Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w92 6/1 p. 27-30
  • Pagkalaya sa Buchenwald ay Natagpuan Ko ang Katotohanan

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagkalaya sa Buchenwald ay Natagpuan Ko ang Katotohanan
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Inaresto
  • Nang Patungo sa Alemanya
  • Pamumuhay sa Araw-Araw
  • Isang Naiibang Grupo
  • Ang Tren ng Kamatayan
  • Isang Bagong Hakbang
  • Pag-iingat ng Katapatan sa Nazing Alemanya
    Gumising!—1985
  • Ang Aking Poot ay Nauwi sa Pag-ibig
    Gumising!—1995
  • Sa Tulong ni Jehova, Nakayanan Namin ang Pahirap ng mga Totalitaryong Rehimen
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Laging Nakakakita ng Magagawa Para kay Jehova
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
w92 6/1 p. 27-30

Pagkalaya sa Buchenwald ay Natagpuan Ko ang Katotohanan

AKO’Y lumaki sa Grenoble, Pransiya, noong dekada ng 1930. Ang aking guro sa wikang Aleman, isang Pranses, ay isang panatikong Nazi. Sa paaralan ay lagi niyang iginigiit na “pakikinabangan” balang araw ang Aleman. Subalit, ang karamihan ng aming mga guro, mga beterano ng Digmaang Pandaigdig I, ay may pagkabahala tungkol sa pagbangon ng Nazismo sa Alemanya. Ako man ay nabahala habang nahahayag na palapit na ang digmaan.

Noong 1940, sa pasimula ng Digmaang Pandaigdig II, namatay ang isang mahal kong tiyuhin sa matinding labanan sa ilog Somme. Ganiyan na lamang ang samâ ng aking loob ngunit ako’y napakabata upang magpalista sa Hukbong Pranses. Gayunman, makalipas ang tatlong taon, nang sakupin ng mga Aleman ang Pransiya, ako’y nabigyan ng pagkakataon na gamitin ang aking mga katangian bilang isang draftsman para sa Palihim na Kilusang Pranses. Ako’y naging dalubhasa sa panghuhuwad sa mga pirma at nagtrabaho rin ako sa panghuhuwad sa mga pantimbreng de goma ng Aleman. Totoong nasiyahan ako na labanan sa ganitong paraan ang mananakop na mga hukbo ng kaaway na anupat ang opinyong Komunista ng aking mga kasamahan ay hindi gaanong mahalaga sa akin noon.

Inaresto

Noong Nobyembre 11, 1943, ang lokal na Palihim na Kilusan ay humiling ng demonstrasyon sa paggunita ng pansamantalang kapayapaan sa Digmaang Pandaigdig I. Subalit ang mga guwardiyang Pranses na nakabehikulo ay nagtayo ng mga barikada upang huwag madaanan ang tulay na patungo sa memoryal ng digmaan, at kanilang hinimok kami na umuwi na. Sa halip, kaming mga nagmamartsa ay nagpasiyang magpatuloy sa isa pang monumento sa digmaan sa loob ng bayan. Subalit may nakalimutan kami. Ang monumento ay malapit pala sa mga tanggapan ng mga Gestapo.

Ang aming grupo ay dagling pinalibutan ng armadong mga sundalo, na nagpahilera sa amin nang nakatalikod sa isang pader. Nang kami’y ilipat ng mga sundalo, sila’y nakasumpong ng mga rebolber sa lupa. Palibhasa’y walang sinumang ibig umamin na siya ang may-ari ng mga ito, ang pinalaya lamang ng mga sundalo ay ang mga babae at mga kabataang 16 na taóng gulang at mababa rito. Kaya, sa edad na 18, ako’y ibinilanggo, kasama ang 450 iba pang preso. Makalipas ang ilang araw, kami’y inilipat sa isang transit camp malapit sa Compiègne, sa hilagang Pransiya.

