Ang Tunay na Kalayaan—Saan Nanggagaling?
“Hindi para sa taong lumalakad ang kahit magtuwid ng kaniyang hakbang. Ituwid mo ako, Oh Jehova.”—JEREMIAS 10:23, 24.
1, 2. Papaano minamalas ng karamihan ng tao ang kalayaan, ngunit ano pa ang kailangang isaalang-alang?
WALANG alinlangan na pinahahalagahan mo ang tunay na kalayaan. Nais mong maging malaya na maipahayag ang iyong sariling mga kuru-kuro, maging malaya na magpasiya kung saan at kung papaano ka mamumuhay. Nais mong piliin ang trabahong gagawin mo, piliin ang iyong pagkain, musika, mga kaibigan. Ikaw ay may higit na nagugustuhang maraming mga bagay, malalaki at maliliit. Walang normal na tao ang nais maging alipin ng mga diktador, na bahagya lamang o walang karapatang pumili ng ibig nila.
2 Subalit, hindi ba nanaisin mo rin ang isang sanlibutan na kung saan ang iba at pati ikaw ay makikinabang buhat sa tunay na kalayaan? Hindi ba nanaisin mo ang isang sanlibutan na kung saan ang kalayaan ay ipagsasanggalang upang ang buhay ng bawat isa ay magkaroon ng lubusang kapahayagan? At kung posible nga lang, hindi ba nanaisin mo ang isang sanlibutan na malaya buhat sa takot, krimen, gutom, karalitaan, polusyon, sakit, at digmaan? Tiyak na ang ganiyang kalayaan ay lubhang kanais-nais.
3. Bakit pinahahalagahan natin ang kalayaan?
3 Bakit nga ba ang mga tao’y may matinding damdamin tungkol sa kalayaan? Ang Bibliya ay nagsasabi: “Kung saan naroroon ang espiritu ni Jehova doon ay may kalayaan.” (2 Corinto 3:17) Samakatuwid si Jehova ang Diyos ng kalayaan. At yamang tayo’y nilalang niya ayon sa kaniyang ‘larawan at wangis,’ tayo’y pinagkalooban niya ng malayang kalooban upang tayo’y makapagpahalaga at makinabang sa kalayaan.—Genesis 1:26.
Inabuso ang Kalayaan
4, 5. Sa buong kasaysayan papaano inabuso ang kalayaan ?
4 Sa buong kasaysayan milyun-milyong mga tao ang naging alipin, pinahirapan, o pinatay sapagkat ang iba’y gumamit sa maling paraan ng malayang kalooban. Ang Bibliya ay naglalahad na mga 3,500 taon na ngayon ang lumipas, “ang mga Ehipsiyo ang umalipin sa mga anak ni Israel sa ilalim ng malupit na trato. At ang kanilang buhay ay patuloy na ginawa nilang masaklap sa pamamagitan ng busabos na pang-aalipin.” (Exodo 1:13, 14) Sinasabi ng The Encyclopedia Americana na noong ikaapat na siglo B.C.E., ang mga alipin sa Atenas at sa dalawa pang mga siyudad na Griego ay mas marami kaysa sa malayang mga mamamayan doon nang mga 4 sa 1. Ang reperensiya ring ito ay nagsasabi: “Sa Roma ang alipin ay nang pasimula walang mga karapatan. Siya’y maaaring patayin sa pinakamaliit na pagkakamali.” Ganito ang puna ng Compton’s Encyclopedia: “Sa Roma ang trabaho ng alipin ang pundasyon ng estado. . . . Sa mga bukid ang mga alipin ay malimit gumagawa nang nakatanikala. Kung gabi sila ay iginagapos na sama-sama at ikinukulong sa malalaking mga bilangguan, na kalahati’y nakabaon na sa ilalim ng lupa.” Yamang marami sa mga alipin ang dating mga layâ, gunigunihin ang kapaitan ng mga buhay na iyon na nasira!
