Kung Bakit Napakaraming Kingdom Hall ang Réunion
MGA 640 kilometro sa gawing silangan ng Madagascar, nariyan ang munting isla ng Réunion na nakausli nang mataas sa malawak na Indian Ocean. Bagaman ito’y 60 kilometro lamang kahaba at 50 kilometro ang luwang, ang isla ay kapuna-puna dahil sa kaniyang mga bulkan at pana-panahong pagbubuga ng apoy. Ang pinakamataas na bundok, na 3,069 metro ang taas sa dagat, ay ang sumabog nang bulkang Piton des Neiges (Taluktok ng Niyebe). Sa timog-kanlurang panig ng isla ay ang 2,625-metrong aktibong bulkan na nababagay ang ipinangalan na Piton de la Fournaise (Taluktok ng Hurno). Anong pambihirang tanawin pagka ito’y pumuputok kung gabi! Maraming daan ang paliku-liko pataas at pababa sa matatarik na tagiliran ng bundok, na nagbibigay ng kabigha-bighaning mga tanawin ng tinatawag na nakapangingilabot na kagandahan ng Réunion.
Bakit Napakaraming Kingdom Hall?
Subalit, ang tunay na kagandahan ng Réunion ay naroon sa pagtugon ng marami sa mga taga-islang ito sa “mabuting balita ng kaharian” na dinadala ng mga Saksi ni Jehova. (Mateo 24:14) Ang kanilang pangangaral ay nagsimula noong 1960, nang dalawang buong-panahong ministro ang dumating doon galing sa Pransiya. Ngayon, 30 taon ang nakalipas, 1,665 Saksi ang abala ng pagpapalaganap ng balita ng Kaharian sa may 582,000 tagaroon—may katumbasan na 1 Saksi sa bawat 350 katao sa isla.
Dahil sa gayong paglago kinailangan ang pagtatayo ng nararapat na mga dakong pagtitipunan upang maipagpatuloy ng mga Saksi ang kanilang pagsamba at espirituwal na edukasyon. (Hebreo 10:24, 25) Ngayon, 13 sa 19 na kongregasyon ng Réunion ang nakapagtayo na ng kanilang sariling Kingdom Hall. Dahilan sa malimit na pagbagyo sa lugar na ito, ang mga ito ay matitibay na mga gusaling kongkreto na ginugulan ng malaki-laking panahon—at salapi—upang maitayo. Kaya nga papaanong nangyari na nakapagtayo ng gayong mga gusali, yamang karamihan ng mga Saksi sa islang ito ay katamtaman lamang ang kita at may malalaking pamilya na sinusuportahan? Sa mga salita ng Bibliya, ang sagot ay na ‘hindi maikli ang kamay ni Jehova.’—Isaias 59:1.
Napagtagumpayan ang mga Balakid
Halimbawa, pag-isipan kung papaano pinukaw ni Jehova ang puso ng mga tao upang tumulong sa pagtatayo ng Kingdom Hall sa munting bayan ng Saint-Louis, naroon sa timog-kanlurang panig ng Réunion. Nang ang mga plano ay unang aprubahan, isang kabataang Saksi ang nagsabi sa kaniyang guro sa klase sa pagkakantero na isang Kingdom Hall ang itatayo sa pamamagitan ng mga manggagawang boluntaryo. Ang guro ay hindi lamang nagboluntaryo ng kaniyang sariling serbisyo kundi kaniya rin namang dinala sa lugar na iyon ang kaniyang buong klase upang tumulong sa paghuhukay ng pundasyon. Pagkaraan, siya’y nag-abuloy ng bakal na kinakailangan para sa pundasyon.
Nang mahigit na isandaang boluntaryo ang sama-samang gumawa sa araw na pista opisyal upang maglatag ng kongkreto sa isang lugar na 190 metro kuwadrado ang laki, ganiyan na lamang ang kanilang pagtataka nang makita nila na ang suplay ng tubig sa bayang iyon ay pinutol. Papaano nila maihahanda ang kongkreto kung walang tubig? Isa sa mga manggagawa na nakakakilala sa hepe ng pamatay-sunog ay nagpasiya na ipaliliwanag niya ang gayong kalagayan sa mabait na taong ito. Makalipas ang ilang sandali, isang trak na pamatay-sunog ang dumating sa lugar na iyon. Ang trak ay may dalang sapat na tubig para sa proyekto, at pinayagan ng kagawaran ng pamatay-sunog na iyon ay manatili roon maghapon! Siyempre pa, lahat ng boluntaryo ay napasigla upang ang kanilang buong-puso ay ibuhos sa gawaing iyon.