Nang Patungo sa Alemanya

Noong Enero 17, 1944, nakakita ako ng una​—ngunit nakalulungkot at hindi siyang huli​—​na mga sundalong Aleman na ang mga helmet ay may dekorasyong swastika sa kaliwa at mga inisyal na SS (Schutzstaffel) sa kanan. Kanilang tinipon ang daan-daang mga preso, at kami’y pinalakad hanggang sa istasyon ng Compiègne. Kami’y literal na sinipa hanggang sa tumilapon sa mga bagol ng tren. Sa aking kinalululanang bagol lamang, may 125 preso. Sa loob ng mga tatlong araw at dalawang gabi, wala kaming anumang makain o mainom. Makalipas nang mga ilang oras, ang mga mahihina ay nangatumba na at napagyayapakan. Makalipas ang mga dalawang araw kami’y dumating sa Buchenwald, malapit sa Weimar, sa may kaloob-looban ng Alemanya.

Pagkatapos na ako’y madisimpekta at maahit ang ulo, binigyan ako ng rehistradong numerong 41,101 at klasipikado bilang isang “Komunistang Terorista.” Sa panahon ng pagkukuwarentenas, nakilala ko ang Dominikanong paring si Michel Riquet, na napatanyag pagkatapos ng digmaan dahilan sa kaniyang mga sermon sa Katedral ng Notre Dame, Paris. Kasama ang iba pang mga kaedad ko na mga lalaki, itinanong ko sa kaniya kung bakit pinapayagan ng Diyos ang gayong mga kakilabutan. Ang tugon niya: “Kailangang dumaan ka sa malaking paghihirap upang maging karapat-dapat na magtungo sa langit.”

Pamumuhay sa Araw-Araw

Ang mga umuokupa sa lahat ng 61 bloke ay kailangang bumangon mga alas kuwatro y media ng umaga. Kami’y nagsilabas na walang damit na pang-itaas at kalimitan ay kailangan pang tunawin namin ang namuong yelo dahilan sa kaginawan upang makapaghugas. Malusog man o hindi, kaming lahat ay kailangang sumunod. Pagkatapos ay nariyan ang pamamahagi ng tinapay​—mula 200 hanggang 300 gramo para sa bawat araw ng tinapay na walang lasa, pinahiran ng bahagyang margarina at waring kagaya ng jam. Sa ganap na 5:30 n.u., isa-isang tinitipon ang lahat para sa roll call. Totoong nakasisindak na karanasan ang pasanin namin yaong mga namatay nang lumipas na magdamag! Ang nakasisinok na amoy ng usok habang nasusunog ang mga bangkay ay nagpagunita sa amin ng aming mga kasamahan. Kami’y pinangibabawan ng damdamin ng pagkasuklam, kawalang-pag-asa, at pagkapoot, sapagkat maaaring gayundin ang mangyari sa amin.

Ang aking trabaho sa BAU II Kommando ay ang paghuhukay ng mga trentsera na wala namang paggagamitan. Kapagdaka pagkatapos na mahukay ang dalawang-metrong trentsera kailangan na tabunan namin muli iyon nang buong-ingat. Nagsisimula ang pagtatrabaho sa ika-6:00 n.u., at may kalahating oras na pahinga sa tanghali, anupat pagkatapos ay nagpapatuloy kami ng pagtatrabaho hanggang ika-7:00 n.g. Ang roll call sa gabi ay kalimitan parang wala nang katapusan. Pagka maraming nasawing Aleman sa larangang Ruso, iyon ay tatagal hanggang hatinggabi.