5 Sa loob ng daan-daang mga taon, ang Sangkakristiyanuhan ay nahulog sa paggawa ng mapang-aping pangangalakal ng mga alipin. Ang sabi ng The World Book Encyclopedia: “Mula noong dekada ng 1500 hanggang sa dekada ng 1800, ang mga taga-Europa ay nagbiyahe ng mga 10 milyong aliping negro mula sa Aprika upang dalhin sa Kanlurang Hemispiro.” Sa ika-20 siglong ito, milyun-milyong mga bihag ang pinagtrabaho hanggang sa humantong iyon sa kanilang kamatayan o pinatay sa mga kampong piitan ng mga Nazi bilang patakaran ng pamahalaan. Sa mga biktima ay nakasali ang maraming mga Saksi ni Jehova na ibinilanggo sapagkat sila’y tumangging tumangkilik sa salaring rehimen ng mga Nazi.
Pagkaalipin sa Huwad na Relihiyon
6. Papaano inalipin ng huwad na relihiyon ang mga tao sa sinaunang Canaan?
6 May umiiral din na pagkaalipin na resulta ng pagtataguyod sa huwad na relihiyon. Halimbawa, sa sinaunang Canaan, ang mga anak ay inihahain kay Moloch. Sinasabi na isang hurno ang naglalagablab sa loob ng pagkalaki-laking imahen ng diyus-diyusang ito. Buháy na mga bata ang inihahagis sa nakasahod na mga bisig ng imahen, nahuhulog sa mga ito tungo sa apoy sa ibaba. Ang ilan sa mga Israelita ay gumagawa rin ng ganitong huwad na pagsamba. Sinabi ng Diyos na kanilang ‘pinaraan sa apoy tungo kay Moloch ang kanilang mga anak na lalaki at ang kanilang mga anak na babae, isang bagay na hindi Niya ipinag-utos sa kanila, ni naisip man niya sa Kaniyang puso na gawin ang kasuklam-suklam na bagay na ito.’ (Jeremias 32:35) Ano bang pakinabang ang idinulot ni Moloch sa mga nagsisisamba sa kaniya? Nasaan yaong mga bansang Cananeo at ang pagsamba kay Moloch sa ngayon? Lahat ng mga iyan ay naparam na. Iyan ay huwad na pagsamba, pagsambang nakasalig hindi sa mga katotohanan kundi sa mga kabulaanan.—Isaias 60:12.
7. Anong kakila-kilabot na kaugalian ang bahagi ng relihiyon ng mga Aztec?
7 Daan-daang taon na ngayon ang lumipas sa Sentral Amerika, ang mga Aztec ay alipin ng huwad na relihiyon. May mga pansariling mga diyos, ang mga puwersa ng kalikasan ay sinasamba bilang mga diyos, ang sari-saring gawain sa araw-araw na pamumuhay ay may kani-kaniyang diyos, ang mga pananim ay may kani-kanilang diyos, kahit na ang pagpapatiwakal ay may isang diyos. Ang aklat na The Ancient Sun Kingdoms of the Americas ay naglalahad: “Ang gobyerno ng Aztec Mexico ay organisado mula sa taluktok hanggang sa ibaba upang masuportahan, at sa gayo’y payapain, ang di-nakikitang mga kapangyarihan sa pamamagitan ng pinakamaraming puso ng mga tao na posibleng maibigay sa kanila. Ang dugo ang iniinom ng mga diyos. Upang makakuha ng angkop na mga biktimang bilanggo bilang hain sa mga diyos, walang tigil ang maliliit na mga digmaan.” Nang isang malaking templong pyramid ang inialay noong 1486, libu-libong biktima ang “nakahilera at naghihintay na mailatag ang mga katawan sa batong pinaghahandugan ng hain. Ang kanilang mga puso ay tinatagpas at sandaling pinaiinitan sa araw” upang payapain ang diyos-araw. Sinasabi ng The World Book Encyclopedia: “Ang mga mananamba kung minsan ay kumakain ng mga bahagi ng katawan ng isang biktima.” Gayunman, ang mga kaugaliang ito ay hindi nagligtas sa Imperyo ng mga Aztec o sa huwad na relihiyon nito.
