Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w98 10/1 p. 7
  • Huwag Mag-atubiling Ipahayag ang Mabuting Balita

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Huwag Mag-atubiling Ipahayag ang Mabuting Balita
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Kaparehong Materyal
  • Nahahalata ang Pagpapala ng Diyos sa Venezuela
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1986
  • Inuuna Ko si Jehova sa Lahat ng Desisyon Ko
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2021
  • Pinagkakaisa ng Pag-ibig ang mga Pamilya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • “Ang Diyos ay Hindi Nagtatangi”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
w98 10/1 p. 7

Report ng mga Tagapaghayag ng Kaharian

Huwag Mag-atubiling Ipahayag ang Mabuting Balita

NANG unang dalawin ng mga Europeong manggagalugad ang Gulpo ng Venezuela at ang Lawa ng Maracaibo, ang baybayin ay punô ng maliliit na kubong yari sa pawid na nasa mga poste sa mababaw na tubig. Ang tanawin ay nagpapagunita sa Venice sa Italya, kung saan ang mga tao’y nagtayo ng kanilang bahay sa kahabaan ng gilid ng tubig. Kaya naman ang lugar na ito’y tinawag ng mga manggagalugad na nagsasalita ng Kastila, na Venezuela, na ang ibig sabihin ay “Maliit na Venice.”

Sa ngayon, sa magandang bansang ito ay nagaganap ang isa pang uri ng programa ng pagtatayo, isa na espirituwal. Ang mga Saksi ni Jehova roon ay abalang naghahasik ng binhi ng Kaharian sa bawat angkop na okasyon. Ang ibinubungang espirituwal na pag-aani ay nagdudulot ng kapurihan sa “Panginoon ng pag-aani,” ang Diyos na Jehova.​—Mateo 9:37, 38.

Nang dumalaw ang isang naglalakbay na tagapangasiwa sa isang kongregasyon sa estado ng Zulia sa hilagang-kanluran ng Venezuela, ang mga Saksing tagaroon ay nagsaayos upang madalaw niya at ng kaniyang asawa ang isang maliit na kalapit na isla na tinatawag na Toas. Habang nakapilang naghihintay na makasakay sa madaling-araw na biyahe ng ferry patawid sa isla, iminungkahi ni Mery, asawa ng naglalakbay na tagapangasiwa, sa kaniyang kasama, isang buong-panahong payunir na sister, na sila’y makipag-usap sa ilang manggagawa na nasa bangka. Sumang-ayon ang sister na payunir.

Paglapit sa isang mekaniko, ipinakita ni Mery ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Ipinakita niya rito ang kabanatang “Pagtatayo ng Isang Pamilyang Nagpaparangal sa Diyos,” na waring nagustuhan naman nito. Pagkatapos ay ipinaliwanag ni Mery na sa pamamagitan ng publikasyong iyon, ang lalaki’y maaaring pagdausan ng pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang sariling tahanan. Tinanggap nito ang aklat, at gumawa ng kaayusan na may pumunta sa kaniya sa kanilang tahanan.

Di-nagtagal, nagkaroon ng isang-araw na pantanging asamblea sa lugar na iyon. Laking gulat ni Mery nang makita niya roon ang mekaniko, si Senor Nava, kasama ang kaniyang asawa at dalawang anak na babae! Tinanong ni Mery ang asawang babae kung ano ang masasabi niya sa kanilang pampamilyang pag-aaral sa Bibliya. Lalong nakagugulat ang kaniyang sagot.

“Nagpapasalamat ako kay Jehova at nakilala namin ang katotohanan,” sabi niya. Pagkatapos ay nagpaliwanag siya. “Nang kausapin mo ang aking asawa, kaiiwan lang niya sa akin upang sumama sa ibang babae. Napakalakas din niyang uminom. Kung minsan kapag siya’y nalalasing, nagiging abusado siya, na hindi nagugustuhan ng maliit na komunidad sa isla. Nagsasagawa rin siya ng espiritismo. Gayunman, ang kaalaman sa Bibliya na nakuha niya mula sa pag-aaral ay nakatulong sa kaniya upang gumawa ng malaking pagbabago sa kaniyang buhay. Tinigilan na niya ang lahat ng kaniyang maruruming gawain. Gayon na lamang ang paghanga ng kaniyang mga magulang na Katoliko sa mga pagbabagong ito. Natutuwa sila at siya ngayon ay isa nang responsableng asawa at ama.”

Si Senor Nava ay nabautismuhan noong 1996 at kasalukuyang naglilingkod bilang isang buong-panahong ministro. Ang kaniyang asawa, si Jenny, ay nabautismuhan noong 1997. Ang alkalde ng bayan ay hangang-hanga sa mga pagbabago ng mekanikong ito ng ferry anupat siya man ay humiling ng isang pag-aaral sa Bibliya. Tuwang-tuwa ang mga kapatid na babaing ito na hindi sila nag-atubiling mangaral ng mabuting balita habang nakapilang naghihintay ng ferry nang umagang iyon!

[Mga larawan sa pahina 7]

Nagdulot ng maligayang bunga ang pamamahagi ng mabuting balita sa isang mekaniko ng ferry

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share