Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa
Sinusuhayan ba ng Bibliya ang pag-iral ng mga unicorn, na binabanggit sa ilang mga bersiyon?
Ang King James, Douay, at iba pang mga bersiyon, ay bumabanggit sa mga unicorn. Subalit hindi ganiyan kung tungkol sa mga bersiyon na wastong nagsalin ng Hebreo.—Awit 22:21; 29:6; 92:10 (21:22; 28:6; 91:11, Douay).
Sa lumipas na mga daan-daang taon maraming alamat ang nabuo tungkol sa isang hayop na may katawan at ulo ng isang kabayo ngunit may mga paa ng isang usa at buntot ng isang leon. Marahil ang pinakanaiibang sangkap na binabanggit ng alamat sa nilalang na ito ay ang kaisa-isang pilipit na sungay sa ulo.a
“Noong minsan ang mga tao ay naniniwala na ang sungay ng unicorn ay may pangontra sa lason, at noong Edad Medya, ang mga pulbos na ipinalalagay na ginawa buhat sa gayong mga sungay ay ipinagbili sa lubhang matataas na halaga. Karamihan ng mga iskolar ay naniniwala na ang larawan ng unicorn ay kinuha sa napabalitang nanggaling sa Europa na mga pag-uulat tungkol sa rhinoceros.” (The World Book Encyclopedia) May mga monumentong Asiryo at Babilonyo na makikitaan ng iisahing-sungay na mga hayop. Ang mga ito ay kinikilala ngayon bilang mga usang barako, ibex, baka, at mga toro na nakalarawan buhat sa isang panig, isang bista na hindi nakikita ang dalawang sungay.
Ito’y nakatatawag-pansin sa mga mág-aarál ng Bibliya sapagkat siyam na ulit na ang isang hayop ay tinutukoy ng Kasulatan sa terminong Hebreo na reʼemʹ. (Bilang 23:22; 24:8; Deuteronomio 33:17; Job 39:9, 10; Awit 22:21; 29:6; 92:10; Isaias 34:7) Ang mga tagapagsalin ay matagal nang nasa alanganin tungkol sa kung anong hayop ang tinutukoy. Ang ginawa ng Griegong Septuagint ay isinalin ang reʼemʹ na taglay ang diwang ‘isang sungay,’ o unicorn. Malimit na isinasalin ito ng Latin Vulgate bilang “rhinoceros.” Ang ginagamit ng ibang mga bersiyon ay ‘mailap na baka,’ ‘mailap na mga hayop-gubat,’ o ‘kalabaw.’ Basta letra-por-letrang isinalin ni Robert Young ang Hebreo sa Ingles bilang “Reem,” anupat iniwanan ang mambabasa sa kawalang-alam.
Gayumpaman, ang modernong mga iskolar ang nag-alis ng malaking pagkalito tungkol sa reʼemʹ. Ang mga lexicograpong sina Ludwig Koehler at Walter Baumgartner ang nagpapakita na ito’y nangangahulugan na “mailap na baka,” na may siyentipikong pagkakakilanlan na Bos primigenius. Ito ay isang “subpamilya ng may malaking sungay na pamilya ng ungulate.” Ang The New Encyclopædia Britannica ay may ganitong paliwanag:
“Sa ilang mga talatang patula ng Matandang Tipan ay may tinutukoy na isang malakas at marilag na hayop na may sungay at tinatawag na reʼemʹ. Ang salitang ito ay isinaling ‘unicorn’ o ‘rhinoceros’ sa maraming bersiyon, ngunit maraming modernong mga salin ang gumagamit ng ‘mailap na baka’ (aurochs), na siyang tamang kahulugan ng Hebreong reʼemʹ.”
Yamang sa salitang Ingles ngayon ang “ox” ay tumutukoy sa isang kinapong lalaki, ang New World Translation of the Holy Scriptures ay walang pagbabago at tamang isinasalin ang reʼemʹ bilang “mailap na toro.” Ang aurochs (mailap na baka, o toro) ay waring lipol na nang sumapit ang ika-17 siglo, subalit nahinuha ng mga siyentipiko na ito ay may malaking pagkakaiba sa unicorn sa alamat. Ang sinaunang aurochs ay mga uno punto otso metro ang taas ng katawan, at may habang mga tatlong metro. Marahil ang bigat nito ay 900 kilo, at bawat isa sa dalawang sungay ay maaaring mahigit na 75 sentimetro ang haba.
Tunay na ito’y kasuwato ng binanggit ng Bibliya na reʼemʹ o mailap na toro. Ito’y kilala sa lakas at pagkamailap (Job 39:10, 11) at gayundin sa kaliksihan. (Bilang 23:22; 24:8) Makikita na ito’y may dalawang sungay, hindi lamang iisang sungay na katulad ng binabanggit ng alamat ng unicorn. Binanggit ni Moises ang mga sungay nito nang ipinaghahalimbawa ang dalawang makapangyarihang mga tribo na manggagaling sa dalawang anak na lalaki ni Jose.—Deuteronomio 33:17.
Samakatuwid hindi sinusuhayan ng Bibliya ang idea ng mga unicorn na itinatanyag sa alamat. Tunay na gumagawa ito ng isang wasto bagaman limitado, na larawan ng malaki at nakasisindak na aurochs, o mailap na toro, na umiral noong mga unang panahon sa Bibliya at hanggang sa hindi naman katagalang panahong lumipas.
[Talababa]
a Ganito ang paliwanag ni Propesor Paul Haupt: ‘Sa mga koleksiyon noong edad medya ang mga sungay ng rhinoceros o mga pangil ng narwhal (tinatawag din na unicorn fish o unicorn whale) ay itinuring na mga sungay ng unicorn.’
[Picture Credit Line sa pahina 31]
Treasury of Fantastic and Mythological Creatures: 1,087 Renderings from Historic Sources, ni Richard Huber/Dover Publications Inc.