ng Kaharian na kailanma’y nakilala sa daigdig. Ang mga Estudyante ng Bibliya ay nagtagumpay ng pagwawalat sa mga gumagapos na tanikala ng pagkatakot sa tao at ngayo’y malinaw na nakita nila ang kanilang kinatatayuan kung tungkol sa lahat ng huwad na relihiyon. Ang Babilonyang Dakila ang kanilang walang lubay na kaaway at kailangang ibunyag bilang bumagsak na. Ang tunay na pagsamba ay kailangang ipanumbalik sa gitna ng mga bansa.
Ang malalakas-loob na mga Kristiyanong iyon ay lalong naging masigasig sa kanilang ministeryo ng pagbabahay-bahay. Sila’y nagparada rin sa madla, at ibinunyag ang huwad na relihiyon sa tulong ng mga dalang karatula na nagsasabing: “Ang Relihiyon Ay Isang Silo at Isang Pangungulimbat” at, “Maglingkod Kayo sa Diyos at kay Kristong Hari.” Ang huwad na relihiyon ay patuloy pa ring lumalago at umaandar, gaya nang nangyari rito sa sinaunang Babilonya, subalit kung tungkol sa mga Saksi ni Jehova, ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na noong 1919. Sila’y napalaya buhat sa maka-Babilonyang panghadlang!
Ang Nalalaos na Impluwensiya ng Babilonya
Ngayon, 70 taon ang nakalipas, makikita natin na sa maraming panig ng lupa, ang impluwensiya ng Babilonyang Dakila ay laos na. Totoo, ang relihiyon ay tila man din umuunlad sa Estados Unidos, na kung saan ang higit na emosyonal na bahagi na mga mamamayan ay pinagsasamantalahan ng mga ebanghelista sa TV at relihiyosong mga sikologo. Gayunman, maging ang iba sa materyalistikong mga nagdudunung-dunungang ito ay kamakailan napabunyag at napahiya. Ang relihiyon ay waring umuunlad sa Republika ng Korea, na kung saan ang mga simbahan ng Sangkakristiyanuhan ay lubhang napasangkot sa pulitika. Maliwanag, ang Babilonyang Dakila, bagaman “bumagsak,” ay umaandar pa rin.
Datapuwat, pagkatapos ng pandaigdig na mga digmaan, ang tradisyonal na relihiyon ay nawalan ng kaniyang mga tagasunod na masa sa mga bansang tulad baga ng Alemanya, Denmarka, Sweden, at Britanya. Maging ang mga bansang Katoliko na gaya baga ng Italya, Espanya, at Pransiya ay kinapansinan ng paghiwalay sa tradisyonal na mga kinaugaliang Katoliko na pangungumpisal at pakikinig ng Misa. Ang bilang ng mga nag-aaral ng pagkapari ay malaki ang iniurong. At ang mismong bagay na nadarama ng kasalukuyang papa na kailangang maglakbay siya sa daigdig higit kaysa kaninumang ibang papa sa kasaysayan ay isang sintomas ng isang relihiyon na nasa kagipitan.
Isa pa, sapol noong 1917 karamihan ng mga bansang sosyalista ay gumawa ng hakbang upang ang relihiyon ay malagay sa panegundang dako at pinutol ang kaniyang dating impluwensiya sa pulitika. Sa buong daigdig, ang tradisyonal na relihiyon ay sanhi pa rin ng malaking pagkakapootan at pagdanak ng dugo kung kaya’t maraming mga taong palaisip ang tumalikod sa lahat ng relihiyon, maging iyon man ay Kanluranin o Silanganin. Oo, ang simbolikong mga tubig na kinauupuan ng Babilonyang Dakila, ang mga bayan na nasa ilalim ng kaniyang kapangyarihan, ay nangatutuyo na. Ang Babilonyang Dakila ay hinahatulan, at ang pagpuksa sa kaniya ay malapit na.—Apocalipsis 16:12; 17:1, 15.
