Gaano Kawasto ang Kalendaryong Judio?
AYON sa kalendaryong Judio, ang Huwebes, Setyembre 16, 1993, ang kapistahang araw ng Rosh Hashanah. Bilang tradisyon ang shofar, o trumpetang sungay ng tupang lalaki, kung magkagayon ay hinihipan upang ipamalita ang pagpasok ng bagong taon. Ang taong iyon ay 5754 (kalendaryong Judio), at iyon ay mula Setyembre 16, 1993, hanggang Setyembre 5, 1994.
Kaagad-agad, mapapansin natin na may pagkakaiba ng 3,760 taon sa pagitan ng pagbilang ng mga Judio ng panahon at ng kalendaryong Kanluranin, o Gregorian, na ngayon ay karaniwan nang ginagamit. Bakit may ganitong pagkakaiba? At gaano kawasto ang kalendaryong Judio?
Pagtatatag ng Puntong Saligan
Anumang sistema ng pagbilang ng panahon ay kailangang may espesipikong puntong saligan o reperensiya. Halimbawa, binibilang ng Sangkakristiyanuhan ang panahon mula sa taon na ipinagpapalagay na noon isinilang si Jesu-Kristo. Ang mga petsa sapol noon ay sinasabing nasa panahong Kristiyano. Ang mga ito ay kalimitan ipinakikilala sa pamamagitan ng notasyong A.D., galing sa wikang Latin na anno Domini, na ang ibig sabihin ay “sa taon ng Panginoon.” Ang mga petsa bago ng panahong iyon ay minamarkahan ng B.C., “Before Christ” (Bago kay Kristo).a Ang tradisyunal na mga Intsik ay bumibilang din ng panahon mula noong 2698 B.C.E., ang pasimula ng paghahari ng maalamat na si Huang-Ti, ang Dilaw na Emperador. Samakatuwid, ang Pebrero 10, 1994, ang palatandaan ng pagpapasimula ng lunar na taón ng mga Intsik na 4692. Subalit, kumusta naman ang kalendaryong Judio?
Ganito ang sabi ng The Jewish Encyclopedia: “Ang kasalukuyang karaniwang paraan ng mga Judio ng pagtatala sa petsa ng isang pangyayari ay banggitin ang bilang ng mga taon na lumipas sapol nang paglalang sa sanlibutan.” Ang sistemang ito, na kilala ng mga Judio bilang ang Panahon ng Paglalang, ay karaniwang ginamit noong mga ikasiyam na siglo C.E. Sa gayon, ang mga petsa sa kalendaryong Judio ay kadalasan pinangungunahan ng markang A.M. Ang ibig sabihin nito ay anno mundi, na isang pinaikling anyo ng ab creatione mundi, na ang ibig sabihin ay “mula nang paglalang sa sanlibutan.” Yamang ang kasalukuyang taon ay A.M. 5754, ayon sa sistemang ito ng pagbilang ng panahon, “ang paglalang sa sanlibutan” ay itinuturing na naganap 5,753 taon na ang lumipas. Tingnan natin kung papaano natiyak iyan.
“Panahon ng Paglalang”
Ang Encyclopaedia Judaica (1971) ay nagbibigay ng ganitong paliwanag: “Sa iba’t ibang pagkuwenta ng mga rabbi ang ‘Panahon ng Paglalang’ ay nagsimula noong taglagas ng isa sa mga taon sa pagitan ng 3762 at 3758 B.C.E. Gayunman, sapol noong ika-12 siglo C.E., tinanggap na ang ‘Panahon ng Paglalang’ ay nagsimula noong 3761 B.C.E. (sa eksakto, noong Okt. 7 ng taóng iyan). Ang pagkuwentang ito ay nakasalig sa singkronisasyon ng mga elemento sa kronolohiya na ipinahayag sa Bibliya at mga kalkulasyon na masusumpungan sa sinaunang literaturang Judio pagkatapos ng Bibliya.”
Ang sistema ng paglalagay ng petsa mula sa “paglalang sa sanlibutan” ay pangunahing nakasalig sa interpretasyon ng mga rabbi ng pag-uulat sa Bibliya. Dahilan sa kanilang paniniwala na ang sanlibutan at lahat ng naririto ay nilalang sa loob ng anim na literal na 24-oras na mga araw, may palagay ang rabinikong mga iskolar, gayundin yaong sa Sangkakristiyanuhan, na ang paglalang sa unang tao, si Adan, ay naganap sa taón ding iyon ng paglalang sa sanlibutan. Gayunman, ito ay hindi wasto.