Isang Naiibang Grupo

Sinumang sumusubok na tumakas sa kampo ay dagling nakikilala sapagkat kaming lahat ay may istilo ng gupit na hindi pantay-pantay. Ang buhok namin ay ginupit na parang inaahit o nang maikling-maikli hanggang sa gitna o sa mga tabi. Datapuwat, ang ibang mga preso ay may karaniwang gupit. Sino sila? Ang pinaka-ulo ng aming bloke ang nagbigay-kasiyahan sa aming pananabik. “Sila ay mga Bibelforscher (Mga Estudyante ng Bibliya),” aniya. “Subalit ano ang ginagawa ng mga Estudyante ng Bibliya sa isang kampong piitan?” ang may pagtatakang naitanong ko. “Sila’y narito sapagkat sila’y sumasamba kay Jehova,” ang napag-alaman ko. Jehova! Iyon ang unang pagkakataon na marinig ko ang pangalan ng Diyos.

Sa bandang huli ay naalaman ko ang kaunti pa tungkol sa mga Estudyante ng Bibliya. Karamihan sa kanila ay mga Aleman. Ang iba sa kanila ay narito na sa kampong piitan sapol noong kalagitnaan ng dekada ng 1930 dahilan sa pagtangging sumunod kay Hitler. Sila’y nakalaya na sana, ngunit ayaw nilang sumuko. Ginamit sila ng SS bilang kanilang personal na mga barbero, at sila’y binigyan ng natatanging mga gawain na nangangailangan ng mga taong mapagkakatiwalaan, tulad ng trabaho sa mga puwestong tungkol sa pamamanihala. Ang lubhang nakapukaw ng aming pananabik na malaman ay yaong tungkol sa kanilang tahimik, ang lubusang kawalang-pagkapoot o espiritu ng pagprotesta at paghihiganti. Hindi ko maintindihan iyon. Nakalulungkot naman, hindi sapat ang alam kong wikang Aleman upang makipag-usap sa kanila noon.

Ang Tren ng Kamatayan

Sa pag-abante ng mga Alyado, ang mga preso ay ipinadala sa mga kampong nasa mga lugar sa loob, ngunit ang mga ito ay nagiging labis-labis na siksikan. Noong umaga ng Abril 6, 1945, may 5,000 sa amin ang kinuha ng SS, at puwersahang dinala kami sa daan patungong Weimar para sa 9-na-kilometrong paglalakad. Yaong mga hindi makapagpatuloy ng paglalakad sa bilis na kinakailangan ay walang-patumanggang binaril sa leeg. Nang sa wakas ay marating namin ang istasyong iyon sa Weimar, kami’y nagsiakyat sa lampas-lampasang mga bagol, at umalis na ang tren. Sa loob ng 20 araw ito’y nagbiyahe na dumaraan sa isang istasyon tungo sa susunod sa pagbagtas sa Alemanya at pagkatapos ay nagpapatuloy hanggang sa makarating sa Czechoslovakia.

Isang umaga, isang bahagi ng aming tren ang inilipat sa kabilang riles. Mga sundalong nakakasa na ang mga machine gun, ang nagbukas ng mga pinto ng isang bagol, at pinatay ang lahat ng mga presong Ruso sa loob. Ang dahilan? Pinatay ng isang dosenang preso ang kanilang mga guwardiya at nagsitakas sa kinagabihan. Kahit na sa ngayon ay nakikini-kinita ko pa rin ang dugong tumutulo sa sahig ng bagol tungo sa riles.

Sa wakas, ang tren ay dumating sa Dachau, at doon makalipas ang dalawang araw kami ay pinalaya ng Hukbong Amerikano. Sa buong 20-araw na biyahe, wala kaming kinain kundi ilang mga patatas na hilaw at uminom ng kaunting tubig. Kami’y 5,000 nang magsimula kami ng pagbibiyahe, ngunit 800 lamang ang nakatawid nang buháy. Marami ang iba pang namatay makalipas ang ilang araw. Ako naman, sa kalakhang bahagi ng biyahe ay nakaupo sa ibabaw ng isang bangkay.

