Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w91 3/1 p. 10-13
  • Anong Dami ng Aking mga Dahilan Upang Magpasalamat!

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Anong Dami ng Aking mga Dahilan Upang Magpasalamat!
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Aking Kinuhang Karera
  • Internasyonal na mga Kombensiyon
  • Pagpasok sa Pagpapayunir
  • Nakatulong ang Media
  • Mga Kombensiyon—Katunayan ng Ating Pagkakapatiran
    Mga Saksi ni Jehova—Tagapaghayag ng Kaharian ng Diyos
  • Ginugol Ko ang Aking Buhay sa Musika
    Gumising!—1986
  • 1998-99 “Ang Daan ng Diyos Ukol sa Buhay” na mga Pandistritong Kombensiyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—1998
  • Paghanap Muna sa Kaharian—Isang Tiwasay at Maligayang Buhay
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1991
w91 3/1 p. 10-13

Anong Dami ng Aking mga Dahilan Upang Magpasalamat!

SA PAGLALAHAD NI LOTTIE HALL

NANGYARI ito nang kami mula sa Calcutta, India, ay patungo sa Rangoon, Burma, noong 1963. Hindi pa nagtatagal pagkatapos na lisanin namin ang Calcutta na iyan sakay ng eroplano, isa sa mga kapatid ang nakapuna ng langis na tumutulo buhat sa pakpak. Nang ito’y ipaalám, ang mga tripulante ay nagpahayag na sila’y gagawa ng isang di-inaasahang paglapag. Una muna ang eroplano ay kinailangang magdiskarga ng maraming gasolina upang makalapag. Ang steward ay sumigaw, “Kung ibig ninyong magdasal, ngayon na!” Kami nga ay nanalangin na kung iyon ay kalooban ni Jehova, kami nawa ay magkaroon ng ligtas na paglapag, at ganoon nga ang nangyari. Tunay na mayroon kaming dapat ipagpasalamat!

OO, AT marami pa rin akong dapat ipagpasalamat. Sa edad na 79, ako’y mayroon pa ring isang katamtamang kalusugan at lakas, na ginagamit ko sa buong-panahong ministeryo. Isa pa, bukod sa mga pagpapalang karaniwang natatamo ng lahat ng mga lingkod ni Jehova, ako’y nagkaroon ng maraming natatanging karanasan. Lahat-lahat, naging aking mahalagang pagkakataon na maglingkod kay Jehova nang mahigit na 60 taon, at mahigit na kalahati ng panahong iyan ay ginugol ko bilang buong-panahong ministro, o payunir.

Lahat na ito ay nagsimula sa aking ama nang kami ay doon naninirahan sa Carbondale, Illinois. Siya ay nakaugnay sa denominasyong Mga Disipulo ni Kristo at interesado sa pagiging isang ministro. Gayunman, ang kaniyang karanasan sa dalawang kolehiyo ng Bibliya ay pumawi sa kaniyang pagtitiwala sa iba, sapagkat siya’y may sariling mga ideya tungkol sa Trinidad, sa pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa, at walang-hanggang pagpapahirap.

Sa bandang huli, siya ay nasiyahan na sa katotohanan ng Bibliya na dinala sa kaniya ng isang colporteur na Estudyante ng Bibliya noong 1924, nang ako’y 12 taóng gulang. Ang aking ama ay nalugod nang kaniyang mapag-alaman na may iba pang katulad niya ang damdamin, na ang Trinidad, apoy ng impiyerno, at pagkawalang-kamatayan ng kaluluwa ng tao ay mga maling turo. Hindi nagtagal at ang aming pamilya ay nagtitipong palagian kasama ng mga Estudyante ng Bibliya, gaya ng tawag sa mga Saksi ni Jehova noon. Sa pagkaalam ko ng katotohanan tungkol kay Jehova at sa kaniyang Salita ay tunay na nagpasalamat ako.

Subalit, hindi nagtagal at may sumapit na kalamidad. Ang taong nagdala sa aking ama ng mga katotohanang ito ay lumabas na kapuwa magdaraya at imoral. Kaniyang tinisod ang aking ama ngunit hindi natisod ang aking ina at ako. Ngayong ako’y 15 taóng gulang na, ako ang pinakamatanda sa anim na anak, at kasama ng aking ina ako’y kumapit nang mahigpit sa katotohanan.

