Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w99 10/15 p. 23-27
  • Makapaglilingkod Ka ba sa Isang Banyagang Lupain?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Makapaglilingkod Ka ba sa Isang Banyagang Lupain?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Kailangan ang Tamang Motibo
  • Tuusin ang Halaga
  • Ang Pinakamalaking Hamon
  • Paano Naman ang Pananabik na Umuwi?
  • Kumusta Naman ang mga Bata?
  • Mga Pagpapala ng Paglipat
  • Kumusta Ka Naman?
  • Maaari Ka Bang ‘Tumawid sa Macedonia’?
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2011
  • Kusang-loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Ecuador
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Maaari Ka Bang Tumawid sa Macedonia?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Mga Paraan Para Mapalawak ang Iyong Ministeryo
    Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
w99 10/15 p. 23-27

Makapaglilingkod Ka ba sa Isang Banyagang Lupain?

NOON pa ma’y lagi ko nang pinangarap na makapasok sa gawaing pagmimisyonero. Noong ako’y binata pa, naglingkod ako sa Texas, E.U.A., kung saan may malaking pangangailangan para sa mga mangangaral. Sinamahan ako roon ng aking asawa pagkatapos ng aming kasal. Nang isilang ang aming anak na babae, naisip ko, ‘Buweno, tanggal na ako.’ Subalit pinangyayari ni Jehova na matupad ang mga pangarap, lalong higit kung ang mga ito ay may kaugnayan sa kaniyang kalooban.”​—Si Jesse, kasalukuyang naglilingkod sa Ecuador kasama ang kaniyang asawa at tatlong anak.

“Hindi ko kailanman naisip na magagawa ko ang gayon nang walang pagsasanay mula sa paaralang Gilead para sa pagmimisyonero. Kapag nakakita ako ng isa sa aking mga inaaralan ng Bibliya na nagpapahayag o nangangaral, tuwang-tuwa ako, at pinasasalamatan ko si Jehova sa pagbibigay sa akin ng ganitong pagkakataon.”​—Si Karen, isang dalaga na nagpayunir sa loob ng walong taon sa Timog Amerika.

“Pagkatapos mangaral nang buong panahon sa loob ng 13 taon sa Estados Unidos, nadama naming mag-asawa na kailangan namin ng isang bagong hamon. Maligaya kami ngayon higit kailanman; tunay na napakabuting paraan ito ng pamumuhay.”​—Si Tom, na nagpapayunir kasama ang kaniyang asawang si Linda, sa rehiyon ng Amazon.

Ang mga kapahayagang ito ng pagpapahalaga ay mula sa mga taong hindi pinahintulutan ng kanilang kalagayan na tumanggap ng pagsasanay pangmisyonero sa Watchtower Bible School of Gilead. Magkagayon man, naranasan nila ang mga kagalakan at hamon ng paglilingkod sa banyagang lupain. Paano ba ito nangyari? Ang gayon bang paglilingkuran ay para sa iyo?

Kailangan ang Tamang Motibo

Higit pa kaysa sa hangad na maglakbay ang kailangan upang magtagumpay sa isang banyagang larangan. Yaong mga nakapagbata ay nakagawa ng gayon dahil sa tamang motibo. Tulad ni apostol Pablo, kanilang itinuring ang kanilang sarili bilang mga may-utang, hindi lamang sa Diyos kundi maging sa mga tao. (Roma 1:14) Maaari sana nilang tuparin ang utos ng Diyos na mangaral sa pamamagitan ng pakikibahagi sa ministeryo sa kanilang sariling teritoryo. (Mateo 24:14) Subalit nakadama sila ng pagkakautang at napakilos sila na gumawa ng higit na pagsisikap at tulungan yaong mga bihirang mapaabutan ng mabuting balita.

Ang pagnanasang gumawa sa isang mas mabungang teritoryo ay kadalasan na isa pang motibo​—at natural lamang ito. Sino sa atin, kapag nakita ang isang mangingisda na maraming nahuhuli, ang hindi lalapit sa bahaging iyon ng lawa? Sa katulad na paraan, ang nakapagpapatibay na mga ulat ng kamangha-manghang pagsulong sa ibang mga bansa ang nag-udyok sa marami na pumaroon kung saan may “lubhang maraming isda.”​—Lucas 5:4-10.

Tuusin ang Halaga

Hindi pinahihintulutan ng maraming bansa ang mga banyagang boluntaryo ng mga relihiyon na kumuha ng sekular na trabaho. Kaya’t kadalasan na, yaong mga naghahangad na maglingkod sa isang banyagang bansa ay dapat na may sariling panustos. Paano natugunan ang hamon na ito may kaugnayan sa pananalapi? May ilan na nagbenta o nagpaupa ng kanilang mga tahanan upang makalikom ng sapat na salapi. Ang iba ay nagbenta ng kanilang mga negosyo. Ang ilan ay nag-ipon para sa kanilang tunguhin. At may iba pa na naglilingkod sa isang banyagang lupain sa loob ng isa o dalawang taon, pagkatapos ay bumabalik sa kanilang sariling bansa upang magtrabaho at mag-ipon ng salapi, at muling aalis upang maglingkod.

