“Paninindigang Matatag Bilang Isang Kawan” sa Chad
Tulad ng kanilang mga kapuwa Kristiyano sa buong daigdig, ang mga Saksi ni Jehova sa Chad ay may pagpapahalaga sa taunang asamblea na isinasaayos para sa kanilang espirituwal na ikatitibay. Narito ang ulat ng isang paglalakbay sa sunud-sunod na mga araw ng special assembly sa timugang bahagi ng bansang ito, na napalilibutan ng palanas na lupain sa Central Africa.
Dahilan sa distansiya at kahirapan ng paglalakbay, ang mga asamblea sa Chad ay karaniwan nang idinaraos sa maliliit na grupo, kung kailan ito idaraos ay depende sa lagay ng panahon. Mula sa Hunyo hanggang Setyembre, dahilan sa ito’y tag-ulan ay mahirap ang maglakbay at sa mga ibang lugar ay imposible. Ang mga araw ng special assembly ay ginaganap pagkatapos na makalipas na ang matinding pag-uulanan. Ang mga araw ng pista opisyal sa dulo ng santaon ay kumbinyente para sa mas malaking pandistritong kombensiyon. At bago muling magsimula ang pag-uulanan sa Hunyo, ang dalawang-araw na mga asambleang pansirkito ay ginaganap.
NOON ay isang hapon ng Linggo na mainit at maalinsangan. Ang Kingdom Hall sa N’Djamena, ang kabisera ng Chad, ay nagpuputok sa dami ng naroroong 184 katao. Bagaman mainit, sila’y bigay na bigay ng pakikinig sa pangunahing pahayag na, “Paninindigang Matatag sa Iisang Espiritu.” Nang umagang iyon sila ay maligayang nakasaksi ng tatlong kataong ang pag-aalay sa Diyos na Jehova ay sinagisagan ng bautismo sa tubig. Ito ang una sa anim na mga araw ng special assembly na nagkapribilehiyo ako at ang isang lokal na tagapangasiwang naglalakbay na paglingkuran.
Ang tema ng serye na, “Paninindigang Matatag Bilang Isang Kawan,” ang lalong higit na pinahalagahan ng 267 Saksi sa Chad. Sila’y namumuhay nang malayo sa mga kapuwa Kristiyano sa mga ibang bansa. Gayunman, ang kanilang pagtanggap ng kapareho ring espirituwal na pagkain at ang pangangalaga sa kanila sa ganoon ding paraan ay nagpapatibay sa kanila na magpatuloy na gumawang kaisa ng kanilang mga kapatid sa buong daigdig. Ang praktikal na payo sa programang ito ay nagsangkap din sa kanila na manindigang matatag laban sa mapandayang impluwensiya ng sanlibutan ni Satanas at sa daluyong ng pag-uusig o pananalansang.
Sa N’Djamena
Ang unang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova sa Chad ay itinatag sa N’Djamena noong 1964. Ngayon ito ay may mahigit na 90 mamamahayag ng mabuting balita ng Kaharian. Isang kagalakan ang magmasid sa mga naroroon at tingnan ang maraming naglilingkod na ng buong katapatan buhat ng mga sinaunang araw ng gawain sa Chad. Isang kapatid na lalaki ang may tatlong asawa nang siya’y unang makaalam ng katotohanan sa Bibliya. Hindi nagtagal at nakita niya na kailangang iayon niya sa mga pamantayan ng Bibliya ang kaniyang buhay. Siya’y napakasal nang legal sa kaniyang unang asawa at humiwalay doon sa dalawa pa, bagaman siya’y gumawa ng mga kaayusan para matustusan sila. Siya’y nabautismuhan noong 1973 at naging aktibo na sa gawain sapol noon.
Isang elder na nakibahagi sa programa ang dumaan sa matinding pagsubok sa pananampalataya. Noong 1975 ang umiiral na pamahalaan ay sapilitang nagpatupad ng pakikibahagi sa mga ilang kaugalian na nakasalig sa pagsamba sa mga namatay; sinumang hindi sumunod ay papatayin. Nang ang kapatid ay manindigang matatag at hindi niya ikinumpromiso ang kaniyang pananampalataya, siya’y hinanap ng mga autoridad. Ang nakapagligtas lamang sa kaniya sa maselang na panahong iyon ay ang pagbabago sa pamahalaan.
