Ang Kahulugan ng mga Balita
Mga Homoseksuwal—Magkakapantay ba sa Harap ng Diyos?
Sa Australya sa estado ng Queensland, ang mga kilos na homoseksuwal—kahit na sa pribado ng sumasang-ayong magkakapareha—ay labag sa batas. Kamakailan, isang pangunahing grupo sa relihiyon sa estadong iyan ang nagpakilalang sila’y totoong salungat sa gayong mga batas; ibig nila na ang homoseksuwalidad ay huwag gawing isang krimen.
Sang-ayon sa pahayagang The Courier-Mail, itong Joint Church Social Justice Group ay binubuo ng mga miyembro ng mga relihiyong Anglicano, Romano Katoliko, Lutherano, Baptist, at Nagkakaisang mga simbahan at Quakers (Society of Friends). Sa pag-aangking ang umiiral na mga batas laban sa mga homoseksuwal ay nakasalig sa kawalang-alam at maling pagkakilala, sinabi ng grupo: “Ang aming suporta sa paniwalang ito ay salig sa pagkakilala na lahat ng tao ay magkakapantay sa harap ng Diyos at dapat maging magkakapantay sa harap ng batas. Kami’y naniniwala na ang isang taong homoseksuwal ay walang kulang o walang labis na katulad din ng isang taong heteroseksuwal.”
Samantalang totoo naman na lahat ng tao ay ipinanganak na magkakapantay, ano ba ang pangmalas ng Diyos sa homoseksuwalidad? Sa Bibliya, lahat ng mga gawaing homoseksuwal ay hinahatulan bilang di-natural at hindi sinasang-ayunan ng Diyos, anupa’t humahantong sa kamatayan. Ito’y totoo hindi lamang sa sinaunang Israel kundi rin naman noong mga panahong Kristiyano. (Levitico 18:22; Roma 1:26, 27) Ang hatol ay malinaw at hindi na nangangailangang bigyang-kahulugan: “Kahit ang mga mapakiapid, . . . ni ang mga lalaking ukol sa di-natural na layunin, ni ang mga lalaking sumisiping sa kapuwa mga lalaki . . . ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—1 Corinto 6:9, 10.
Imbis na ipaggiitan ang pagpapawalang-sala sa pagkahomoseksuwal, ang mga tunay na Kristiyano ay nanghihimok sa mga alipin na ng lumalapastangan-sa-Diyos na kinaugaliang gawaing ito na umalpas dito sa pamamagitan ng pagbaling sa Salita ng Diyos na katotohanan.
Patuloy ang Panganib sa Dugo
Isang ginawang pagsisiyasat kamakailan ang nagsiwalat na daan-daang pagkakamali ang nagawa ng American Red Cross kung tungkol sa paggamit ng kontaminadong dugo. Halos kalahati ng 12 milyon hanggang 15 milyong units ng dugo na ginagamit sa Estados Unidos taun-taon ay nanggagaling sa American Red Cross. Pagka may mga unit ng dugo na ipinalalabas at natuklasang kontaminado, ito’y kailangang ipaalam sa FDA (Food and Drug Administration), isang ahensiya ng gobyerno pederal. Gayunman, sinasabi ng The New York Times na ang isang federal inspector ay nagsasabing kadalasa’y hindi ginagawa ito ng Red Cross. Kaniyang inaangkin na sa isang pananaliksik sa kanilang mga rekord nahayag na sa 380 kaso ay hindi naiulat sa pamahalaan ang maling paggamit sa kontaminadong dugo. Bukod diyan, sa 228 kaso ng AIDS na maaaring likha ng pagsasalin ng dugo, natuklasan ng inspektor na ang iniulat ng Red Cross sa FDA ay 4 lamang.
Samantalang marami ang mayroon pa ring palagay na ito ay nagliligtas-buhay, ang isinaling dugo ang sanhi ng pagkamatay ng libu-libo sa taun-taon. Subalit, ang tunay na mga sumasamba sa Diyos, sa pagsunod sa kaniyang mga kautusan tungkol sa dugo, ay ligtas buhat sa mga panganib ng pagsasalin. Ang Diyos ay nag-utos: “Huwag kang kakain ng dugo; ibubuhos mo sa lupa na gaya ng tubig . . . upang mapabuti ka at ang iyong mga anak pagkatapos mo, sapagkat ang gagawin mo ay yaong matuwid.”—Deuteronomio 12:23-25, New International Version.
Ang Pangmalas ng Papa sa Paglilingkod sa Hukbo
Noong nakaraang taon pinulong ng papa ang mahigit na 7,000 kadete sa hukbo sa garison sa Roma ng Cecchignola. Noon ay apat na mga kabataang opisyal na kumakatawan sa garison ang nagtanong sa papa kung ang paglilingkod sa hukbo ay kasuwato ng budhing Kristiyano. Sang-ayon sa pahayagan ng Vatican City na L’Osservatore Romano, sila’y nagtanong: “Ang isang tao ba ay maaaring maging isang tapat na Kristiyano at, kasabay nito, maging isang tapat na sundalo?” Bilang tugon sinabi ng papa: “Walang saligang suliranin o pagkaimposible sa pag-iisa ng bokasyong Kristiyano at ng paglilingkod sa hukbo. Kung itong huli ay titingnan natin sa positibong paraan, makikitang ito’y isang maganda, karapat-dapat at mainam na bagay.”
Gayunman, ang gayon kayang pangmalas ay kasuwato ng neutral na paninindigan ng mga unang Kristiyano? Sa kaniyang aklat na An Historian’s Approach to Religion, binanggit ni Arnold Toynbee ang kaso ni Maximilianus, isang martir noong ikatlong siglo na, nang pagbantaan ng kamatayan ng hukumang Romano dahilan sa pagtangging makalap sa hukbo, ay nagsabi: “Hindi ako maglilingkod. Maaari ninyong pugutan ako ng ulo, pero hindi ako maglilingkod sa mga maykapangyarihan ng Sanlibutang Ito; ako’y maglilingkod sa aking Diyos.” Bakit, sa harap ng tiyak na kamatayan, tumanggi siyang makibahagi sa paglilingkod sa hukbo? Sapagkat kaniyang itinuring na ang mga tunay na tagasunod ni Jesus ay “hindi bahagi ng sanlibutan” gaya rin ni Jesus na hindi bahagi ng sanlibutan. Isa pa, siya’y naniniwala na ang digmaang nilalahukan ng Kristiyano ay espirituwal, kasuwato ng mga salita ni apostol Pablo: “Hindi kami nakikipagbaka ng ayon sa kung ano kami sa laman. Sapagkat ang mga sandata ng aming pakikipagbaka ay hindi ukol sa laman.”—Juan 17:16; 2 Corinto 10:3, 4.