Babilonya—Bakit Hinahatulan
Ano ang batayan ni Jehova sa paghatol sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon? Tunay, iisipin ng iba, baka kaniyang malasin nang may pagsang-ayon ang lahat ng mga paaralan, ospital, at mga pagkakawanggawa na naitayo at ginagawa ng iba’t ibang relihiyon. Subalit ano ba ang kabuluhan ng lahat ng iyan may kaugnayan sa sakdal na iniharap ni Jehova laban sa mga relihiyon ng daigdig? Sandaling suriin natin ang sakdal na iyan at ang rekord ng relihiyon.c
“At dumating ang isa sa pitong anghel na may pitong mangkok at nagsalita sa akin, na nagsasabi: ‘Halika, ipakikita ko sa iyo ang hatol sa dakilang patutot na nakaupo sa maraming tubig, na siyang pinakiapiran ng mga hari sa lupa, at ang mga nananahan sa lupa ay nalasing sa alak ng kaniyang pakikiapid.’” (Apocalipsis 17:1, 2) Gaya ng malinaw na nakita natin sa ating mga labas ng magasing ito noong Abril 1 at Abril 15, 1989, na ang pakikipagsabuwatan ng relihiyon sa mga pinuno ng mga bansa, “ang mga hari sa lupa,” sa ikinapipinsala ng mga tao sa buong nalakarang kasaysayan, ay maihahambing sa iginagawi ng isang masakim, nakikiapid na patutot. Subalit ang sakdal ay nagpapatuloy.
“At nakita ko na ang babae ay lasing sa dugo ng mga banal at sa dugo ng mga saksi ni Jesus.” “Oo, sa kaniya’y nasumpungan ang dugo ng mga propeta at ng mga banal at ng lahat ng mga pinatay sa lupa.” (Apocalipsis 17:6; 18:24) Ang dapat paratangan ng pagbububo ng dugo ay ang Babilonyang Dakila dahilan sa pamamaslang niya sa nagmartir na mga tunay na Kristiyano sa lumipas na daan-daang taon, kasali na ang ilan na nangahas isalin ang Bibliya sa wika ng mga karaniwang tao, at ang marami na nangahas na mag-ari at bumasa ng Bibliya. Ang Dakilang Babilonya ay may kasalanan din laban sa dugo dahil sa tunay na mga Kristiyanong naging mga martir kamakailan sa mga piitan at mga concentration camp, maging sa ilalim ng Nazismo, Fascismo, o iba pang mga diktadura. Pansinin na ang sakdal ay tumutukoy sa “lahat ng mga pinatay sa lupa,” at kasali na riyan ang daan-daang milyon sa buong daigdig na nangamatay sa mga digmaan at mga paghihigantíhan na pinaglabanan sa buong nakalipas na kasaysayan ng mga taong nag-aangking relihiyoso.—Ihambing ang Mateo 23:34-36; 2 Timoteo 3:5.
Ang paghatol ng Diyos sa Babilonyang Dakila ay tumutukoy ng isa pang bahagi ng kaniyang pagkakasala. Ang hatol ay nagsasabi: “Ang iyong gawang espiritismo ang nagligaw sa lahat ng bansa.” (Apocalipsis 18:23) Kapuna-puna, ang “gawang espiritismo” ay salin ng Griegong phar·ma·kiʹa, na “ang pangunahing kahulugan ay ang paggamit ng gamot, droga, engkanto; pagkatapos, paglalason; pagkatapos, panggagaway.”d Sa espirituwal na diwa, nilason ng huwad na relihiyon ang mga bansa, iniligaw sila sa paniniwala sa huwad na mga diyos at mga turo na naglihis ng kanilang atensiyon kay Jehova at sa isyu ng pansansinukob na soberanya. Dahil sa kaniyang maling turo na ang kaluluwa’y walang kamatayan, nailatag din ng huwad na relihiyon ang pundasyon para sa bawat uri ng espiritismo at panggagaway na pumukaw ng takot sa mga patay at ng pagsamba sa mga ninuno. Ang paghatol ng Diyos sa Babilonyang Dakila ay lubos na makatuwiran. Gaya ng isinulat ni Juan: “Ang kaniyang katakut-takot na mga kasalanan ay abot hanggang langit, at naalaala ng Diyos ang kaniyang gawang katampalasanan.”—Apocalipsis 18:5.