Noong tag-araw ng 1927, ipinatalastas na isang malaking kombensiyon ng mga Estudyante sa Bibliya ang gaganapin sa Toronto, Canada. Sinabi ni Itay na hindi niya kaya na pumunta roon, pero si Inay ay isang babaing desidido. Siya’y nagsimulang maglako ng iba’t ibang mga kalakal na pambahay, at nang sumapit ang panahon ng kombensiyon siya’y nakatipon ng walong dolyar. Sa halagang iyan siya at ako ay nagsimula na maglakad at makisakay hanggang sa Toronto, na may layong 1,600 kilometro. Limang araw at 37 pagsakay ang ginawa namin bago sa wakas ay nakarating din kami, isang araw bago magsimula ang kombensiyon. Dahilan sa kakaunti ang aming pera, kami’y humingi at tumanggap naman kami ng walang bayad na silid na matutuluyan. Nang mabalitaan ni Brother A. H. Macmillan ang tungkol sa aming paglalakbay, kaniyang isinulat iyon para sa peryodiko ng kombensiyon sa ilalim ng titulong: “Anumang Pagtaas sa Pamasahe sa Tren ay Hindi Nakababahala sa mga Estudyanteng ito ng Bibliya.”

Si Itay ay laging pinatatalastasan ni Inay sa pamamagitan ng mga postcard. Kaya, sa huling sandali, siya’y nagpasiya na sumama at sakay ng kotse siya’y nakaabot din sa pahayag pangmadla nang huling araw ng kombensiyon. Ngayon ay hindi na kailangang kami’y makisakay pa sa pag-uwi namin. Anong inam nga ng kombensiyong iyon! Anong laki ng aking pasasalamat na aming nadaluhan iyon, at anong laki ng aking pagkilala ng utang na loob dahil sa ito ay tumulong sa aking ama na makapanumbalik sa kaniyang espirituwalidad!

Sa loob ng mga taon na ako ay tinatanong kung ano baga ang aking relihiyon, ang sagot ko ay, “IBSA,” na mga letrang kumakatawan sa International Bible Students Association. Subalit sa tuwina’y hindi ko ikinatutuwa ang tawag na iyan. Kung gayon, anong laki ng aking pasasalamat na noong kombensiyon ng 1931 sa Columbus, Ohio, aming tinaglay ang bagong pangalang mga Saksi ni Jehova.

Ang Aking Kinuhang Karera

Kabilang sa maraming pagpapala na nagpayaman sa aking buhay ay yaong may kaugnayan sa musika. Ako noon ay mahilig na mahilig sa musika at maagang natuto ako na tumugtog ng piyano. Sa loob ng maraming taon ako’y nagkaroon ng pribilehiyo na sumaliw sa kongregasyon sa pag-awit. Bago nagsimula ang Watch Tower Society ng pagsasaplaka ng mga awiting pang-Kaharian, isang kapatid na lalaking misyonero na naglilingkod sa Papua New Guinea ang humiling na ako’y magsaplaka ng ilang mga awitin natin upang matuto ang mga taga-Papua na umawit ng mga iyon. Iyan ay isang bagay na talagang natutuwa akong gawin.

Gayunman, ang aking paboritong instrumento ay ang klarinete. Mahilig akong tumugtog niyaon sa orkestra ng kolehiyo. Ganiyan na lamang ang katuwaan ng propesor sa kolehiyo pagka ako’y tumutugtog kung kaya’t kaniyang hiniling na ako’y tumugtog din sa banda ng mga lalaki. Noong mga panahong iyon walang babae na tumutugtog sa banda ng mga lalaki, kaya nang mabalitaan ng mga nasa banda ang iminungkahi ng propesor, sila’y nagplano na magwelga. Kanilang higit na pinag-isipan iyon nang sila’y bigyan ng patalastas na kung sila’y magwewelga, sila’y paaalisin. Isa pang tradisyon ang nasira nang hilingin sa akin na ako’y magmartsa kasama ng banda sa isang maghapunang parada. Ang pagkasabi ng pahayagan ay isa itong pambihirang pangyayari at iniulat na taglay ang malalaking paulong-taludtod: “Babaing Musikera sa Isang Karagatan ng mga Lalaki.”