Ang unang kabanata ng Genesis ay nagsisimula sa pagsasabi: “Sa pasimula ay nilikha ng Diyos ang mga langit at ang lupa.” Pagkatapos ay inilalarawan niyaon ang ginawa ng Diyos sa anim na sunud-sunod na “mga araw” upang baguhin ang lupa mula sa isang “walang anyo at iláng” na kalagayan tungo sa isang angkop na tirahan para sa mga tao. (Genesis 1:1, 2) Angaw-angaw na taon ang maaaring lumipas sa pagitan ng dalawang yugtong ito. Isa pa, ang mga araw ng paglalang ay hindi 24-oras na mga yugto ng panahon, na para bang ang mga gawain ng Maylikha ay tinatakdaan ng gayong hangganan. Na ang “araw” na iyan sa kontekstong ito ay maaaring mas mahaba kaysa 24 na oras ay ipinakikita ng Genesis 2:4, na bumabanggit sa lahat ng yugto ng panahon sa paglalang bilang isang “araw.” Libu-libong taon ang lumipas sa pagitan ng unang araw ng paglalang at ng ikaanim, nang si Adan ay lalangin. Hindi maka-Kasulatan ni makasiyentipiko man kung ang paglalang kay Adan ay pepetsahan ng kaparehong panahon gaya ng sa pisikal na mga langit at lupa. Gayunpaman, papaano tiniyak na ang “Panahon ng Paglalang” ay nagsimula noong 3761 B.C.E.?
Batayan Para sa Kronolohiya
Nakalulungkot, karamihan ng literaturang Judio na pinagsaligan ng tinukoy na mga pagkuwenta ay hindi na umiiral. Ang nalalabi na lamang ay isang kathang kronolohiko na orihinal na tinawag na Seder ʽOlam (Kaayusan ng Sanlibutan). Ito ay ipinagpapalagay na katha ng iskolar ng Talmud na si Yose ben Halafta noong ikalawang siglo C.E. Ang kathang ito (nang malaunan ay tinawag na Seder ʽOlam Rabbah upang makilala ang kaibahan nito mula sa isang salaysay noong Edad Medya na pinamagatang Seder ʽOlam Zuṭa) ay nagbibigay ng kronolohikong kasaysayan mula kay Adan hanggang sa paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma noong ikalawang siglo C.E. sa ilalim ng huwad na Mesiyas na si Bar Kokhba. Papaano nakakuha ang manunulat ng gayong impormasyon?
Samantalang sinikap ni Yose ben Halafta na sundin ang ulat sa Bibliya, idinagdag niya ang kaniyang sariling interpretasyon kapag ang teksto ay hindi malinaw kung tungkol sa mga petsang nasasangkot. “Malimit, . . . siya’y nagbigay ng mga petsa ayon sa tradisyon, at nagsingit, bukod doon, ng mga kasabihan at mga halakot [tradisyon] ng naunang mga rabbi at ng kaniyang mga kapanahon,” ang sabi ng The Jewish Encyclopedia. Ang iba ay hindi gayong kabait sa kanilang paghatol. Sinasabi ng The Book of Jewish Knowledge: “Siya’y bumilang mula sa Panahon ng Paglalang at, alinsunod dito, iniugnay niya ang inaakalang mga petsa sa iba’t ibang pangyayaring Judio na ipinalalagay na naganap mula kay Adan, ang unang tao, hanggang kay Alejandrong Dakila.” Subalit papaano nakaapekto ang gayong mga interpretasyon at mga isiningit sa kawastuan at pagiging totoo ng kronolohiyang Judio? Tingnan natin.
Mga Tradisyon at mga Interpretasyon
Kasuwato ng tradisyon ng mga rabbi, tinaya ni Yose ben Halafta na ang ikalawang templo sa Jerusalem ay tumagal sa kabuuan ng 420 taon. Ito ay salig sa interpretasyon ng mga rabbi sa hula ni Daniel na “pitumpung sanlinggo,” o 490 taon. (Daniel 9:24) Ang yugtong ito ng panahon ay ikinapit sa pagitan ng pagkawasak ng unang templo at ng pagkagiba ng ikalawa. Kung tatakdaan ng 70 taon ang pagkatapon (ng mga Judio) sa Babilonya, nanghinuha si Yose ben Halafta na ang ikalawang templo ay tumagal ng 420 taon.
Gayunman, ang interpretasyong ito ay napapaharap sa isang malubhang suliranin. Kapuwa ang taon ng pagbagsak ng Babilonya (539 B.C.E.) at yaong pagkawasak ng ikalawang templo (70 C.E.) ay kilaláng mga petsang makasaysayan. Kung gayon, ang panahon ng ikalawang templo ay kailangang maging 606 na taon sa halip na 420 taon. Sa pagtatakda ng 420 taon lamang sa yugtong ito, hindi maipaliwanag ng kronolohiyang Judio ang tungkol sa 186 na taon.