Sa Daan Patungo sa Pala
Pagkatapos ng N’Djamena, ang paglalakbay patimog upang maglingkod sa natitira pang limang asamblea ay nagsimula. Malimit na kami’y nagdaraan doon bago pa noon ngunit sa panahon ng tag-araw lamang. Ngayon, na magtatapos na ang Setyembre sa may katapusan ng tag-ulan, lahat ng pananim ay luntian at malago. Nakatutuwang maglakbay sa panahong iyon. Kami’y dumaan sa walang-lagot na mga bukirin ng millet. Ang mga butil sa mahahabang uhay na palanas sa daan ay nahihinog na ngayon. Hindi magtatagal at aanihin, patutuyuin, at iimbakin sa hugis-balisunsong na mga imbakang tapayan na makikita sa bandang kabukiran. Ang millet ang pangunahing pagkain ng karamihan ng mga taga-Chad. Iyon ay binabayo sa isang malaking lusong na kahoy sa pamamagitan ng isang pambayo na malimit ay mataas pa kaysa sa taong gumagamit niyaon. Pagkatapos ang harina ay inihahalo sa kumukulong tubig at ginagawang bola-bola upang kanin kasama ng sawsawan na ang sahog ay okra o mane.
Kami’y nakakita ng higit at higit na mga taniman ng bulak habang kami ay naglalakbay patimog. Dahilan sa patag ang lupain sa panig na ito ng bansa, ang namumulaklak na mga taniman ay waring nakaaabot hanggang sa abot-tanaw. Hindi nagluluwat at ang mga pami-pamilya ay naroroon na sa mga taniman at namimitas ng bulak. Ang bulak ang pinakamalaking produktong nagpapanhik ng salapi sa Chad, 133,000 tonelada ang inani noong 1988. Sa bandang hapon na, kami’y dumaan sa Lake Léré. Dito ang lupaing iyon ay maburol at lubhang kaakit-akit, lalo na sa panahong ito ng santaon. Palibhasa’y dumating kami sa tamang panahon, kami’y nakabili ng kahuhuli pa lamang na karpa na ipiniprito doon mismo sa daan. Yaon ay isang hapunan na ipagmamalaking ihain sa bisita.
Ang isang bagay na lalong nagpapahirap sa paglalakbay sa panahong ito ay yaong bagay na kung sakaling uulan, naglalagay ng mga halang sa mga daan upang pahintuin ang agos ng trapiko. Bakit? Upang maingatan ang mga daan. Kaya’t kami’y nanlupaypay nang makita naming ang kalangitan ay biglang naging kasing itim ng tinta. Tiyak naman na hindi namin gustong kami’y pahintuin ng ulan sa tabi ng daan. Ngunit lalong mahalaga, kami’y máhuhulí para sa susunod na araw ng special assembly. Nakatutuwa naman, ang pinakamalakas na bahagi ng atrasadong ulan na ito ay hindi doon lumagpak. Bagaman kami’y kinailangang maghintay sandali hanggang maalis ang ilang mga halang, nang hatinggabi ring iyon kami’y ligtas at walang kapansanan na dumating sa Pala, isang bayan na may 32,000 katao. Anong gandang pagkakataon ang naghihintay sa amin! Ang kalangitang walang-buwan pagkatapos ng pag-ulan ay nagbigay sa amin ng isang kagila-gilalas na bista sa mga bituin at sa Milky Way, isang makapigil-hiningang tanawin na hindi nasasaksihan kailanman ng karamihan ng mga tao sa siyudad. Ito’y nagpagunita sa amin ng dahilan ng aming paninindigang matatag—upang parangalan ang Dakilang Maylikha ng kagila-gilalas na sansinukob.
Dalawang maliliit na kongregasyon at isang nakabukod na grupo ang nagtipon sa Pala. Tatlong kabataang kapatid na lalaki ang lumakad nang mahigit na 100 kilometro patungo sa asambleang ito. Yamang ang mga asamblea sa timog ay maliliit at kakaunti ang mga elder, may mga bahagi ang programa na inirekord sa asamblea sa N’Djamena at ipinarinig na muli roon. Kaya naman may mataas-uring programa kahit na kakaunti ang dumalo. Kami’y natuwa na magkaroon ng isang kandidato para sa bautismo.
