Napipinto Na ang Kagalakan Para sa Kanila na Nakasusumpong ng Katotohanan
SA KANIYANG attic (isang silid sa pagitan ng kisame at bubungan), natagpuan ng isang lalaking taga-Finland ang aklat na The Divine Plan of the Ages. Sinimulan niyang basahin iyon karaka-raka at di-nagtagal ay sinabi sa kaniyang sarili, ‘Ito ang katotohanan; ito ang katotohanan.’ Sa pagbaba buhat sa attic, sinabi niya sa kaniyang maybahay, “Natagpuan ko na ang tunay na relihiyon.”
Ang karanasang ito ay di-pangkaraniwan sa paraan ng pagkasumpong ng lalaking ito sa katotohanan, ngunit mailalahad ng marami sa mga Saksi ni Jehova ang nahahawig na reaksiyon. Lahat sila ay makapagsasabi sa iyo tungkol sa kagalakan na idinudulot ng pagkasumpong ng katotohanan. Itinatampok ito ng sumusunod na mga karanasan.
Nagdudulot ng Kagalakan ang Tunay na mga Turo ng Bibliya
Si Margarita Königer ay lumaki sa Munich, Alemanya, noong panahon ng Digmaang Pandaigdig II. Pangkaraniwang tanawin ang binomba at nasusunog na mga bahay. Nasawi sa digmaan ang kaniyang kapatid na lalaki. Sa pagdalo niya sa mga serbisyo ng simbahang Katoliko, napakinggan niya ang mga panalangin na binigkas para sa mga sundalong Aleman at sa führer, si Hitler. Pagkatapos ng digmaan, nakatanggap siya ng iskolarsip upang makapag-aral sa isang kolehiyo sa Estados Unidos bilang bahagi ng isang student-exchange program. Nasumpungan niyang ang mga tao ay palakaibigan sa kaniya, kaya nagtaka siya kung ano ang waring nagtulak sa mga tao, na ang likas na hangarin ay mamuhay sa kapayapaan, upang paghinalaan at kapootan ang isa’t isa sa panahon ng digmaan. Sa pagbabalik sa Munich, natagpuan siya ng mga Saksi ni Jehova, at sa pamamagitan ng pakikipag-aral ng Bibliya sa kanila, nasumpungan niya ang mga sagot sa kaniyang mga katanungan. Sabi niya: “Ipinakita sa akin buhat sa Bibliya na nasasangkot ang masasamang espiritu . . . Tinatawag sila ng Bibliya na ‘mga tagapamahala ng sanlibutan,’ at, sa katunayan, sinasabi na si Satanas ‘ang dumadaya sa buong tinatahanang lupa.’ . . . Kung ibabatay sa di-maka-Diyos, makadiyablong pagkilos ng mga bansa at mga bayan, makatuwiran at kasiya-siya nga ang sagot na ito!”—Efeso 6:12; Apocalipsis 12:9.
Nagpatuloy si Margarita: “Nagdulot sa akin ng malaking kagalakan ang malaman ang tungkol sa paglalaan ng Diyos para sa paglutas ng mga suliranin sa lupa. Hindi, hindi iyon sa pamamagitan ng isang ideolohiya o pangangasiwa ng tao, gaya ng iminumungkahi ng makasanlibutang mga edukador. Sa halip, ipinakikita ng Bibliya na isang bagong makalangit na pamahalaan ang magpapatakbo ng mga bagay-bagay sa lupa. . . . Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na manalangin: ‘Dumating nawa ang iyong kaharian.’ . . . Nagsimulang maunawaan ko na ang kahariang ito ay isang tunay na pamahalaan at na tanging sa pamamagitan lamang nito matatamo ang totoo at pambuong-daigdig na kapayapaan.” Sa loob ng halos 30 taon, naglingkod si Margarita bilang isang misyonera sa mga limang bansang Aprikano—ang huling 19 na taon ay ginugugol sa paghahayag ng katotohanan sa mapagpakumbabang mga tao sa Ouagadougou, Burkina Faso.
Hindi kakaiba ang karanasan ni Margarita. Marami ang kumilos din nang may pagkapositibo nang masumpungan nila na ang klero ng Sangkakristiyanuhan ay nananalangin sa Diyos ukol sa tagumpay sa magkabilang panig ng mga labanan. Nakikita ng mga tapat-puso ang pagkamakatuwiran ng paliwanag ng Bibliya na ang Diyos ay walang kinalaman sa mga digmaan ng tao kundi ang mga ito ay nangyayari dahil sa “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” Natututuhan ng mga tagapaghanap na ito ng katotohanan na ang tunay na mga Kristiyano ay dapat na “hindi bahagi ng sanlibutan” kundi manatiling walang pinapanigan sa mga pamamalakad nito. Palibhasa’y nakilala na ganito ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova, naging kumbinsido ang mga bagong interesadong ito na nasumpungan na nila ang katotohanan. Sila ay sumusulong sa pag-asa at kagalakan habang nagtatamo sila ng lumalaking kaalaman kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang kasamaan at kung papaanong di na magtatagal ay pangyayarihin niya ang mapayapa at matuwid na mga kalagayan sa lupa sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian.—1 Juan 5:19; Juan 17:16; Mateo 6:9, 10.
