Malapit Na ba ang “Bagong Sanlibutang Kaayusan” ng Tao?
1. Papaano ipinahayag ang pagnanais ng higit pang makapulitikang kalayaan noong nakalipas na mga taon?
SA NGAYON, milyun-milyong mga tao ang alipin ng huwad na relihiyon, at minamagaling ng marami na manatiling ganiyan. Kasabay nito, parami nang parami ang humihingi ng makapulitikang mga kalayaan. Ang pambihirang mga pangyayari noong nakalipas na mga ilang taon sa Silangang Europa at sa iba pang mga dako ay nagpakita na nais ng mga tao na magkaroon ng lalong malayang mga anyo ng pamahalaan. Kaya naman, maraming nagsasabi na isang bagong panahon ng kalayaan ang malapit na. Tinawag iyon ng pangulo ng Estados Unidos na “isang bagong sanlibutang kaayusan.” Totoo, ang mga lider ng daigdig sa lahat ng dako ay nagsasabi na ang Malamig na Digmaan at ang pag-uunahan sa pagpapasulong tungkol sa mga armas ay tapos na at isang bagong panahon ng kapayapaan ang nagbukang-liwayway para sa sangkatauhan.—Ihambing ang 1 Tesalonica 5:3.
2, 3. Anong mga kalagayan ang sumisira sa tunay na kalayaan?
2 Gayunman, kahit na ang mga pagsisikap ng tao ay nagbunga ng pagbabawas ng mga armas at ng mas libreng mga anyo ng pamamahala, talaga bang iiral ang tunay na kalayaan? Hindi, dahilan sa nakapangingilabot na mga suliranin na umiiral sa lahat ng bansa, kasali na yaong mga nasa demokrasya, na kung saan ang bilang ng mga dukha ay dumarami at milyun-milyon ang nakikipagpunyagi upang may ikabuhay. Isang ulat ng United Nations ang nagsasabi na sa kabila ng mga pagsulong sa siyensiya at medisina, araw-araw sa buong daigdig sa katamtaman ay 40,000 mga bata ang namamatay dahilan sa malnutrisyon o mga sakit na maaari namang maiwasan. Isang eksperto sa larangang ito ang nagsabi: “Ang karalitaan ay nagbabanta na sirain ang kinabukasan ng sangkatauhan.”
3 Bukod dito, mas maraming mga tao ngayon ang nagiging biktima ng mga krimen na lumulubha nang lumulubha. Ang panlahi, pampulitika, at panrelihiyon na mga pagkakapootan ang sanhi ng pagkakabaha-bahagi ng iba’t ibang bansa. Sa ilang dako ay hindi malayong mangyari sa hinaharap na ang panahong inilarawan sa Zacarias 14:13, na ang mga tao ay magiging “litung-lito at nahihintakutan na anupa’t ang bawat isa [ay] susunggab sa taong katabi niya at aatakihin siya.” (Today’s English Version) Ang pag-aabuso sa droga at ang mga sakit na naililipat ng pagtatalik ay laganap na laganap na. Angaw-angaw na mga tao ang maysakit ng AIDS; sa Estados Unidos lamang, mahigit na 120,000 ang namatay na sa sakit na ito.
Pagkaalipin sa Kasalanan at Kamatayan
4, 5. Anuman ang mga kalayaan na umiiral sa ngayon, sa anong uri ng pagkaalipin nakagapos ang bawat isa?
4 Subalit, kahit na hindi umiiral ang masasamang kalagayang ito, ang mga tao ay hindi pa rin magkakaroon ng tunay na kalayaan. Lahat ay nasa pagkaalipin pa rin. Bakit nga ba ganito? Bilang paghahalimbawa: Ano kung may isang diktador na umalipin sa bawat tao sa lupa at pinaslang silang lahat? Ang totoo, ganiyan ang nangyari sa sangkatauhan nang ang ating unang mga magulang ay naghimagsik laban sa Diyos at naging alipin ng mapang-aping pamamahala ng Diyablo.—2 Corinto 4:4.
5 Nang lalangin ng Diyos ang mga tao, nilayon niya na mamuhay sila sa lupa magpakailanman sa kasakdalan, sa isang paraiso, gaya ng ipinakikita ng Genesis kabanata 1 at 2. Ngunit dahilan sa paghihimagsik sa Diyos ng ating ninunong si Adan, lahat tayo ay nasa ilalim ng sentensiyang kamatayan mula sa sandaling tayo ay ipinaglihi: “Sa pamamagitan ng isang tao [si Adan, ang ulo ng pamilya ng sangkatauhan] ang kasalanan ay pumasok sa sanlibutan at ang kamatayan sa pamamagitan ng kasalanan, at sa gayo’y lumaganap ang kamatayan sa lahat ng tao.” Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “ang kamatayan ang nagpunò bilang hari.” (Roma 5:12, 14) Kaya gaano mang pansariling kalayaan ang taglay natin, lahat tayo ay alipin ng kasalanan at kamatayan.
