Dapat Bang Mangilin ang mga Kristiyano ng Isang Araw ng Kapahingahan?
ANG Hunyo ay naging napakamaulan. Dahilan dito, isang napakatagal nang tradisyon ang nasira sa mga kampeonato sa tenis noong 1991 sa Wimbledon. Sa unang pagkakataon sa kasaysayan, ang mga paligsahan ay ginanap sa araw ng Linggo upang matakpan ang nawalang panahon. Maliban sa manaka-nakang di pagsunod sa mga alituntunin na gaya nito, ang Linggo ang siya pa ring sagradong araw ng kapahingahan sa Inglatera, at sa marami pang mga bansa.
Ang ibang mga tao ay nangingilin ng isang naiibang araw ng pahinga. Ang mga Judio sa buong daigdig ay mahigpit na nangingilin ng Sabbath mula sa paglubog ng araw kung Biyernes hanggang sa paglubog ng araw kung Sabado. Kung araw ng Sabbath, ang eroplano ng pambansang airline ng Israel ay hindi lumilipad, at sa ilang mga bayan ay hindi umaandar ang pangmadlang transportasyon. Sa Jerusalem ay ipinasasara ng mga sumusunod sa tradisyon ang ilang mga kalye upang mahadlangan ang trapiko na kanilang itinuturing na labag sa kautusan kung Sabbath.
Dahilan sa marami pang relihiyon ang nangingilin sa isang lingguhang araw ng kapahingahan o isang sabbath kaya maraming mga tanong na bumabangon. Ang pangingilin ba kung Sabbath ay para sa mga Judio lamang? Bakit karamihan ng mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay ibang araw ng kapahingahan ang sinusunod? Ang pangingilin ba ng isang lingguhang araw ng kapahingahan ay isang kahilingan rin ngayon ng Bibliya?
Sa Simula ba ay Umiiral Na ang Sabbath?
Ang unang pagkabanggit ng Kasulatan tungkol sa sabbath ay masusumpungan natin sa aklat ng Exodo. Samantalang nasa iláng ang mga Israelita, sila’y tumanggap ng manna, isang kahima-himalang pagkain, buhat kay Jehova. Tuwing ikaanim na araw ng sanlinggo, sila’y pupulot ng pagkain na ibayo ang dami sapagkat ang ikapitong araw ay magiging “isang sabbath kay Jehova,” na sa panahong iyon ay ipinagbabawal ang lahat ng gawain.—Exodo 16:4, 5, 22-25.
Bukod dito, ang mga Israelita ay binigyan ng Sabbath upang paalalahanan sila na sila’y naging mga alipin sa lupain ng Ehipto. Ang paalaalang ito ay hindi gaanong magkakaroon ng kabuluhan kung ang naunang kautusan ay kanilang sinunod. Samakatuwid, ang mga alituntunin na sumasaklaw sa Sabbath ay sa Israel lamang ibinigay.—Deuteronomio 5:2, 3, 12-15.
Maselan at Nagpapabigat na mga Kaugalian
Yamang ang Kautusang Mosaiko ay hindi napakadetalyado tungkol sa Sabbath, ang mga rabbi ng lumipas na mga siglo ay gumawa ng maraming pagbabawal, pangunahin na yaong nagbabawal ng lahat ng anyo ng gawain kung Sabbath. Sang-ayon sa Mishnah, ang ibinawal na gawain ay ginrupo sa 39 na pangunahing uri, tulad ng pananahi, pagsusulat, at pagtatrabaho sa bukid. Marami sa mga regulasyong ito ay hindi nakasalig sa Bibliya. Sa pagtukoy sa Mishnah, kinikilala ng Encyclopœdia Judaica na ang mga regulasyon ay mistulang “mga bundok na nakabitin sa isang hibla ng buhok, sapagkat walang gaanong sinasabi sa paksang ito ang Kasulatan ngunit napakarami ang mga alituntunin.”
Ang pagkakapit ng utos na ang isang tao ay hindi dapat “umalis sa kaniyang dako sa ikapitong araw,” isang distansiyang pinakamalayo ang itinakda, at ito ay tinatawag na ang “hangganan ng Sabbath.” Sang-ayon sa ilang pag-uulat, ito’y katumbas ng dalawang libong kubito o mga 900 metro. (Exodo 16:29, King James Version) Gayunman, ang regulasyong ito ay maaaring daanin sa daya upang malusutan: Sa gabing nauna rito, ang mga pagkain para sa Sabbath ay maaaring ilagak sa distansiyang dalawang libo kubito ang layo sa bahay. Ang lokasyong ito ay maaari nang ituring na ekstensiyon ng tahanan ng isang pamilya, at isa pang dalawang libong kubito ang maaaring bilangin buhat sa puntong iyan.
