Relihiyon—Isa Bang Bawal na Paksa?
“DALAWANG paksa ang hindi ko kailanman ipinakikipag-usap: relihiyon at pulitika!” Iyan ang kadalasang tugon kapag nakikipag-usap ang mga Saksi ni Jehova sa iba tungkol sa Bibliya. At mauunawaan naman ang dahilan sa ganiyang pangmalas.
Kapag pinagtatalunan ng mga tao ang pulitika, maaaring sumiklab ang galit at kasunod naman ang pag-aaway. Nahahalata ng marami ang walang-kabuluhang mga pangako at natatanto na ang mga pulitiko ay kalimitang naghahangad lamang ng kapangyarihan, katanyagan, at salapi. Nakalulungkot, kung minsan ay humahantong sa karahasan ang mga di-pagkakaunawaan sa pulitika.
‘Ngunit,’ baka ikatuwiran mo, ‘hindi ba totoo rin iyan kung tungkol sa relihiyon? Hindi ba ang sigasig sa relihiyon ang nagpaalab ng maraming alitan sa kasalukuyang panahon?’ Sa Hilagang Ireland, matagal nang naglalabanan ang mga Romano Katoliko at mga Protestante. Sa Balkans, ang mga miyembro ng Eastern Orthodox Church, mga Romano Katoliko, at iba pa ay nag-aagawan sa teritoryo. Ang resulta? Mga kalupitan at patuloy na pagkakapootan.
Palibhasa’y nakaharap sa banta ng kamatayan, marami ang nagtatangkang ikubli ang personal na mga paniniwala nila at yaong sa kanilang pamilya. Sa Aprika, ang daan-daang taon ng relihiyosong labanan sa pagitan ng mga tao ng Sangkakristiyanuhan, at mga tagapagtaguyod ng ibang banyaga gayundin ang mga relihiyong panlipi ay nag-udyok sa mga magulang na bigyan ang kanilang mga anak ng dalawang pangalang naglalaan ng isang antas ng proteksiyon, isang kaugalian na umiiral pa rin sa ngayon. Kaya naman, ang isang batang lalaki ay maaaring magpakilala alinman bilang isang miyembro ng simbahan o nagtataglay ng ibang relihiyon sa pamamagitan ng paggamit ng isa sa kaniyang mga pangalan. Kapag maaaring mawalan ng buhay ang isang tao dahil sa kaniyang mga paniniwalang relihiyoso, hindi nga nakapagtataka na nag-aatubili siyang makipag-usap nang hayagan tungkol sa relihiyon.
Para naman sa iba, isang bawal na paksa pa rin ang relihiyon kahit na hindi nanganganib ang kanilang buhay. Nangangamba sila na ang pakikipag-usap sa hindi nila karelihiyon ng tungkol sa kanilang mga paniniwala ay aakay sa isang walang-kabuluhang pagtatalo. Gayunma’y naniniwala pa rin ang iba na ang lahat ng relihiyon ay mabuti. Hangga’t nasisiyahan ang isang tao sa kaniyang paniniwala, sabi nila, walang-saysay na pag-usapan pa ang mga pagkakaiba.
Maging ang seryosong mga estudyante ng katangian ng relihiyon ay nagkakasalungatan. Sa artikulo nito na “The Study and Classification of Religions,” kinilala ng The New Encyclopædia Britannica na: “Madalang . . . na magkaroon ng pagkakasundo sa gitna ng mga iskolar tungkol sa katangian ng [relihiyon] . . . Kaya naman, sa buong kasaysayan nito, ang paksa ay nagsasangkot ng kontrobersiya.”
Binigyang-katuturan ng isang diksiyunaryo ang relihiyon bilang “ang kapahayagan ng paniniwala ng tao sa at pagpipitagan sa isang nakatataas-sa-taong kapangyarihan na kinikilala bilang ang maylikha at tagapamahala ng sansinukob.” Mangangahulugan ito na ang relihiyon ay gaganap ng mahalagang papel sa buhay. Totoo naman, ang relihiyon ay naging isang pangkalahatang salik sa pag-ugit sa kasaysayan ng tao. “Hindi pa nagkaroon ng lipunan,” binanggit ng Oxford Illustrated Encyclopedia of Peoples and Cultures, “na hindi nagsikap magbigay ng kaayusan at kahulugan sa buhay sa pamamagitan ng isang anyo ng relihiyon.” Palibhasa’y nasasangkot ang mga pangunahing bagay tulad ng “kaayusan” at “kahulugan” sa buhay, tiyak na ang relihiyon ay karapat-dapat sa higit pa kaysa pagtatalo o debate lamang. Sa halip, karapat-dapat itong pag-usapan—samakatuwid nga, lubusang isaalang-alang—kasama ng iba. Ngunit kasama nino, at anong kabutihan ang ibubunga ng paggawa nito?