Ang hula ni Daniel ay hindi tungkol sa kung gaano katagal mananatiling nakatayo ang templo sa Jerusalem. Sa halip, inihula niyaon ang panahon ng paglitaw ng Mesiyas. Malinaw na ipinakikita ng hula na “mula sa paglabas ng salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem hanggang sa Mesiyas na Lider, [magkakaroon] ng pitong sanlinggo, gayundin ng animnapu’t-dalawang sanlinggo.” (Daniel 9:25, 26) Nang ilatag ang pundasyon ng templo noong ikalawang taon ng pagbabalik ng mga Judio buhat sa pagkakatapon (536 B.C.E.), ang “salita” na muling itayo ang lunsod ng Jerusalem ay hindi lumabas hanggang noong “ikadalawampung taon ni Artajerjes na hari.” (Nehemias 2:1-8) Itinatatag ng wastong sekular na kasaysayan ang 455 B.C.E. bilang ang taon na iyon. Kung pasulong na bibilang ng 69 na “sanlinggo,” o 483 na taon, tayo’y dadalhin niyaon sa 29 C.E. Iyan ang panahon ng paglitaw ng Mesiyas, sa bautismo ni Jesus.b
Ang isa pang punto ng interpretasyon ng mga rabbi na nagbunga ng isang malaking pagkakaiba sa kronolohiyang Judio ay tungkol sa panahon ng kapanganakan ni Abraham. Idinagdag ng mga rabbi ang mga taon ng sunud-sunod na mga salinlahi na nakaulat sa Genesis 11:10-26 at nagtakda ng 292 taon sa yugto ng panahon mula nang Baha hanggang sa kapanganakan ni Abraham (Abram). Gayunman, ang suliranin ay nasa interpretasyon ng mga rabbi sa Ge 11 talatang 26, na nagsasabi: “Si Tera ay nabuhay pa nang may pitumpung taon, pagkatapos ay naging ama ni Abram, Nahor at Haran.” Mula rito, ipinalalagay ng tradisyong Judio na si Tera ay 70 taóng gulang nang isilang si Abram. Gayunman, hindi espesipikong sinasabi ng talata na si Tera ay naging ama kay Abraham sa edad na 70. Sa halip, sinasabi lamang nito na siya’y naging ama sa tatlong anak na lalaki matapos na siya’y maging 70 taóng gulang.
Upang masumpungan ang tamang edad ni Tera nang ipanganak si Abraham, kailangan lamang na ipagpatuloy natin ang pagbabasa sa salaysay ng Bibliya. Mula Genesis 11:32–12:4, natututuhan natin na pagkamatay ni Tera sa edad na 205, si Abraham at ang kaniyang pamilya ay lumisan sa Haran sa utos ni Jehova. Nang panahong iyan, si Abraham ay 75 taóng gulang. Kung gayon, tiyak na si Abraham ay ipinanganak nang si Tera ay 130 taóng gulang, sa halip na 70. Sa gayon, ang yugto ng panahon mula sa Baha hanggang sa kapanganakan ni Abraham ay 352 taon, sa halip na 292 taon. Dito ang kronolohiyang Judio ay nagkukulang ng 60 taon.
Isang Relihiyosong Relikya
Ang gayong mga kamalian at pagkakaiba sa Seder ʽOlam Rabbah at sa iba pang kronolohikong mga katha sa Talmud ay lumilikha ng maraming kahihiyan at malaking pagtatalo sa gitna ng mga iskolar na Judio. Bagaman gumawa ng maraming pagtatangka upang itugma ang kronolohiyang ito sa kilalang mga pangyayari sa kasaysayan, ang mga ito ay hindi lubusang nagtagumpay. Bakit hindi? “Ang kanilang interes ay hindi gaanong akademiko di-gaya ng relihiyoso,” puna ng Encyclopaedia Judaica. “Kinailangang itaguyod ang tradisyon anuman ang mangyari, lalo na sa harap ng kasalungat na mga sekta.” Sa halip na pawiin ang kalituhan na likha ng kanilang mga tradisyon, tinangka ng ilang iskolar na mga Judio na siraan ang mga ulat sa Bibliya. Sinikap ng iba na makakuha ng suporta buhat sa mga alamat at mga tradisyong Babiloniko, Ehipsiyo, at Hindu.
Kaya naman, hindi na minamalas ng mga istoryador ang “Panahon ng Paglalang” bilang isang mapanghahawakang kronolohikong katha. Kakaunting iskolar na Judio ang magsisikap na ipagtanggol iyon, at maging ang may awtoridad na mga kathang reperensiya gaya ng The Jewish Encyclopedia at Encyclopaedia Judaica ay karaniwan nang may negatibong pangmalas doon. Sa gayon, ang tradisyunal na pamamaraang Judio ng pagbilang ng panahon mula sa paglalang sa sanlibutan ay hindi maaaring malasin na wasto buhat sa pangmalas ng kronolohiya ng Bibliya, ang natutupad na makahulang talaorasan ng Diyos na Jehova.
[Mga talababa]
a Kapuwa ang Biblikal at makasaysayang ebidensiya ay nakaturo sa kapanganakan ni Jesu-Kristo noong taong 2 B.C. Samakatuwid, alang-alang sa kawastuan, pinipili ng marami na gamitin ang mga markang C.E. (Common Era o Karaniwang Panahon) at B.C.E. (Before the Common Era o Bago ng Karaniwang Panahon), at ito ang paraan ng pagpapakilala ng mga petsa sa mga publikasyon ng Samahang Watch Tower.
b Para sa mga detalye, tingnan ang Insight on the Scriptures, Tomo 2, pahina 614-16, 900-902, inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.