Marami sa gawang-taong mga paghihigpit na ito ang ipinasusunod noong kaarawan ni Jesus. Sa gayon, ang relihiyosong mga lider ay nang-upasala sa kaniyang mga alagad dahilan sa pagpitas ng uhay ng trigo upang kanin habang sila’y dumaraan sa mga bukirin niyaon. Sila’y inakusahan ng paglabag sa Sabbath—ang pangunguha ng uhay ay itinuring na pag-aani, at ang paglugas ay minalas na pagkiskis o paggiling. Maraming beses na tinuligsa ni Jesus ang kanilang sukdulang mga pananaw, sapagkat sila’y may maling pagpapakahulugan sa espiritu ng kautusan ni Jehova.—Mateo 12:1-8; Lucas 13:10-17; 14:1-6; Juan 5:1-16; 9:1-16.
Mula sa Sabbath Kung Sabado Hanggang sa Sabbath Kung Linggo
“Ang mga Linggo ay para sa puspusang paglilingkod sa Diyos.” Iyan ang Ikaapat na Utos tungkol sa Sabbath ayon sa turo ng Iglesya Katolika. Ang inilathala kamakailan sa Pranses na Catéchisme pour adultes ay nagpapaliwanag: “Ang Linggo ng mga Kristiyano ay ipinagdiriwang sa araw pagkatapos ng Sabbath: sa ikawalong araw, na ang ibig sabihin, ang unang araw ng bagong paglalang. Sinusunod nito ang mahalagang mga elemento ng Sabbath ngunit nakasentro sa Paskuwa ni Kristo.” Papaano nga nangyari ang ganitong pagbabago mula sa Sabadong sabbath tungo sa Linggong sabbath?
Bagaman Linggo ang araw nang buhaying-muli si Jesus, para sa sinaunang mga Kristiyano iyon ay isang araw ng pagtatrabaho kagaya ng iba. Subalit isang desisyon ng konsilyo ng iglesya sa Laodicea (kalagitnaan-hanggang-sa may katapusan ng ikaapat na siglo C.E.) ang nagsisiwalat na sa paglipas ng panahon, ang Sabbath ng mga Judio kung Sabado ay hinalinhan ng isang “Kristiyanong” sabbath kung Linggo. Ang regulasyong ito ay “nagbabawal sa mga Kristiyano na makumberte sa Judaismo at maging tamad sa araw ng [Judiong] Sabbath, at ang araw ng Panginoon [ang araw ng sanlinggo nang siya’y buhaying-muli] ay kailangang igalang sa paraang Kristiyano.” Mula noon ang mga nasa Sangkakristiyanuhan ay kinailangang gumawa kung Sabado at huwag magtrabaho kung Linggo. Sa kalaunan, sila’y kinailangang makinig ng Misa kung Linggo.
Sa pagtangkilik ng makasanlibutang awtoridad, ang pagtatrabaho kung Linggo ay hindi nagtagal at ipinagbawal sa buong Sangkakristiyanuhan. Mula nang ikaanim na siglo pasulong, ang mga lumalabag ay pinagmulta o ginulpi, at ang kanilang mga baka ay maaaring kumpiskahin. Kung minsan, ang hindi nagsisising mga nagkasala ay pilit na ginagawang utusan.
Sa isang diwa, ang mga batas sa gawaing pinahihintulutan kung Linggo ay kasinsalimuot ng mga tradisyon na sumasaklaw sa Judiong Sabbath. Ang Dictionnaire de théologie catholique ay nagbibigay ng mahabang paliwanag tungkol sa patakaran ng simbahan at, kabilang sa mga bagay na ipinagbabawal, binabanggit ang trabaho ng utusan, trabahong-bukid, mga gawaing may kinalaman sa batas, mga trabaho sa pamilihan, at pangangaso.
Balintuna, ang Judiong Sabbath ay tinukoy na nagbibigay-matuwid sa mga pagbabawal na ito. Binanggit ng New Catholic Encyclopedia ang mga batas ni Emperador Carlomagno tungkol sa mga Linggo: “Ang idea ng mga Sabadista na tahasang tinanggihan ni San Jerome at kinondena ng Konsilyo ng Orléans noong 538 bilang maka-Judio at di-Kristiyano, ay malinaw na nakalahad sa utos ni Carlomagno noong 789, na nagbabawal ng lahat ng trabaho kung Linggo bilang paglabag [sa Sampung Utos].” Sa gayon, bagaman ikinalugod ng simbahan na makita na ang awtoridad ng pamahalaan ay nagtatakda ng isang araw ng Linggo ng kapahingahan, pinayagan naman nito ang mga awtoridad ng pamahalaan na bigyang-matuwid ang mga pagbabawal na ito salig sa isang legal na pundasyon na tinanggihan nito, samakatuwid baga, ang Kautusang Mosaiko tungkol sa Sabbath.