6. Bakit walang gaanong pagsulong sa haba ng buhay buhat nang isulat ang Awit 90:10?
6 Isa pa, ang buhay na taglay natin ngayon ay maikling-maikli. Kahit na para sa mga mapalad, iyon ay lumalawig lamang ng mga ilang dekada. Para naman sa mga kapus-palad, iyon ay mga ilang taon lamang, o wala pa. At isang bagong pag-aaral ang nagsasabi: “Ang siyensiya at medisina ay nagpahaba sa buhay ng tao sa likas na hangganan nito.” Ito’y dahilan sa di-kasakdalan ng ating sistemang henetiko at sa kamatayan na naging bahagi na nito dahilan sa kasalanan ni Adan. Anong lungkot nga na kung tayo’y mabuhay hanggang sa habang 70 o 80, na tayo’y dapat sanang maging matalino at lalong nasa magaling na kalagayang magtamasa ng buhay, ang ating mga katawan naman ay humihina na at ang wakas natin ay alabok!—Awit 90:10.
7. Bakit imposible na sa mga tao manggaling ang tunay na mga kalayaan na ibig at kailangan natin?
7 Anong uri ng pamamahala ng tao ang makahahadlang sa pagkaaliping ito sa kasalanan at kamatayan? Walang isa man. Walang mga pinuno ng pamahalaan, siyentipiko, o mga doktor saanmang dako ang makapagpapalaya sa atin buhat sa mga sumpa ng sakit, katandaan, at kamatayan, ni sinuman ay makapag-aalis ng kawalang-kasiguruhan, pang-aapi, krimen, gutom, at karalitaan. (Awit 89:48) Gaano mang kabuti ang hangarin ng mga tao, imposible na sa kanila manggaling ang tunay na mga kalayaan na ibig at kailangan natin.—Awit 146:3.
Maling Paggamit sa Malayang Kalooban
8, 9. Ano ang naglagay sa sangkatauhan sa kaniyang kasalukuyang malungkot na kalagayan?
8 Ang sangkatauhan ay nasa ganitong malungkot na kalagayan sapagkat si Adan at si Eva ay nagkamali sa paggamit ng kanilang malayang kalooban. Ang 1 Pedro 2:16 ay nagsasabi, ayon sa The Jerusalem Bible: “Gumawi kayo na gaya ng malayang mga tao, at huwag ninyong gamitin ang inyong kalayaan bilang isang pagdadahilan sa kasamaan.” Samakatuwid, malinaw na hindi nilayon ng Diyos na ang kalayaan ng tao ay maging walang-hangganan. Iyon ay kailangang gamitin na hindi lalampas sa mga hangganan ng mga batas ng Diyos, na matuwid at gagawa sa ikabubuti ng lahat. At ang mga hangganang iyon ay may sapat na lawak na nagbibigay ng malaking personal na kalayaang makapamili, upang ang pamamahala ng Diyos ay hindi kailanman maging mapang-api.—Deuteronomio 32:4.
9 Datapuwat, minabuti ng ating mga unang magulang na magpasiya para sa kanilang sarili kung ano ang tama at ano ang mali. Yamang sila ay kusang lumabas sa pamamahala ng Diyos, kaniyang binawi sa kanila ang kaniyang pag-alalay. (Genesis 3:17-19) Sa gayon sila ay naging di-sakdal, na ang resulta ay sakit at kamatayan. Sa halip na kalayaan, ang sangkatauhan ay naging alipin ng kasalanan at kamatayan. Sila’y naging sunud-sunuran sa mga kapritso ng di-sakdal at, kalimitan, malulupit na mga pinunong tao.—Deuteronomio 32:5.
10. Papaano maibiging pinakitunguhan ni Jehova ang gayong pangyayari?
10 Pinayagan ng Diyos ang mga tao sa pagsubok na ito sa ipinalalagay na lubusang kalayaan sa loob lamang ng isang limitadong yugto ng panahon. Batid niya na ang mga resulta ay magpapakita nang walang anumang duda na ang pamamahala ng tao na hiwalay sa Diyos ay hindi magtatagumpay. Yamang ang malayang kalooban, kung gagamitin sa matuwid na paraan, ay isang malaking kayamanan, ang Diyos sa kaniyang pag-ibig ay pansamantalang nagpahintulot sa nangyari sa halip na bawiin ang kaloob na malayang kalooban.