Sa wakas, ako’y kinapanayam para sa pagiging isang propesora sa musika. Gayunman, naisip ko ang lahat ng mga isyu na maaaring bumangon kung sakaling ako ay magturo ng musika, tulad baga ng pagka hiniling sa akin na magturo o tumugtog ng relihiyoso at makabansang musika, ako’y nagpasiya na iba ang maging tunguhin at maatasan na magturo ng kasaysayan ng daigdig. Subalit ang pagbabagong iyan ay hindi nakapigil sa akin, makalipas ang mga taon, sa pagtugtog ng aking klarinete sa mga orkestra ng kombensiyon sa maraming bansa sa aking pagtungo sa internasyonal na mga kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova.

Pagsapit ng panahon, ako’y naging isang instruktor sa kasaysayan ng daigdig sa isang malaking high school sa labas ng lunsod ng Detroit, at sa gayong gawain, minsan ay hiniling sa akin ng prinsipal na magrekomenda ng isa o ilang bagong aklat-aralin. Sa pagrerepaso ng mga ito, ako ay binagabag ng katotohanan na samantalang sa kasalukuyang aklat-aralin ay binabanggit ang pangalan ni Jehova ng walong beses, ang mga bago naman ay hindi katatagpuan ng pangalan ng Diyos ng mga Hebreo, bagaman marami sa mga diyos ng mga bansang pagano ay kanilang pinanganlan, tulad baga ng Ra, Molech, Zeus, at Jupiter. Nang may dumalaw na ahente, aking itinatanong sa kaniya kung bakit ang Jehova ay hindi binabanggit sa kaniyang aklat-aralin, at ang kaniyang sabi: “Hindi, hindi namin ilalagay ang pangalang iyan sa aming aklat dahilan sa mga Saksi ni Jehova.” Kaya’t sinabi ko sa kaniya: “Bueno! Kung gayo’y hindi ko irerekomenda ang inyong aklat.” Pagalit na inilagay niya ang aklat sa kaniyang bag at nagmamadaling lumabas sa pinto.

Nang maglaon, ako’y nagreport sa prinsipal na hindi naman namin talagang kailangan ang isang bagong aklat-aralin at nagbigay ako ng maraming mabubuting dahilan. Siya’y sumang-ayon sa akin. Lahat ay natuwa sa desisyong ito nang, mga ilang buwan lamang ang nakalipas, ipinasiya na alisin ang kurso ng kasaysayan ng daigdig sa kurikulum sa high school. Isang bagong kurso, tinatawag na social studies, ang humalili rito sa buong 14-paaralang sistema. Kung natuloy ang paaralan ng pagbili ng bagong mga aklat sa kasaysayan, kaipala’y isang malaking kalugihan iyon!

Nagkaroon ako ng maraming masasayang karanasan sa pagtuturo sa paaralan at isa akong istriktong disiplinaryan. Ito’y naging sulit naman dahilan sa marami ang naging kaibigan ko na panghabambuhay. Nagkaroon din ako ng maraming pagkakataon na gumawa ng impormal na pagpapatotoo. Subalit sa bandang huli ang panahon at kalagayan ang umakay sa akin tungo sa buong-panahong paglilingkod.

Internasyonal na mga Kombensiyon

Pagkatapos na magturo sa paaralan nang may 20 taon, ang aking mga mata ay nagsimulang humina. Isa pa, naisip ng aking mga magulang na kailangan nila ako, kaya hiniling ng aking ama na umuwi ako, at sinabi na may isang lalong mahalagang gawaing pagtuturo na kailangang gawin, at si Jehova ang bahalang tumulong upang hindi ako magutom. Huminto ako ng pagtuturo noong 1955, at kabilang sa aking unang mga pagpapalang tinanggap pagkatapos ay ang pagdalo sa serye ng mga kombensiyon ng “Mapagtagumpay na Kaharian” sa Europa. Anong laki ng aking pasasalamat na nakapiling ko ang aking mga kapatid sa Europa, na marami sa kanila ang dumanas ng napakaraming kahirapan noong ikalawang digmaang pandaigdig! Ang lalong higit na pagpapala ay makasama ng 107,000 na naroon sa siksik na siksik na Zeppelinwiese, o Zeppelin Meadow, sa Nuremberg, na kung saan isinaplano ni Hitler na isagawa ang kaniyang martsa ng tagumpay pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II.