Isang Di-Makakasulatang Paninindigan
Mga daan-daang taon pa bago noon, ang ilang mga Ama ng Simbahan, at partikular na si Agustin, ay may katuwirang nagpahayag na isang pansamantalang kaayusan ang Sabbath na laan para sa mga Judio. Sa paggawa ng gayon, yaong mga Ama ng Simbahan ay sumunod lamang sa paliwanag ng Kasulatang Griego Kristiyano, samakatuwid nga, na ang Sabbath ay isang mahalagang bahagi ng tipang Kautusan na pinawi ng hain ni Jesus.—Roma 6:14; 7:6; 10:4; Galacia 3:10-14, 24, 25.
Sa kontemporanyong Vocabulaire biblique, ang Protestanteng teologo na si Oscar Cullmann ay sinisipi bilang kumikilala na “dahilan sa si Jesus ay naparito, namatay, at binuhay-muli, ang mga kapistahan sa M[atandang] T[ipan] ay natupad na ngayon, at ang patuloy na pagtupad ng mga ito ay ‘nangangahulugang pagbabalik sa matandang tipan na para bagang hindi naparito si Kristo.’ ” Pagkatapos maisaalang-alang ang makatuwirang puntong ito, posible bang maipagmatuwid ang sapilitang pangingilin ng Sabbath?
Sa ngayon, ang mga awtor na Katoliko ay pangkaraniwang gumagamit ng Gawa 20:7, bilang suporta na tumutukoy sa “unang araw ng sanlinggo” (Linggo), nang si Pablo ay nakisalo ng pagkain sa kaniyang mga kasama. Gayunman, ito ay isa lamang maliit na detalye. Walang sinasabi ang tekstong ito ni ang iba pang mga talata ng Bibliya na ang ulat na ito ay nilayong magsilbing isang halimbawa na dapat sundin ng mga Kristiyano, tiyak na hindi isang obligasyon. Oo, ang pangingilin ng sabbath kung Linggo ay hindi sinusuhayan ng Kasulatan.
Ano ang Kapahingahan ng mga Kristiyano?
Bagaman ang mga Kristiyano ay hindi obligado na mangilin ng isang araw ng kapahingahan sa sanlinggo, gayunman ay inaanyayahan sila na ganapin ang isang naiibang uri ng kapahingahan. Ito ay ipinaliliwanag ni Pablo sa kaniyang kapwa mga Kristiyanong Judio, na nagsasabi: “Kaya may natitira pang isang sabbath na kapahingahan para sa bayan ng Diyos. . . . Kaya gawin natin ang ating buong kaya upang makapasok sa kapahingahang iyan.” (Hebreo 4:4-11) Bago naging mga Kristiyano, ang mga Judiong ito ay buong ingat na sumunod sa Kautusang Mosaiko. Ngayon ay hindi na sila hinihimok ni Pablo na humanap ng kaligtasan sa pamamagitan ng mga gawa kundi sa halip ay “magpahinga” sa kanilang mga gawang patay. Mula ngayon, sila ay kailangang may pananampalataya sa hain ni Jesus, na siyang tanging paraan na ang sangkatauhan ay maaaring maging matuwid sa paningin ng Diyos.
Papaano tayo sa ngayon ay makapagpapakita ng ganiyan ding konsiderasyon sa punto de vista ng Diyos? Tulad ng kanilang mga kapwa-tao, ang mga Saksi ni Jehova, bilang makatuwirang mga tao, ay nagpapahalaga sa lingguhang araw ng kapahingahan buhat sa paghahanapbuhay na ipinatutupad sa maraming bansa. Ito’y nagbibigay sa kanila ng panahon para sa pagsasama-sama ng pamilya at pagpapahinga. Subalit higit pa, ito’y napatunayang mabuting panahon para sa iba pang gawaing Kristiyano. (Efeso 5:15, 16) Kasali na rito ang mga pulong at pakikibahagi sa pangmadlang ministeryo, pagdalaw sa kanilang mga kapitbahay upang bahaginan sila ng impormasyon sa Bibliya tungkol sa nalalapit na panahon na ang sumasampalatayang sangkatauhan ay magtatamasa ng kapayapaan sa buong lupa. Kung nais mong malaman ang tungkol dito, ang mga Saksi ni Jehova ay malulugod na tumulong sa iyo, maging iyon man ay Sabado, Linggo, o anumang ibang araw ng sanlinggo.
[Larawan sa pahina 28]
Lubusang ginanap ni Jesus ang kautusan ng Sabbath, imbes na ang mga tradisyong Judio
[Larawan sa pahina 29]
Ang mga gawaing Kristiyano ay nagbibigay ng kaginhawahan kung mga araw ng kapahingahan buhat sa paghahanapbuhay