Ang Masigasig na Grupo sa Kélo
Pagkatapos, nagkaroon ng maikling paglalakbay tungo sa Kélo, na kung saan 194 ang naroroon para sa programa noong Linggo. Maraming pamilya na may mga anak na kabataan ang naglakad nang mahigit na 30 kilometro upang makadalo. Dalawang taong bagong kaaalay ang nakatakdang bautismuhan. Sa tag-araw, ang bautismo ay kadalasan isang suliranin kung ang isang asamblea ay malayo sa isang ilog; kaya, may mga taong binautismuhan sa isang bariles. Ngunit dahil sa kami’y naroroon sa pagtatapos ng tag-ulan kaya naging mas madali ang mga bagay-bagay. Gayumpaman, kinailangan na kami’y magbiyahe nang mahigit na 20 kilometro patungo sa isang angkop na lugar.
Isa sa mga kandidato sa bautismo ay isang dalaga na mahigpit na nasubok ang pananampalataya. Siya’y ipinangako ng kaniyang pamilya na ipakakasal sa isang lalaking hindi interesado sa pag-aaral ng Bibliya. Isa pa, mas gusto niya (ng lalaki) na siya’y mapakasal sa pamamagitan ng mga kaugalian ng tribo imbis na sa pamamagitan ng legal na kasal. Dahil sa siya’y handang magbayad ng isang malaking dote, ang pamilya ng babae ay gumawa ng malaking panggigipit sa babaing ito. Ito’y lumipat pa nga sa ibang lugar sa loob ng sandaling panahon upang maiwasan ang di-maka-kasulatang pag-aasawa na ibig ng kaniyang pamilya. Siya’y nanindigang matatag sa lahat ng ito at sumulong na mainam. Magbuhat nang siya’y mabautismuhan, huminto na ang pananalansang ng pamilya. Kami’y napasasalamat kay Jehova na kami’y may gayong mga tapat sa gitna namin.
Ang mga kapatid dito ay may iba pang mga dahilan upang pasalamat kay Jehova. Ang Chad ay dumanas ng isang malupit na giyera sibil at pagkatapos, noong 1984, ng isang matinding taggutom. Naalaala ng isang lokal na elder na minsan sa panahon ng taggutom, siya’y nagpalinga-linga sa Kingdom Hall at naisip niya kung may sinumang naroroon na buháy pa rin makalipas ang mga ilang buwan. Gayunman, ang organisasyon ni Jehova ay nagbigay ng pagkain bilang tulong, anupa’t nalunasan ang kanilang kalagayan. Ang kanilang pagpapahalaga sa bagay na iyan ay mababanaag sa kanilang masigasig na paglilingkod. Matindi ang espiritu ng pagpapayunir sa Kélo. Noong Oktubre 1989, mahigit na isang-katlo ng mga mamamahayag ng Kaharian ang nagsaayos ng kanilang pamumuhay upang sila’y makabahagi sa pangangaral ng buong panahon.
Ang kanilang karanasan sa taggutom ay nagturo sa kanila na sila man ay kailangang maging bukas-palad. Noong nakalipas na taon isang elder sa kongregasyon ang biglang nagkasakit at namatay. Nakaiwan siya ng isang pamilyang may siyam na anak, ang pinakabunso ay mga ilang buwan lamang ang edad. Ang kaniyang maybahay ay ginipit ng pamilya upang siya’y sumali sa mga rituwal ng pagluluksa na may pagsamba sa mga patay. Ang mga kapatid ay tumulong sa kaniya, kaya kaniyang nadaig ang matinding panggigipit. Pagkatapos ay nagtulung-tulong ang kongregasyon upang siya at ang nakababatang mga anak ay ipagtayo ng tahanan, bukod sa pagtulong sa kaniya sa materyal sa iba’t ibang kaparaanan. Ang resulta nito ay isang napakainam na patotoo sa bayan, na nagpapakita ng maligayang bunga ng pagka-Kristiyano na ikinakapit.—Gawa 20:35.