Isang Bagong Hakbang

Pagkatapos na ako’y makalaya waring wala nang nararapat na gawin kundi ang aktibong sumuporta sa Partido Komunistang Pranses, yamang nakasama ko ang marami sa mga miyembro nito​—kasali na ang mga prominente​—​sa Buchenwald. Ako’y ginawang pangalawang kalihim sa selda sa Grenoble at hinimok na mag-aral ng kurso sa pagsasanay para sa mga ehekutiba sa Paris.

Datapuwat, hindi nagtagal ako’y nakaranas ng kabiguan. Noong Nobyembre 11, 1945, kami’y inanyayahan na sumama sa isang pagpaparada sa Paris. Ang camarade na tagapangasiwa ng aming grupo ay tumanggap ng salapi para ibayad sa aming mga tutuluyan, subalit para bang ayaw niyang gamitin iyon para sa amin. Kami’y napilitang ipaalaala sa kaniya ang mga simulain ng pagiging tapat at ng pagkakaibigan na dapat na magbuklod sa amin sa pagkakaisa. Natanto ko rin na ang maraming prominenteng mga taong nakilala ko ay talagang walang kaya na lutasin ang mga suliranin ng daigdig. Isa pa, sa kalakhang bahagi, sila’y mga ateista, at ako’y naniniwala sa Diyos.

Nang bandang huli ay lumipat ako sa Lyons, at doo’y nagpatuloy ako na magtrabaho bilang isang draftsman. Noong 1954, ako’y dinalaw ng dalawang Saksi ni Jehova, at sumuskribe ako sa magasing Gumising! Makalipas ang dalawang araw, isang lalaki ang dumalaw sa akin kasama ang isa sa mga babaing tumuktok sa aking pintuan. Biglang natanto naming mag-asawa na kami’y kapuwa interesado sa espirituwal na mga bagay.

Sa mga talakayan na sumunod, naalaala ko ang Bibelforscher sa Buchenwald na totoong tapat sa kanilang pananampalataya. Noon ko lamang natanto na ang mga Bibelforscher na ito at ang mga Saksi ni Jehova ay iisa at iyon din. Salamat sa isang pag-aaral sa Bibliya, kami ng aking asawa ay nanindigan sa panig ni Jehova at nabautismuhan noong Abril 1955.

Ang aking alaala ay buháy na buháy pa rin na parang lahat na ito ay nangyari kahapon lamang. Hindi ko pinagsisisihan ang aking nakalipas na mga kahirapang dinanas. Ako’y napalakas nito at natulungang makita na ang mga pamahalaan ng sanlibutang ito ay walang gaanong maiaalok. Bagaman ang personal na mga karanasan ay makatutulong lamang sa iba sa isang limitadong paraan, ako’y matutuwa kung ang sa akin ay makatutulong sa mga kabataan ngayon na makita ang balatkayo ng sanlibutang ito at sa gayo’y humanap ng mabubuti, matuwid na mga pamantayan sa tunay na Kristiyanismo, ayon sa itinuro ni Jesus.

Sa ngayon, ang pagdaranas ng hirap at ng kaapihan ay bahagi ng araw-araw na pamumuhay. Tulad ng Bibelforscher sa mga kampong piitan, ako man ay naghihintay ng isang lalong mabuting sanlibutan, na kung saan iiral ang pag-ibig pangkapatiran at ang katarungan sa halip na karahasan at panatikong idealismo. Samantala, sinisikap kong maglingkod sa Diyos at kay Kristo sa pinakamagaling na magagawa ko bilang isang matanda sa kongregasyong Kristiyano, kasama ng aking maybahay, mga anak, at mga apo. (Awit 112:7, 8)​—Ayon sa pagkalahad ni René Séglat.

[Mga larawan sa pahina 28]

Itaas: Roll call sa kampo

Kaliwa: Pasukang pinto sa Buchenwald. Mababasa sa nakasulat: “Sa bawat isa ang karapat-dapat sa kaniya”

[Mga larawan sa pahina 29]

Itaas: Crematorio sa Buchenwald

Kaliwa: Labing-anim na preso sa bawat andana

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share