Anong Kabutihan ang Ibubunga ng Pag-uusap Tungkol sa Relihiyon?
SABIK na sabik ang mga magulang sa paghihintay sa mga unang salita na bibigkasin ng kanilang sanggol. Kapag narinig nila ang inuulit na pantig sa gitna ng mga laguklok, marahil ng “Mama” o “Dada,” nag-uumapaw sa kaligayahan ang kanilang mga puso. Agad nilang ibinabalita ito sa mga kaibigan at kapitbahay. Ang mga unang salita ng sanggol ay tunay ngang kalugud-lugod na mabuting balita.
Ang mga tunog, tanawin, at mga halimuyak na natatanggap ng mga pandamdam ng sanggol ay nag-uudyok ng tugon. Sabihin pa, nagkakaiba-iba ang mga pagtugon. Subalit kung, pagkaraan ng isang yugto ng panahon, ang sanggol ay hindi tumugon sa gayong mga pangganyak, wasto lamang na mabahala ang mga magulang na maaaring may depekto ang paglaki ng kanilang anak.
Gustung-gusto ng mga sanggol ang mga taong kilala nila. Kapag kinakalong ng ina ang sanggol, karaniwan nang napapangiti ito. Gayunman, ang haplos ng isang dumadalaw na kamag-anak ay maaaring maging sanhi ng pag-iyak nito, maging ang mahigpit na pagtanggi nitong hawakan ng isang iyon. Karamihan ng mga kamag-anak na nakararanas nito ay hindi sumusuko. Habang lalo silang nakikilala ng sanggol, nasisiyahan sila kapag naaalis ang hadlang ng pagiging di-kilala, at unti-unti nang ngumingiti ang sanggol.
Gayundin naman, atubili ang maraming adulto na hayagang ipakipag-usap ang kanilang mga relihiyosong paniniwala sa isa na hindi nila kakilala nang matagal. Maaaring hindi nila maunawaan kung bakit nanaisin ng isang di-kilala na pag-usapan ang isang personal na bagay—ang relihiyon. Bunga nito ay hinahayaan nilang magkaroon ng hadlang sa pagitan nila at niyaong nagsasalita tungkol sa Maylikha. Tumatanggi pa nga silang pag-usapan ang isang bagay, na kung tutuusin, likas na katangian ng sangkatauhan, ang hangaring sumamba.
Ang totoo, dapat tayong maging interesado na matuto tungkol sa ating Maylikha, at ang pakikipag-usap sa iba ay naglalagay sa atin sa kalagayan upang matuto. Gayon nga sapagkat ang Diyos ay matagal nang iniugnay sa bukás na pakikipagtalastasan. Tingnan natin kung papaano.
‘Makinig at Matuto’
Ang unang pakikipag-usap ng Diyos sa tao ay kay Adan sa halamanan ng Eden. Subalit, pagkaraang magkasala nina Adan at Eva, mas ginusto nilang magtago nang tawagin sila ng Diyos, nang ibig niyang makipag-usap pa sa kanila. (Genesis 3:8-13) Gayunman, iniulat ng Bibliya ang mga detalye tungkol sa mga lalaki at babae na pinahalagahan ang pakikipagtalastasan sa Diyos.
Ipinatalastas ng Diyos kay Noe ang tungkol sa napipintong kapuksaan ng balakyot na sanlibutan noong kaniyang kaarawan, na kung saan si Noe ay naging “isang mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Bilang tagapagsalita ng Diyos sa kaniyang salinlahi, hindi lamang nagpamalas ng pananampalataya si Noe sa mga pakikitungo ng Diyos sa tao kundi hayagang ipinahayag din ang kaniyang sarili bilang nasa panig ni Jehova. Anong tugon ang napansin ni Noe? Nakalulungkot, karamihan sa kaniyang mga kapanahon ay “hindi nagbigay-pansin hanggang sa dumating ang baha at tinangay silang lahat.” (Mateo 24:37-39) Ngunit mabuti na lamang para sa atin, pitong miyembro ng pamilya ni Noe ang nakinig, sumunod sa tagubilin ng Diyos, at nakaligtas sa pangglobong Delubyo. Sila ang ninuno ng lahat ng taong nabubuhay ngayon.