Ano ang Kailangang Gawin Natin?
Sa liwanag ng pagkabagsak ng Babilonyang Dakila at ng kaniyang hinatulang kalagayan, ano ang kailangang gawin ngayon ng taimtim na mga mangingibig ng katotohanan? Ang hula ni Isaias tungkol sa sinaunang Babilonya ay kumakapit nang lalong matindi sa huwad na relihiyon sa ngayon: “Kayo’y magsiyaon, kayo’y magsiyaon, kayo’y magsialis doon, huwag kayong magsisihipo ng maruming bagay; kayo’y magsilabas sa gitna niya, kayo’y magpakalinis, kayong nagdadala ng mga sisidlan ni Jehova.” (Isaias 52:11) Ang nag-aapurang panawagang ito ay kahawig niyaong nasa Apocalipsis 18:4: “At narinig ko ang ibang tinig na mula sa langit na nagsasabing: ‘Lumabas kayo sa kaniya [sa Babilonyang Dakila], bayan ko, kung hindi ninyo nais na maparamay sa kaniyang mga kasalanan, at kung hindi ninyo nais na tumanggap ng bahagi ng kaniyang mga salot.’”
Oo, panahon nang putulin ang lahat ng kaugnayan sa huwad na relihiyon. Subalit kung tayo’y makalabas na sa Babilonyang Dakila, saan naman tayo babaling? Sa tunay na pagsamba kay Jehova kasama ng kaniyang mga saksi. Natutupad na ngayon, angaw-angaw buhat sa lahat ng bansa sa lupa ang humuhugos sa simbolikong “bundok ni Jehova.” Ikaw man ay inaanyayahan na makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova at makisama sa kanila sa tunay na pagsambang ito.—Isaias 2:2-4; 43:10-12.
Ngayon ay naririto pa ang tanong, Kung ang Babilonyang Dakila ay bumagsak na at nahatulan na, ano ba ang susunod sa kinasihang talaan? Ano ba ang mangyayari sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon ni Satanas? Ang susunod na labas, Mayo 15, ang tatalakay sa tanong na iyan ayon sa hula ng Bibliya.
[Mga talababa]
a Ang Babilonyang Dakila ay hindi maaaring sumagisag sa pulitika at sa malaking negosyo, sapagkat sila’y ipinakikita na nananaghoy dahil sa kaniyang pagbagsak. (Apocalipsis 18:9-11) Ang natitira pang pangunahing elemento ng sistema ng sanlibutan ni Satanas ay wala kundi ang relihiyon. Ang kaniyang kaugnayan sa espiritismo ay nagsisilbing patunay na siya’y sumasagisag sa relihiyon.—Apocalipsis 18:23.
b Para sa higit pang detalye tungkol sa pag-uusig na ito, tingnan ang 1975 Yearbook of Jehovah’s Witnesses, pahina 94-119.
c Para sa isang detalyadong pagtalakay ng paksang ito, tingnan ang lathalaing Apocalipsis—Malapit Na ang Dakilang Kasukdulan Nito! pahina 235-71, lathala noong 1988 ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
d Ang Expository Dictionary of New Testament Words ni W. E. Vine. Tomo IV, pahina 51-2.
[Larawan sa pahina 7]
Bagaman bumagsak ang Babilonya noong 539 B.C.E., ito’y nagpatuloy na umandar bilang isang siyudad sa loob ng daan-daang taon