Ang Hiwaga ng Codex Vaticano
ANG Codex Vaticano 1209 ay makikita sa unang katalogo sa Aklatan ng Vaticano, na inihanda noong taóng 1475. Kung papaano napapunta iyon doon ay walang nakababatid. Ito’y isa sa tatlong dakilang mga codex na Griego na umiiral pa hanggang sa ngayon, kahanay ng mga kasabay nito, ang Sinaiticus noong ikaapat na siglo, at ang Alexandrinus noong may pasimula ng ikalimang siglo.
Bagaman ang kahalagahan ng manuskritong Vaticanong ito ay alam na alam ng mga iskolar maaga noong ika-16 na siglo, kakaunti ang pinayagang magsuri nito. Ang Aklatan ng Vaticano ay naghanda ng tinipong iba’t ibang pagbasa sa manuskrito noong 1669, subalit ito’y nawala at hindi nakuha kundi noong 1819.
Ang Roma ay nabihag ni Emperador Napoleon ng Pransya noong 1809 at ang mahalagang manuskrito ay kaniyang dinala sa Paris, na kung saan iyon ay sinuri ni Leonhard Hug, isang kilalang iskolar, subalit nang bumagsak si Napoleon ang codex ay ibinalik sa Vaticano noong 1815. Sa loob ng sumunod na 75 taon ito’y muling nabalot ng hiwaga, palibhasa’y itinago ng Vaticano.
Si Konstantin von Tischendorf, na sa sanlibuta’y isa sa pinakadakilang iskolar sa manuskrito, ay pinayagang suriin ang manuskrito noong 1843 sa loob lamang ng anim na oras, pagkatapos na siya’y patuloy na maghintay sa loob ng maraming buwan. Makalipas ang dalawang taon, ang iskolar Ingles na si Dr. S. P. Tregelles ay pinayagan na makita ang codex subalit hindi upang pag-aralan iyon. Sinabi niya: “Totoo nga na malimit na makita ko ang MS., subalit ayaw nila akong payagang gamitin ko iyon; at hindi nila ako pinapayagang buklatin iyon nang hindi muna hinahalughog ang aking mga bulsa, at kinukuha ang aking pansulat, tinta, at papel; at kasabay na dalawang prelati [mga pari] ang patuloy na kumakausap sa akin sa Latin, at kung tumitingin ako nang napakatagal sa isang talata, ang aklat ay kanilang inaagaw sa kamay ko.”
Bakit nga ba ang ganiyang walang kasinghalagang manuskrito ay ayaw ng Iglesiya Katolika Romana na ipakita sa daigdig?
Bakit Itinago?
Para sa Iglesiya Katolika Romana, ang bersiyong Latin Vulgate ng Banal na Kasulatan ang nananatiling “pinakamataas na autoridad” nito. Sang-ayon sa ensayklikal na liham, ang Divino Afflante Spiritu ni Pio XII, lathala noong taóng 1943, ang saling Latin na ito ni Jerome noong ikaapat na siglo ay itinuturing din na “lubusang walang anumang pagkakamali kung tungkol sa pananampalataya at moral.” Kumusta naman ang mga tekstong Hebreo at Griego na pinagbasihan ng saling Vulgate? Ang mga ito, ang sabi ng ensayklikal, ay mahalaga upang ‘mapatotohanan’ ang autoridad ng Vulgate. Kaya’t ang anumang manuskritong Griego, kahit na ang Codex Vaticano, ay hindi itinuring na kasinghalaga ang autoridad gaya ng taglay ng Latin Vulgate. Ang ganitong paninindigan ng Iglesiya Katolika Romana ay natural na maging sanhi ng mga suliranin.
Halimbawa, nang ang iskolar noong ika-16 na siglo na si Erasmus ay magsalin ng kaniyang Griegong “Bagong Tipan,” siya’y dumulog sa autoridad ng Codex Vaticano upang kaltasin ang isiningit na palsipikadong mga salita ng 1 Juan kabanata 5, talatang 7 at 8. Tama naman si Erasmus, subalit hanggang noong 1897 inayunan pa rin ni Papa Leo XIII ang isiningit sa tekstong Latin ng Vulgate. Nang ilathala lamang ang modernong mga saling Romano Katoliko inamin na mayroon nga ng ganitong isiningit na kamalian.
Nang ang Codex Sinaiticus ay mahayag sa daigdig noong huling bahagi ng ika-19 na siglo, nahalata ng mga autoridad Romano Katoliko na ang kanilang Codex Vaticano ay nanganganib na mahigitan ng iba. Sa pagpasok ng siglong ito, nagkaroon na ng maraming mahuhusay na mga kopya ng larawan nito.
Ang manuskrito ay may 759 na mga pahina. Kulang ang karamihan ng mga pahina ng Genesis, ng mga ilang awit, at ng mga huling bahagi ng Kristiyanong Kasulatang Griego. Ito’y nasusulat sa pinung-pinong, manipis na pergamino, na inaakalang kinuha sa mga balat ng antelopo, sa estilong simple, makisig. Ang opisyal na pangalan nito ay Codex B, at ito’y makikita ngayon sa Aklatan ng Vaticano. Hindi na ito nakatago, at ang kahalagahan nito ay naunawaan din sa wakas at kinikilala sa buong daigdig.
[Larawan sa pahina 31]
Ang mahalagang Codex Vaticano 1209 ay itinago ng Vaticano sa loob ng daan-daang taon
[Credit Line]
Kopya ng Codices E Vaticanis Selecti