Nang maglaon, nakipagtalastasan ang Diyos sa isang buong bansa ng mga tao, ang sinaunang Israel. Sa pamamagitan ni Moises, ibinigay sa kanila ng Diyos ang Sampung Utos at humigit-kumulang 600 iba pang kailangang mga batas. Umasa si Jehova na susundin ng mga Israelita ang lahat ng mga ito. Iniutos ni Moises na tuwing ikapitong taon, sa panahon ng taunang Kapistahan ng mga Kubol, ang Batas ng Diyos ay dapat na basahin nang malakas. “Pisanin mo ang bayan,” ang tagubilin niya, “ang mga lalaki at ang mga babae at mga bata at ang iyong kasamang mga tagaibang bayan na nasa iyong mga pintuan.” Sa anong layunin? “Upang sila’y makinig at upang sila’y matuto, sapagkat sila’y kailangang matakot kay Jehovang inyong Diyos at ingatang tuparin ang lahat ng salita ng batas na ito.” Lahat ay kailangang makinig at matuto. Gunigunihin ang kanilang kasiyahan sa pag-uusap tungkol sa kanilang narinig!—Deuteronomio 31:10-12.
Pagkaraan ng mahigit na limang siglo, inorganisa ng hari ng Juda na si Josapat ang mga prinsipe at mga Levita para sa isang kampanya na isauli ang dalisay na pagsamba kay Jehova. Naglakbay ang mga lalaking ito sa lahat ng lunsod ng Juda habang itinuturo sa mga mamamayan ang mga batas ni Jehova. Sa pagpapangyaring mapag-usapan nang hayagan ang mga ito, ipinamalas ng hari ang kaniyang sigasig ukol sa tunay na pagsamba. Kung tungkol sa kaniyang mga sakop, sila’y dapat na makinig at matuto.—2 Cronica 17:1-6, 9.
Pagpapatotoo sa Pamamagitan ng Pag-uusap
Isinugo ng Diyos ang kaniyang sariling Anak, si Jesus, sa lupa upang magsilbing Kaniyang Tagapagsalita. (Juan 1:14) Habang nasasaksihan ng tatlong alagad ni Jesus ang pagbabagong-anyo niya sa harap nila, narinig nila ang tinig mismo ng Diyos na nagpapahayag: “Ito ang aking Anak, ang iniibig, na aking sinang-ayunan; makinig kayo sa kaniya.” (Mateo 17:5) Sila’y kusang sumunod.
Gayundin naman, iniutos ni Jesus sa kaniyang mga apostol na ihayag ang mga layunin ng Diyos sa iba. Ngunit nang aanim na buwan na lamang ang nalalabi sa ministeryo sa lupa, ipinaalam ni Jesus na gayon na lamang kalawak ang gawaing pangangaral ng Kaharian ng mga langit anupat higit pang mga alagad ang kakailanganin. Tinuruan niya ang 70 sa kanila kung papaano ipakikipag-usap sa mga di-kilala ang tungkol sa Kaharian ng Diyos at pagkatapos ay isinugo sila upang palaganapin ang mensaheng iyan sa madla. (Lucas 10:1, 2, 9) Sandali na lamang bago siya bumalik sa kaniyang Ama sa langit, hinimok ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manguna sa pakikipag-usap sa iba tungkol sa mensaheng ito, na iniutos pa nga sa kanila: “Humayo kayo samakatuwid at gumawa ng mga alagad sa mga tao ng lahat ng mga bansa, . . . na itinuturo sa kanila na tuparin ang lahat ng mga bagay na iniutos ko sa inyo.” (Mateo 28:19, 20) Sa buong daigdig, tinutupad ng tunay na mga Kristiyano ngayon ang atas na iyan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa kanilang kapuwa ng tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Sa pamamagitan ng mga usapang ito ay nakapagpapatotoo sila sa katotohanan tungkol sa Maylikha, si Jehova.—Mateo 24:14.
