Ang mga Saksi ni Jehova sa Buong Daigdig —Nigeria
ANG Nigeria ay nakasiksik sa kurba sa gawing ibaba ng mataas na bahagi sa kanluran ng Aprika. Palibhasa’y nasa Gulpo ng Guinea, nasa hilaga lamang ito ng ekwador at may mahigit sa 88 milyong naninirahan.a
Sa nakaraang dalawang taon ng paglilingkod, ang tanggapang pansangay ng Samahang Watch Tower sa Nigeria ay nagbigay ng natatanging pansin sa mga kabataan. Isang surbey sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang nagpakita na 80 porsiyento niyaong mga nagpasimulang mangaral ng mabuting balita sa Nigeria noong 1992 ay may edad na nasa pagitan ng 10 at 20 taon. Sa mga nabautismuhan sa taóng iyon, 63 porsiyento ay nasa grupo na may ganiyang mga edad.
Ang mga Kabataan ay Nagpapayunir
Maraming kabataan ang pumapasok sa buong-panahong gawaing pangangaral bilang mga payunir. Ganito ang sabi ng isang payunir na nagngangalang Hannah: “Nang matatapos na ako sa aking pag-aaral, dinalaw ko yaong mga nag-aaral sa Pioneer Service School, na kung saan nakilala ko ang dalawang matatandang sister. Naisip ko, ‘Kung ang dalawang iyon ay nakapagpapayunir, bakit ako’y hindi?’
“Kaya nang makatapos ako sa paaralan, ako ay naging payunir. Pagkaraan ng tatlong buwan ay nakilala ko ang 26-na-taóng-gulang na si Josephine, na isang mananamba ng juju. Ang sabi niya: ‘Kayong mga Saksi ni Jehova ay masasamang tao. Hindi kayo nagdiriwang ng Pasko o gumagamit man ng mga anting-anting.’ Bilang tugon sinabi ko na kung pahihintulutan niya akong makipag-aral sa kaniya ng Bibliya, malalaman niya kung bakit hindi natin ginagawa ang mga bagay na iyon. Ako’y inanyayahan niyang bumalik. Di-nagtagal ay nagsimula siyang dumalo sa mga pulong at gumawa ng maraming pagbabago sa kaniyang buhay. Nabautismuhan siya noong Disyembre 1990. Sapol noong Agosto 1991, isa nang payunir si Josephine. Nang mag-aral siya sa Pioneer Service School noong nakaraang taon, ipinakilala niya ako sa kaniyang mga kaklase bilang ang kaniyang espirituwal na ina!”
Ang Video at ang Kingdom Hall
Ang isa sa mga video recording ng Samahan ay nakatulong sa isang maliit na kongregasyon upang makakuha ng lupa para sa isang Kingdom Hall. Sa paghahanap ng mabibiling lupa, apat na kapatid ang lumapit sa Onojie, ang tradisyunal na tagapamahala sa lugar na iyon. Inalok niya sa kanila ang isang lote sa halagang 20,000 naira ($1,025, E.U.). Hindi kaya ng kongregasyon na magbayad ng ganiyang halaga, yamang mayroon lamang 17 mamamahayag upang tumustos sa proyekto. Kaya sinabi ng Onojie na mag-iisip pa siya ng ibang lugar.
Pagkalipas ng mga ilang buwan, dinalaw ng isa sa mga matanda sa kongregasyon ang tirahan ng Onojie. Ang Onojie ay nanonood ng video recording ng kaniyang koronasyon. Sinabi ng matanda: “Mayroon akong isang video na ibig kong mapanood mo. Ito ay tinatawag na Jehovah’s Witnesses—The Organization Behind the Name.”
Nang malaunan, tinanong ng matanda kung ano ang masasabi ng Onojie tungkol sa video. “Pinanood ko ang pelikula nang limang beses,” ang sabi ng Onojie. Ipinaalaala ng matanda sa Onojie ang mga Kingdom Hall na nakita niya sa video at ipinaliwanag niya na ang lokal na kongregasyon ay nagnanais magtayo ng isang katulad niyaon. Pagkatapos ay itinanong niya kung maaaring bilhin ng kongregasyon ang lupa na katabi ng maliit na loteng pag-aari na nito. Sumagot ang Onojie: “Kagabi pagkatapos na mapanood ang video, ganiyan din ang naisip ko.” Noon din, sumukat siya ng anim na metro mula sa lote na katabi ng pag-aari ng kongregasyon. “Maaari ninyong makuha ito,” ang sabi niya. “Kung pahaba, makukuha ninyo ang hanggang sa kailangan ninyo. Ihanda ninyo ang mga dokumento, at pipirmahan ko ang mga iyon.”
[Talababa]
a Para sa karagdagang impormasyon, tingnan ang 1994 Calendar of Jehovah’s Witnesses.
[Kahon sa pahina 9]
LARAWAN NG BANSA
1993 Taon ng Paglilingkod
PINAKAMATAAS NA BILANG NG NAGPAPATOTOO: 174,582
KATUMBASAN: 1 Saksi sa 507
DUMALO SA MEMORYAL: 473,245
ABERIDS MAMAMAHAYAG NA PAYUNIR: 19,777
ABERIDS PAG-AARAL SA BIBLIYA: 242,028
BILANG NG NABAUTISMUHAN: 8,888
BILANG NG MGA KONGREGASYON: 3,289
TANGGAPANG PANSANGAY: BENIN CITY, EDO STATE