Ang tulong ni Jehova ay mahahalata sa paraan na kung papaano nadaig ang mga ibang balakid. Halimbawa, sa isang yugto ng konstruksiyon, ang kisame ay handa na para sa 22 ikakabit na pantanging mga ilaw na pinidido walong buwan ang kaagahan. Ngunit ang kompanya ay nagpatalastas sa mga kapatid na ito’y hindi na gumagawa ng modelong ibig nila. Ano kaya ang dapat gawin? Ang buong disenyo kaya at ang kisame ay kailangang baguhin? Hindi, sapagkat, nagkataon na nakabalita ang mga kapatid ng isang lokal na kontratista na may nakatabing nakakaparis na mga lampara para sa isang proyektong hindi natuloy.
“Ilan po ba ang nariyan sa inyo?” ang tanong niya.
“Mga 25,” ang tugon niya.
Wala nang pag-aatubili pa, binili ang mga ilaw at ikinabit.
Sa pagpapatuloy ng proyekto, isang taong kasisimula lamang ng pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang humangang lubha sa magandang gusali.
“Ano pa po,” ang tanong niya, “mayroon pa ba kayong kailangan?”
“Opo,” ang tugon ng isang kapatid. “Kailangan namin ang sound-equipment.”
Nang magkagayon, ang bagu-bagong nagkakainteres na taong ito ay agad-agad na humugot ng kaniyang checkbook at nag-abuloy ng halos sapat para ibili ng isang buong bagong sound-system. Ang gayong mga abuloy, lakip ang isang katamtamang halagang hiniram sa punong-tanggapan ng Watch Tower Society sa Estados Unidos, ay tumulong sa kongregasyon upang matapos ang magandang Kingdom Hall na ito.
Bilang pinakasukdulan ng lahat ng ito, ang Saint-Louis Congregation ay nalugod nang si Brother Carey W. Barber, isang miyembro ng Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova, ay pumaroon at ialay ang Kingdom Hall noong Disyembre 1988. Si Brother Barber ay isinaayos na manggaling sa punong-tanggapan ng Samahan sa Brooklyn, New York, upang ialay ang bagong pasilidad ng sangay sa karatig isla ng Mauritius. Nang ito’y mabalitaan ng mga kapatid sa Saint-Louis, sa loob lamang ng tatlong linggo, ay nakalikom sila ng sapat na salapi upang magtakip ng kaniyang pamasahe sa eroplano at ng isang miyembro ng Mauritius Branch Committee upang maglakbay buhat sa Mauritius tungo sa Réunion. Dahilan sa paglago magmula noon, ang Saint-Louis Congregation ay kinailangang mahati. Ngayon, dalawang kongregasyon ang gumagamit sa bagong Kingdom Hall.
Si Jehova ang Dapat Papurihan
Kumusta naman ang ibang kongregasyon sa Réunion? Dahilan sa mainam na pagtugon sa gawaing pangangaral ng Kaharian, ang bilang ng mga dumadalo sa mga pulong sa mga Kingdom Hall ay mula sa 150 hanggang 200 porsiyento ng bilang ng mga Saksi ni Jehova sa isla. Kaya malinaw kung bakit maraming mga Kingdom Hall ang kinakailangan sa Réunion. Ang totoo, tatlo pa ang itinayo buhat nang itayo yaong nasa Saint-Louis, at iyan ay nagdala sa kabuuang bilang na 13 para sa 19 na mga kongregasyon sa isla.
Para sa lahat na ito, ang papuri ay natutungo kay Jehova, na humula: “Ang munti ay magiging isang libo, at ang maliit ay magiging matibay na bansa. Ako mismo, si Jehova, ang magpapabilis niyaon sa takdang kapanahunan.” (Isaias 60:22) Tulad sa mga iba pang panig ng lupa, ang hulang ito ay natupad sa magandang islang ito.