Mahinahon, Nakapagpapatibay na mga Pag-uusap
Papaano ipakikipag-usap sa iba ng mga alagad ni Jesus ang kanilang mga paniniwala? Hindi nila kailangang galitin ang mga mananalansang, ni kailangan man nilang makipagtalo sa mga mananalansang. Sa halip, kailangang hanapin nila yaong tumatanggap ng mabuting balita at saka iharap ang maka-Kasulatang katibayan bilang alalay nito. Mangyari pa, pinagmasdan ng Diyos ang tugon ng mga nakausap ng mga alagad ng kaniyang Anak, gaya ng ipinahayag ni Jesus: “Siya na tumatanggap sa inyo ay tumatanggap din sa akin, at siya na tumatanggap sa akin ay tumatanggap din sa kaniya na nagsugo sa akin.” (Mateo 10:40) Isa nga itong mariing pagtanggi nang ang karamihan sa mga kapanahon ni Jesus ay tumanggi sa kaniyang mensahe!
“Ang alipin ng Panginoon ay hindi kailangang makipag-away,” ang payo ng Kristiyanong apostol na si Pablo. Sa halip, siya’y “kailangang maging banayad sa lahat, kuwalipikado na magturo, nagpipigil sa ilalim ng kasamaan, nagtuturo nang may kahinahunan doon sa mga hindi nakahilig sa pagsang-ayon; baka bigyan sila ng Diyos ng pagsisisi na umaakay sa isang tumpak na kaalaman ng katotohanan.” (2 Timoteo 2:24, 25) Isang mainam na halimbawa ang paraan ng paghahayag ni Pablo ng mabuting balita sa mga tao sa Atenas, Gresya. Nakipagkatuwiranan siya sa mga Judio sa kanilang sinagoga. Araw-araw sa pamilihang-dako ay nakipag-usap siya “sa mga nagkataong nasa malapit.” Bagaman walang alinlangan na ang ilan ay gusto lamang makinig sa mga bagong idea, si Pablo ay nagsalita nang tuwiran at sa magiliw na paraan. Ipinakipag-usap niya sa kaniyang mga tagapakinig ang mensahe ng Diyos, na humihimok sa kanila na magsisi. Ang kanilang tugon ay halos kagaya rin ng tugon ng mga tao sa ngayon. “Ang ilan ay nagpasimulang manlibak, samantalang ang iba ay nagsabi: ‘Pakikinggan ka namin tungkol dito sa iba pang pagkakataon.’ ” Hindi na pinahaba pa ni Pablo ang pag-uusap. Yamang naipangaral na ang kaniyang mensahe, siya ay “umalis sa gitna nila.”—Gawa 17:16-34.
Nang dakong huli, sinabi ni Pablo sa mga miyembro ng Kristiyanong kongregasyon sa Efeso na ‘hindi niya ipinagkait ang pagsasabi ng anuman sa mga bagay na kapaki-pakinabang ni sa pagtuturo nang hayagan at sa bahay-bahay.’ At saka, siya’y ‘lubusang nagpatotoo kapuwa sa mga Judio at mga Griego tungkol sa pagsisisi sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesus.’—Gawa 20:20, 21.
Isinisiwalat ng maka-Kasulatang mga halimbawang ito kung papaano ipinakipag-usap ng tapat na mga lingkod ng Diyos noong panahon ng Bibliya ang tungkol sa relihiyon. Gayundin sa ngayon, masunuring ipinakikipag-usap ng mga Saksi ni Jehova ang relihiyon sa kanilang kapuwa.
Mabubungang Pag-uusap
‘Pakinggan ang Salita ng Diyos.’ ‘Dinggin ang kaniyang mga utos.’ Kay-dalas na lumilitaw ang gayong mga payo sa Bibliya! Makatutugon ka sa mga tagubiling ito sa Bibliya sa susunod na pagkakataong makipag-usap sa iyo ang mga Saksi ni Jehova. Pakinggan ang mensaheng dala nila sa iyo buhat sa Bibliya. Hindi makapulitika ang mensaheng ito kundi nagtataguyod ng isang makalangit na pamahalaan ng Diyos, ang kaniyang Kaharian. Ito ang paraan ng Diyos sa pag-aalis ng mga sanhi ng mga alitan sa kasalukuyan. (Daniel 2:44) Pagkatapos ay isasaayos ng pamamahalang ito ng Diyos mula sa langit na ang buong lupa ay baguhin tungo sa isang paraiso gaya ng hardin ng Eden.
