Paano Mo Mapangangalagaan ang Iyong mga Anak?
PAGKATAPOS ng ilang taóng pag-aaral sa isang paaralan sa kanilang lugar, ipinagpatuloy ni Wernera ang higit pang pag-aaral kasama ng mga 3,000 iba pang kabataan sa São Paulo, Brazil. Sa kauna-unahang pagkakataon, nakita niya ang kaniyang mga kapuwa estudyante na nagtitinda at gumagamit ng droga. Palibhasa’y maliit lang siya, madali siyang naging biktima ng imbi at mapanganib na seremonya ng inisyasyon mula sa nakatatandang mga estudyante.
Ang kapatid ni Werner na si Eva ay may problema rin. Palibhasa’y gusto niyang magawa ang buong makakaya niya, gayon na lamang ang pagsisikap niya sa pag-aaral anupat dumanas siya ng pagkasagad at pagkalito ng isip. Gaya ng iba pang kabataan, kailangan nina Werner at Eva ang pisikal at emosyonal na pangangalaga. Anong uri ng tulong ang kailangan ng iyong mga anak? Paano mo sila maihahanda sa kanilang pamumuhay bilang adulto? Sa katunayan, anong kinabukasan ang nais mo para sa iyong mga anak?
Higit Pa sa Sustento ang Kailangan Nila
Isip-isipin mo sandali ang tungkol sa hamon na kinakaharap ng mga magulang sa pangangalaga sa kanilang mga anak sa ngayon. Dahil sa pagbaba ng kalidad ng buhay pampamilya at sa pagsidhi ng karalitaan, sa maraming lupain ay dumarami ang bilang ng mga batang nakatira sa kalye. Ang pagtatrabaho ng mga bata ay resulta ng pagkabigong pangalagaan ang mga kabataan mula sa mga mapagsamantala. Winawasak din ng pag-abuso sa droga ang maraming kabataan. Halimbawa, nang maging sugapa sa droga ang isang tin-edyer na taga-Brazil, nawala ang kapayapaan sa kanilang tahanan. Bukod sa paghihirap ng damdamin na dinanas ng kaniyang mga magulang, pinagsikapan pa nilang gastusan ang kaniyang pagpapagaling, at ang walang-awang mga negosyante ng narkotiko ay kumakatok sa kanilang pintuan upang maningil.
Gayunman, sa kabila ng mga kagipitan sa buhay, maraming magulang ang patuloy na nagsisikap na mapaglaanan ang kanilang mga anak hindi lamang ng pagkain, damit, at tuluyan kundi pati ng pangangalaga mula sa karahasan, pag-abuso sa droga, at iba pang mga problema. Ito’y isang marangal na pagsisikap, subalit sapat na kaya iyon? Kumusta naman ang pangangalaga mula sa emosyonal at espirituwal na kapinsalaan? Marami ang nakababatid na kalakip sa tagumpay ng mga magulang ang pagharap sa mga hamon na nagsasangkot sa pagpili ng mga kaibigan at paglilibang ng kanilang mga anak. Ngunit, paano maiiwasan ng mga magulang na maging labis na mahigpit o labis na maluwag? Inaanyayahan ka na isaalang-alang ang mga sagot na masusumpungan sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ibang mga pangalan ang ginamit sa artikulong ito.