Nagdudulot ng Kagalakan ang Tunay na mga Simulain sa Bibliya
Nadama ni Daniel Rosero ng Ecuador na ang buhay ay walang-kabuluhan, kaya nagsimula siyang maglasing. Itinuro sa kaniya ng relihiyong kinaaaniban niya na ang tanging bagay na maaasahan niya ay ang kamatayan at maapoy na impiyerno. Sumagot siya, “Masusunog naman ako, kaya pabayaan ninyo akong uminom!” Walo ang miyembro ng kaniyang pamilya na pinababayaan na niya, at lagi siyang nakikipag-away sa kaniyang asawa, si Delia. Isang malaking pagbabago ang naganap isang Linggo ng umaga nang dalawin sila ng mga Saksi ni Jehova at magsimulang makipag-aral ng Bibliya. Sa unang pagkakataon na makadalo si Daniel sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova, natanto niya na natagpuan na niya ang katotohanan. Sabi niya: “Namangha ako sa kaayusan. Nagkakasundo ang mga tao, ang marami sa kanila. Madarama mo ang pag-ibig sa karamihan. Walang naninigarilyo. Walang malalaswang pananalita. . . . Nagunita ko pa nang maisip ko, ‘Ito ang katotohanan!’ Hindi ang takot sa kamatayan o takot sa katapusan ng sanlibutan ang nagpakilos sa akin. Iyon ay ang kalinisan ng organisasyon.”
Naging mga Saksi ni Jehova ang buong pamilyang Rosero. Bumuti ang kanilang buhay pampamilya at ang kanilang kalagayan sa kabuhayan habang ikinakapit nila ang mga simulain sa Bibliya. Ganito ang sabi ni Delia Rosero: “Alam ninyong utang kong lahat ito sa katotohanan ng Bibliya. Malay natin kung saan mapupunta ang aking mga anak kung wala ang Salita ng Diyos? Silang lahat na pito ay bautisado na at matatag. Ang katotohanan ay nangahulugan ng isang lubusang bagong buhay, bagong kaligayahan, para sa akin.”
Hindi kakaiba ang karanasan ng pamilyang Rosero. Marami sa ating panahon ang nililigalig ng mga suliranin. Isang dahilan ang pangkaraniwang kawalang-galang sa mga pamantayan sa moral na nasa Bibliya, di gaya ng naunang mga salinlahi. Sinunod ng karamihan ng relihiyon ang ganitong kalakaran, alinman sa ngalan ng pagpaparaya o dahil sa nadarama nila na dahil sa nagbabagong panahon ang dating moral ay lipas na. Kaya, tulad ng iba, ang mga Rosero ay naiwang nag-aapuhap nang walang patnubay ng Bibliya. Gayunman, kapag naunawaan ng gayong mapagpakumbabang mga tao ang pangmalas ng Diyos sa moral at buhay pampamilya, walang-pagpapalibang ikinakapit nila ang kanilang natututuhan. Buhat sa kanilang mga kasaysayan ay makikita natin ang kabutihan sa paggawa nito.
Kailangang Linangin ang Kagalakan
Gayunman, hindi ito nangangahulugan na ang isang Kristiyano ay palaging nasa masayang kalagayan. Maliwanag, apektado rin ang mga Kristiyano ng mga suliranin na nakaharap sa mga tao sa pangkalahatan, tulad ng kawalan ng trabaho, pagkakasakit, at kamatayan. Kailangan ding makipagpunyagi nang patuluyan ang mga Kristiyano laban sa kanilang sariling di-kasakdalan at mga kahinaan. Sinasabi ng ulat sa Bibliya na si Lot ay “lubhang nabagabag sa pagpapakasasa ng mga taong sumasalansang-sa-batas sa mahalay na paggawi” sa lunsod ng Sodoma. Hindi maiiwasan ng tapat na mga Kristiyano ang makadama rin ng gayon kapag nakikitang nangingibabaw ang masasamang kalagayan.—2 Pedro 2:7, 8.
Gayunpaman, nakahihigit yaong nakasumpong ng katotohanan. Halimbawa, ang isang mananampalataya na nagdadalamhati dahil sa isang taong namatay ay hindi kailangang “malumbay gaya rin ng iba na walang pag-asa.” May hangganan ang kaniyang pagdadalamhati. Totoo rin ito kung tungkol sa iba pang suliranin. Alam ng taong nakasumpong ng katotohanan na pansamantala lamang ang kasalukuyang mga paghihirap. Dahil sa pag-asa ay nagiging mas madali na magtiis sa ilalim ng mga kahirapan. Nakatutulong din ang isang timbang na istilo ng pamumuhay.—1 Tesalonica 4:13.
Ibinigay ni Pablo ang ganitong payo sa mga Kristiyano: “Magsaya kayong lagi sa Panginoon. Minsan pa ay sasabihin ko, Magsaya kayo!” (Filipos 4:4) Ipinakikita nito na samantalang makakamtan nating lahat ang kagalakan, posible rin na hindi magtaglay nito. Ang mga kabalisahan ng matandang sistemang ito ng mga bagay ay maaaring mapatunayang isang hadlang. Karagdagan pa, sinasabi sa atin ng Bibliya na kailangan nating linangin ang kagalakan, na isa sa mga bunga ng espiritu ng Diyos. (Galacia 5:22) Kung patuloy na kukuha ka ng kaalaman sa katotohanan at ipapaalaala sa iyong sarili ang espirituwal na kayamanan na idinulot nito at idudulot pa, hindi mababawasan ang iyong kagalakan. Ito’y magiging mas masidhi habang papalapit tayo sa panahon na “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha” buhat sa mata ng mga tao at kapag ang ‘pagdadalamhati o ang paghiyaw o ang kirot’ ay lumipas na.—Apocalipsis 21:4.
[Mga larawan sa pahina 8]
Marami ang humanga sa kagalakan at mabuting organisasyon sa mga asamblea ng mga Saksi ni Jehova