Iyan ang isa lamang sa maraming paglalakbay sa daigdig na nagkapribilehiyo ako na gawin. Noong 1963 si Inay at ako ay kabilang sa 583 kombensiyonista na maglalakbay sa buong daigdig sa “Walang-Hanggang Mabuting Balita” na mga Asamblea. Sa pamamagitan ng paglalakbay na iyon mula sa New York ay nagtungo kami sa Europa, pagkatapos ay nagpatuloy kami sa Asia at mga isla sa Pasipiko bago nagtapos sa Pasadena, California. Sa oras ng paglalakbay na iyan nagkaroon kami ng nakakikilabot na karanasan na inilarawan sa pambungad. Ang nahuling mga paglalakbay ay nagdala sa amin sa mga kombensiyon sa Timog Amerika, Timog Pasipiko, at Aprika. Totoo naman, ang mga paglalakbay na ito ay nagpayaman sa aking buhay, at yamang nakatutugtog ako sa mga orkestra sa kombensiyon sa marami sa mga lugar na ito ay karagdagan pa iyon na nagpapaligaya sa isang mahilig sa musika.

Pagpasok sa Pagpapayunir

Noong 1955, pagkatapos na magbalik ako mula sa Europa, ako’y sumama kay Inay sa gawaing pagpapayunir nang may isang taon, at pagkatapos hiniling ng Samahan na ako’y gumawang kasama ng isang maliit na kongregasyon sa Apalachicola sa kanlurang Florida. Sa loob ng pitong taon isa pang sister at ako ang tumulong sa gawain doon, at di-nagtagal ang kongregasyon ay nakapagtayo ng isang Kingdom Hall upang matugunan ang pagsulong. Nagpatuloy ang pag-unlad, at hindi nagtagal isa pang kongregasyon ang natatag sa Port Saint Joe. Ako’y gumugol ng 11 taon sa paggawang kasama ng tatlong kongregasyon sa kanlurang Florida.

Minsan ako’y hinilingan ng tagapangasiwa ng sirkito na humanap ng isang lugar para sa asambleang pansirkito. Nagawa ko na makuha para gamitin ang tanyag na Centennial Building sa Port Saint Joe sa halagang $10 lamang. Subalit kailangan din namin ang isang kapiterya, at aming naisip na gamitin ang pasilidad ng isang paaralan. Gayunman, aking nasumpungan na ang superintendente ng mga paaralan ay salungat, at kaniyang sinabi na ang kailangan ay makipagpulong ako sa lupon ng paaralan. Ang alkalde ay dumalo rin sa pulong na iyan, yamang ibig niyang magamit namin ang kapiterya. Nang kaniyang tanungin kung ano raw ba ang mga pagtutol sa aming pag-okupa niyaon, ang ulo ng lupon ng paaralan ay nagsabi na walang batayan para sa isang relihiyosong grupo na gamitin ang mga pasilidad ng paaralan. Ang alkalde ay sa akin bumaling para sa kasagutan. Bueno, hawak ko ang maraming handbills na nagpapakitang kami’y gumamit ng mga pasilidad ng paaralan para sa aming mga pulong sa ibang bayan-bayan, at pagkatapos ay binanggit ko ang Gawa 19:9, na nagsasabing si apostol Pablo ay nangaral sa isang auditoryum ng paaralan. Iyan ang lumutas niyaon. Ang lupon ay sumang-ayon sa alkalde na okupahan namin ang kapiterya​—sa halagang $36.