8. Ano ang sinabi ng isang tour guide tungkol sa isang modernong paraan ng pamamaslang na mas malawak pa kaysa ginanap ng mga Aztec?
8 Minsan may mga bisitang dumalaw sa isang museo na kung saan sa isang tanghalang lugar ay makikita ang larawan ng mga paring Aztec na lumalaslas ng puso ng isang kabataang lalaki. Nang ipaliwanag ng tour guide ang exhibit, nangapos ang hininga ng ilang mga naroroon sa grupong nagliliwaliw. Pagkatapos ay sinabi ng giya: “Nakita kong kayo ay nangilabot sa kaugalian ng mga Aztec na ang mga kabataang lalaki ay inihahandog sa mga diyos na pagano. Ngunit, sa ika-20 siglong ito, milyun-milyong kabataang lalaki ang naihandog na sa diyos ng digmaan. Mayroon bang pagkakaiba?” Isang katotohanan na sa digmaan ang mga lider ng relihiyon ng lahat ng bansa ay nananalangin na sila’y magtagumpay at pinagpapala ang mga hukbo bagaman ang mga tao ng iisang relihiyon ay kalimitan nasa magkalabang panig na nagpapatayan sa isa’t isa.—1 Juan 3:10-12; 4:8, 20, 21; 5:3.
9. Anong kaugalian ang kumitil sa buhay ng lalong maraming kabataan kaysa ano pa man sa kasaysayan?
9 Ang paghahain ng kabataan kay Moloch, sa mga diyos ng mga Aztec, o sa digmaan ay nahihigitan pa ng pamamaslang sa ipinagbubuntis na mga sanggol sa mga pagpapalaglag, mga 40 o 50 milyon isang taon sa buong daigdig. Ang bilang na ipinalaglag noong nakalipas lamang na tatlong taon ay mas malaki kaysa isandaang milyong katao na nasawi sa lahat ng digmaan sa siglong ito. Bawat taon, kung makailang beses na dami ng mga sanggol ang ipinalalaglag kaysa lahat ng mga taong pinaslang sa 12 taon ng pamamahala ng mga Nazi. Sa kalilipas na mga dekada makalibong ulit na higit pang dami ng mga sanggol ang ipinalaglag kaysa lahat ng inihandog kay Moloch o sa mga diyos ng mga Aztec. Gayunman marami (kung hindi man karamihan) sa mga nagpapalaglag, o nagsasagawa ng mga iyon, ang nag-aangkin na may relihiyon.
10. Ano pa ang isang paraan na ang mga tao ay alipin ng huwad na relihiyon?
10 Inaalipin ng huwad na relihiyon ang mga tao sa iba pang mga paraan. Halimbawa, maraming tao ang naniniwala na ang mga namatay ay buháy sa daigdig ng mga espiritu. Ang isang resulta ng gayong maling paniniwala ay ang takot at ang pagsamba sa namatay na mga ninuno upang makamit buhat sa kanila ang ipinagpapalagay na mga kapakinabangan. Sa ganito ang mga tao ay nagiging alipin ng mga albularyo sa kulam, mga espiritung medium, at mga klerigo na inaakalang nakatutulong sa mga buháy upang payapain ang mga nangamatay. Makabubuting itanong, Mayroon bang paraan upang makaalpas sa gayong pagkaalipin?—Deuteronomio 18:10-12; Eclesiastes 9:5, 10.
[Larawan sa pahina 4, 5]
Sa buong kasaysayan ay ginamit ng iba sa maling paraan ang kanilang malayang kalooban upang alipinin ang iba