Isang dating detektib ng pulisya ang madalas na tumangging makinig kapag nakikipag-usap sa kaniya ang mga Saksi ni Jehova tungkol sa Bibliya. Ngunit dahil sa pagdami ng krimen na kailangang harapin niya, nasiphayo siya sa buhay. Kaya sinabi niya sa Saksing sumunod na dumalaw na susuriin niya ang ebidensiya para sa mensahe ng Bibliya. Sumunod ang regular na talakayan. Bagaman maraming beses na lumipat ng tirahan ang pulis, malugod na hinanap siya ng mga Saksi sa bawat bagong lokasyon upang maipagpatuloy ang mga talakayan. Sa wakas ay inamin ng opisyal: “Ang ebidensiyang hinahanap ko ay naroon lamang pala sa Banal na Kasulatan mismo. Kung hindi nagtiyaga ang mga Saksing iyon sa pakikipag-usap sa akin, baka naroroon pa rin ako at nag-iisip kung ano talaga ang kahulugan ng buhay. Ang totoo, natutuhan ko na ang katotohanan, at gagamitin ko ang natitirang bahagi ng aking mga araw sa paghahanap sa iba na naghahanap sa Diyos kagaya ko noon.”
Tunay na ibig ng interesadong mga tagapakinig na makaalam pa ng higit. Wasto lamang na asahan nila ang mga katuwiran sa mga paniniwalang inihaharap. (1 Pedro 3:15) Kung papaanong pinauulanan ng isang bata ng mga tanong ang kaniyang mga magulang at inaasahang sasagutin nila, wasto lamang na asahan mo ang mga Saksi na magbigay sa iyo ng makatuwirang mga sagot. Makatitiyak ka na sila’y malugod na babalik at ipakikipag-usap pa nang higit ang mensahe ng Bibliya sa iyo.
Baka mayroon ka nang kaunting kaalaman tungkol sa Bibliya. Maaaring natatanto mo na ang inaasahan sa iyo ng Diyos ay humihingi ng ilang pagbabago sa paraan ng iyong pamumuhay. Huwag mag-atubiling ituloy ang mga bagay-bagay dahil sa pangambang magiging mahirap para sa iyo ang mga kahilingan ng Diyos. Ang mga ito ay magdudulot lamang ng tunay na kaligayahan. Mapahahalagahan mo ito habang unti-unti kang sumusulong.
Una sa lahat, isaalang-alang kung sino si Jehova, ano ang inaasahan niya sa iyo, at ano ang iniaalok niya. Hilingin sa mga Saksi na ipakita sa iyo kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito. Suriin ang sinasabi nila sa iyong sariling kopya ng Bibliya. Habang nakikilala mo na ang mga Saksi ay makatuwiran sa kanilang inihaharap bilang ang siyang katotohanan tungkol sa relihiyon, tiyak na nanaisin mong saliksikin ang marami pang maiinam na bagay na maibabahagi nila sa iyo mula sa Kasulatan.—Kawikaan 27:17.
Ikaw ay inaanyayahang mag-obserba sa mga Saksi sa kanilang lokal na mga dakong pulungan, ang Kingdom Hall. Makaririnig ka roon ng kapaki-pakinabang na mga pagtalakay sa Salita ng Diyos. Makikita mo kung papaanong nasisiyahan ang mga naroroon na ipakipag-usap sa isa’t isa ang tungkol sa mga layunin ng Diyos. Hayaan mong tulungan ka ng mga Saksing ito na matuto ng katotohanan tungkol sa kalooban ng Diyos para sa atin sa ngayon. Tugunin ang paanyaya ng Diyos na pag-usapan ang tunay na pagsamba at tanggapin ang kaniyang ngiti ng pagsang-ayon, maging ang buhay na walang-hanggan sa Paraiso.—Malakias 3:16; Juan 17:3.
[Larawan sa pahina 5]
Hayagang nagsalita si Noe tungkol sa layunin ng Diyos
[Mga larawan sa pahina 7]
Gaya ng ginawa ni Pablo sa sinaunang Atenas, itinuturo ng mga Saksi ni Jehova ang katotohanan ng Bibliya sa iba