Nang ako’y 13 anyos lamang, at sa edad na iyan ako nabautismuhan, ang aking panalangin ay “Oh Diyos, hayaan mo pong ako’y makapagdala kahit na isang tao sa katotohanan.” Ang panalanging iyan ay sinagot na ngayon ng maraming-maraming beses bilang pagpapala sa akin sa pagtulong sa marami na manindigan sa panig ni Jehova at ng kaniyang Kaharian. Gayunman, patuloy na nauulit, pagka malapit na malapit nang ang isang inaaralan ng Bibliya ay makarating sa punto ng pag-aalay at bautismo, ako’y naatasan na maglingkod sa ibang kongregasyon. Sa kabila nito, ako’y nagkaroon ng pribilehiyo na magtanim at magdilig, at marami sa mga inaaralan kong ito ang naging panghabambuhay na mga kaibigan. Ang pakikibahagi sa gayong mabungang mga gawain ay tunay na nagdala ng maraming dahilan upang ako ay magpasalamat.

Nakatulong ang Media

Samantalang ang media sa maraming lugar ay ulit at ulit na nag-uulat ng hindi mabuti tungkol sa gawain ng mga Saksi ni Jehova, ako’y nagagalak na sabihing ang media sa lugar ng De Land, Florida​—na kung saan naglilingkod ako ngayon​—​ay tumulong sa akin na magpatotoo. Halimbawa, samantalang naroon sa isa sa mga paglalakbay na iyon sa pandaigdig na kombensiyon, kami ng aking ina ay nagpadala ng mahabang mga pahatid-balita sa lokal na pahayagan, at ang mga ito ay agad namang inilathala, may kasama pang mga larawan. Ang mga report ay nasa anyong mga pag-uulat ng paglalakbay, subalit sa tuwina’y nagagawa namin na gamitin ang mga ito upang magpatotoo sa pangalan at Kaharian ni Jehova.

Ganiyan din ang tungkol sa aking pagpapatotoo sa lansangan. Ako’y may puwesto sa isang panulukang daan na kung saan mayroon akong dalawang silya, ang isa’y inuupuan ko at ang isa pa’y doon naka-display ang ating literatura. Minsan, isang kalahating-pahinang artikulo na may larawan ang napalathala sa isang lokal na pahayagan na may pamagat na: “Si Lottie ng Deland ang Nagpapatuloy ng Gawain ng mga Magulang Bilang mga Saksi.” Di pa gaanong nagtatagal, noong 1987, isa pang pahayagan ang may kalahating-pahinang artikulo na may isang malaking larawan na de-kulor sa ilalim ng pamagat na: “Si Lottie Hall ay May Kaniyang Sariling Sulok na Pinagtalagahan sa Kaniya Para kay Kristo.” Nang sumunod na taon isa pang pahayagan ang may larawan ko sa pahinang pangharap, na may mga pangungusap na gaya ng, “Siya’y laging naroroon” at, “Samantalang nakaupo sa isang silya sa damuhan, ang kaniyang puwesto sa sulok ng daan ay ginagamit ng retiradong guro sa paaralan upang gawin ang gawaing misyonero ng mga Saksi ni Jehova.” Gayundin, makaapat na beses na ang lokal na istasyon ng TV ay nagpalabas ng mga larawan tungkol sa aking pagpapatotoo. Patuloy na nakikibahagi ako sa limitadong paraan sa lahat ng sangay ng ministeryo ng Kaharian: pagbabahay-bahay na pangangaral, pagdalaw-muli, at pantahanang mga pag-aaral sa Bibliya. Gayumpaman, dahilan sa mga taon ng katandaan at panghihina ng katawan, ako’y gumugugol ngayon ng malaki-laking panahon sa gawain sa lansangan.

Sa paglingon sa nakalipas sasabihin ko na tunay na maraming dahilan upang magpasalamat. Bukod sa mga pagpapalang iyon na karaniwan sa lahat ng mga lingkod ni Jehova, bilang isang guro sa paaralan ay nagkaroon ako ng pribilehiyong maimpluwensiyahan ang maraming kabataan; nagkaroon ako ng kagalakan na dumalo sa maraming kombensiyon sa buong daigdig; nagkaroon ako ng napakabungang ministeryo sa pagpapayunir; at ako’y lubhang pinagpala may kaugnayan sa musika. Higit sa riyan, nariyan ang pagpapatotoo na nagawa ko sa pamamagitan ng media. Tunay, masasabi ko ang gaya ng sinabi ng salmistang si David: “Aking pupurihin ng awit ang pangalan ng Diyos, at aking dadakilain siya ng pagpapasalamat.”​—Awit 69:30.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share