‘Hindi Maitutuwid ng Tao ang Kaniyang Hakbang’
11. Papaano sinusuhayan ng kasaysayan ang kawastuan ng Bibliya?
11 Ipinakikita ng ulat ng kasaysayan na wasto ang sinasabi ng Jeremias kabanata 10, talatang 23 at 24, na nagsasabi: “Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, Oh Jehova.” Ipinakita rin ng kasaysayan ang kawastuan ng sinasabi ng Eclesiastes 8:9, na: “Dominado ng tao ang kaniyang kapuwa tao sa kaniyang ikapipinsala.” Anong pagkatotoo nga! Ang sangkatauhan ay dinatnan ng sapin-sapin na mga kalamidad, anupa’t ang hantungan ng lahat ay ang libingan. Inilarawan ni apostol Pablo ang talagang kalagayan nang kaniyang sabihin, gaya ng nasusulat sa Roma 8:22: “Alam natin na ang lahat ng nilalang ay patuloy na sama-samang dumaraing at sama-samang nagdaramdam ng sakit hanggang ngayon.” Oo, ang paghiwalay sa batas ng Diyos ay nagdulot ng kapahamakan.
12. Ano ang sinasabi ng ilang komento tungkol sa lubos na kalayaan?
12 Ang aklat na Inquisition and Liberty ay nagkomento tungkol sa kalayaan na ganito: “Ang pagsasarili ay hindi, sa ganang sarili, masasabing isang kagalingan: ito ay hindi isang bagay na maipagmamalaki nang hindi binibigyan ng higit pang paliwanag. Sa katunayan, marahil ito ay isa lamang sa lalong mababang anyo ng pag-iimbot . . . Ang tao ay hindi, at hindi katawa-tawang makapaghahangad man lamang na maging, isang lubos na nagsasariling nilalang.” At si Prinsipe Felipe ng Inglatera ay nagsabi minsan: “Ang kalayaan na gawin ang bawat kapritso at katutubong-gawi ay baka kaakit-akit, ngunit ang karanasan ay paulit-ulit na nagtuturo, na ang kalayaang walang pagpipigil-sa-sarili . . . at paggawi na walang konsiderasyon sa iba ang pinakasiguradong paraan ng pagwawasak sa kaurian ng buhay ng isang komunidad, gaano man kayaman ito.”
Sino ang Nakaaalam ng Pinakamagaling?
13, 14. Sino lamang ang makapagbibigay ng kalayaan para sa sangkatauhan?
13 Sino ang may pinakamagaling na kaalaman kung papaano dapat organisahin ang isang tahanan—ang mapagmahal, may kakayahan, may karanasan na mga magulang o ang mga anak na kabataan? Ang sagot ay maliwanag. Sa katulad na paraan, ang Maylikha sa mga tao, ang ating makalangit na Ama, ang nakaaalam ng kung ano ang pinakamagaling para sa atin. Batid niya kung papaano dapat organisahin at pamahalaan ang lipunan ng tao. Alam niya kung papaano dapat ayusin ang malayang kalooban upang madala ang mga kapakinabangan ng tunay na kalayaan sa lahat. Tanging ang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, si Jehova, ang nakaaalam kung papaano palalayain ang sangkatauhan buhat sa pagkaalipin at bibigyan ng tunay na kalayaan ang lahat.—Isaias 48:17-19.
14 Sa kaniyang Salita, sa Roma 8:21, ganito ang kinasihang pangako ni Jehova: “Palalayain din ang sangnilalang mula sa pagkaalipin sa kabulukan at magtatamo ng maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos.” Oo, ang Diyos ay nangangako na lubusang palalayain ang sangkatauhan buhat sa kasalukuyang abang kalagayan. Ang sumusunod na artikulo ang tatalakay kung papaano ito mangyayari.
Papaano Mo Sasagutin?
(Pagrerepaso sa mga pahina 3 hanggang 8)
◻ Bakit ang mga tao ay may matinding damdamin tungkol sa kalayaan?
◻ Sa buong kasaysayan papaano naging mga alipin ang mga tao?
◻ Bakit pinayagan ni Jehova ang maling paggamit ng malayang kalooban sa napakatagal nang panahon?
◻ Sino lamang ang makapagdadala ng tunay na kalayaan sa buong sangkatauhan, at bakit?
[Larawan sa pahina 7]
Ang haba ng buhay ng tao ay kagayang-kagaya ng sinasabi 3,500 taon na ngayon sa Awit 90:10
[Credit Line]
Sa kagandahang-loob ng The British Museum