Koumra, Doba, at Bongor
Ang sumunod na hinintuan namin ay ang Koumra. Dahil sa mga daang may tambak na graba ang 300-kilometrong biyahe ay naging mas madali. Sa pagpunta namin doon, kami’y dumaan sa siyudad ng Moundou, isang sentro ng industriya ng mahigit na isandaang libo katao. Pitumpu’t isa ang dumalo sa Koumra. Isang kabataang kapatid na lalaki na kailanman’y hindi nakapag-aral sa paaralan ang nagpahayag buhat sa plataporma. Kaniyang ipinaliwanag kung papaanong ang programang matutong-bumasa-at-sumulat na itinuturo sa Kingdom Hall ay tumulong sa kaniya at nagbigay sa kaniya ng kinakailangang pagtitiwala. Siya ngayon ay nagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya sa apat pang tao.
Pagkatapos ng araw ng special assembly sa Koumra, kami’y pabalik na naman patungo sa N’Djamena, at ang aming susunod na hihintuan ay sa Doba para sa ikalimang asamblea sa aming serye. Ang iba sa mga dumalo ay inabutan pa rin ng atrasadong ulan at sila’y nagparaan ng gabi sa tabi ng daan. Gayumpaman, bawat isa ay dumating na nasa oras para sa pagpapasimula ng programa sa Doba. Limampu’t isa ang presente at isa ang napabautismo.
Ang huling-huling hinintuan ay ang Bongor. Ito’y isang lugar na taniman ng palay, at kami’y nanggilalas sa napakapatag na lugar na iyon. Dahil sa bilang ng mga dumalo sa Bongor ang kabuuan ng mga nakapakinig ng programa sa Chad ay 630. At dahil sa dalawa pang nabautismuhan, ang kabuuang bilang ng mga nabautismuhan ay siyam.
Ang aming pagbabalik sa N’Djamena ang tumapos sa isang biyaheng halos 2,000 kilometro. Isang malaking kagalakan ang makisama sa mga lingkod ng Diyos na nanindigang matatag sa loob ng maraming taon, at ang makakilala ng marami pang mga baguhan na kahanga-hanga ang pagsulong. Ang kanilang sigasig sa ministeryo ang lalong higit na nakapagpapatibay-loob. Noong Oktubre 1989, nagkaroon ng isang bagong peak na 267 mamamahayag sa Chad, isang 20-porsiyentong pagsulong sa nakalipas na taon.
Nagkakaisa Bagaman Malalayo
Dahil sa paglalakbay namin sa bansa aming naunawaan na isang hamon nga ang magpalaganap ng mabuting balita sa isang lupain na doo’y mahigit na 200 wika ang ginagamit. Bagaman ang Pranses at ang Arabiko ang opisyal ng mga wika ng Chad, sa bawat araw ng special assembly, ang programa ay kinailangang isalin buhat sa Pranses tungo sa isang naiibang wika. Magkagayon man, marami na dumalo sa isang lugar ng asamblea ang hindi nagsasalita ng wika ng lugar na iyon, kaya isa pa ring problema na tulungan silang maunawaan ang programa.
Sa lahat ng dakong aming dinalaw, ang ating mga kapatid ay naging totoong magandang-loob sa amin. Sa pangkalahatan ang mga pagkain ay binubuo ng millet o bola-bolang harinang-kanin at malasang sawsawan na binanggit na sa may bandang unahan. Kung minsan isang dalagita ang nagdadala ng pagkain sa isang tray na natatakpan ng isang matingkad-kulay na pantakip. Ang tray ay sunung-sunong niya sa kaniyang ulo, at hahangaan mo ang kaniyang nakabibighaning pag-imbay.
Ang populasyon ng hilagang Chad ay Muslim ang kalakhang bahagi; ang mga tao naman sa timog ay karaniwan ng Katoliko, Protestante, o animista. Itinataguyod ng pamahalaan ang patakaran ng kalayaan ng relihiyon, at tayo’y maligaya na nakapagtitipong sama-sama.
Ang programa sa araw ng special assembly ay tumulong sa munting grupo ng mga Saksi sa Chad na maunawaang bagaman sila’y malayo sa kanilang mga kapatid sa mga ibang panig ng daigdig, sila ay tunay na nagkakaisa sa isang kawan kasama nila. Ito ang dahilan upang sila’y ‘minindigang matatag sa isang espiritu’ sa kabila ng mga panggigipit at pananalansang na kanilang dinaranas.—Filipos 1:27.