Walang alinlangan, ang isang bentaha ng paninirahan sa isang umuunlad na bansa ay ang mas murang pamumuhay roon kaysa sa isang maunlad na bansa. Pinahintulutan nito ang ilan na mamuhay nang maayos sa isang katamtamang pensiyon. Siyempre pa, ang gastusin ng isa ay depende sa paraan ng pamumuhay na kaniyang pipiliin. Maging sa umuunlad na mga bansa, masusumpungan din ang napakaalwan na mga tirahan subalit sa mas mahal na halaga.

Maliwanag, kailangang kuwentahin ang gastusin bago gumawa ng hakbang. Gayunman, higit pa sa pinansiyal na halaga ang nasasangkot. Marahil, makapagbibigay-linaw ang mga komento ng ilan sa mga nakapaglingkod sa Timog Amerika.

Ang Pinakamalaking Hamon

“Ang matuto ng Kastila ay totoong isang pakikipagpunyagi para sa akin,” ang naalala ni Markku, na mula sa Finland. “Ipinagpalagay ko na yamang hindi ko alam ang wika, matatagalan pa bago ako makapaglilingkod bilang isang ministeryal na lingkod. Gayon na lamang ang gulat ko nang ako’y hilingang mangasiwa sa isang pag-aaral sa aklat pagkalipas lamang ng dalawang buwan! Sabihin pa, maraming nakakahiyang mga pangyayari. Lalo nang nahirapan ako sa mga pangalan. Isang araw tinawag ko si Brother Sancho na ‘Brother Chancho (baboy),’ at hindi ko kailanman malilimutan ang pagtawag ko kay Sister Salamea na ‘Malasea (balakyot).’ Mabuti na lamang at mapagpasensiya ang mga kapatid.” Nang malaunan ay naglingkod si Markku nang walong taon sa bansang iyon bilang isang tagapangasiwa ng sirkito kasama ng kaniyang asawa, si Celine.

Si Chris, asawa ni Jesse na sinipi kanina, ay naglahad: “Naaalaala ko ang aming unang pagdalo sa dalaw ng tagapangasiwa ng sirkito, tatlong buwan pa lamang mula nang dumating kami. Alam ko na gumagamit ng mga ilustrasyon at may sinasabing maganda ang tagapangasiwa ng sirkito upang pakilusin ang aming puso, subalit hindi ko siya maintindihan. Doon mismo sa bulwagan, napaiyak ako. Hindi iyon marahan na pag-iyak; ako’y humagulhol. Pagkatapos ng pulong, sinikap kong ipaliwanag ang aking ikinilos sa tagapangasiwa ng sirkito. Mabait siya at kaniyang sinabi ang patuloy na sinasabi sa akin ng iba pa, ‘Ten paciencia, hermana’ (‘Magtiyaga ka, sister’). Dalawa o tatlong taon pagkalipas, nagkita kaming muli at nag-usap sa loob ng 45 minuto, na lubhang nagagalak sa bagay na kami’y nakakapagtalastasan.”

“Ang pag-aaral ay kinakailangan,” ang napansin ng isang kapatid. “Habang lalong malaking pagsisikap ang ibinubuhos natin sa pag-aaral ng wika, lalo nating napasusulong ang ating kakayahang makipagtalastasan.”

Ang lahat ay sumasang-ayon na ang gayong mga pagsisikap ay nagdudulot ng maraming kapakinabangan. Nalilinang ang kapakumbabaan, pagtitiis, at pagtitiyaga kapag ang isang tao ay nagsisikap mag-aral ng isang bagong wika. Isang malaking pintuan ng pagkakataon ang bukás upang maipangaral ang mabuting balita sa iba. Halimbawa, ang pagkatuto ng Kastila ay nagpapangyari sa isa na makipagtalastasan sa isang wikang ginagamit ng mahigit sa 400 milyong tao sa buong daigdig. Marami sa mga nagbalik sa kanilang sariling bansa ang nakagagamit pa rin ng kanilang kakayahan sa wika upang tulungan ang mga tao na ang katutubong wika ay Kastila.

Paano Naman ang Pananabik na Umuwi?

“Nang una kaming dumating sa Ecuador noong 1989,” ang gunita ni Deborah, na naglingkod sa rehiyon ng Amazon kasama ang kaniyang asawa, si Gary, “nadarama ko ang matinding pananabik na umuwi. Natutuhan kong umasa nang higit sa mga kapatid sa kongregasyon. Sila’y naging parang pamilya ko.”

Si Karen, na binanggit sa pasimula ay nagsabi: “Aking nilabanan ang pananabik na umuwi sa pamamagitan ng pakikibahagi araw-araw sa ministeryo. Sa ganitong paraan, hindi ako nangangarap ng gising tungkol sa aming sariling-bayan. Isinasaisip ko rin lagi na ipinagmamalaki ng aking iniwang mga magulang ang gawain ko sa isang banyagang lupain. Lagi akong pinatitibay ni Inay sa pamamagitan ng mga pananalitang: ‘Maaalagaan ka ni Jehova nang higit kaysa sa makakaya ko.’ ”

Pabirong idinagdag ni Makiko na mula sa Hapon: “Pagkatapos gugulin ang buong araw sa paglilingkod sa larangan, pagod na pagod na ako. Kaya kapag dumating ako sa bahay at nakaramdam ako ng pananabik na umuwi, kadalasa’y nakakatulog na ako. Dahil dito, hindi nagtatagal ang gayong damdamin.”

Kumusta Naman ang mga Bata?

Kapag kasangkot ang mga bata, dapat isaalang-alang ang kanilang mga pangangailangan, tulad ng edukasyon. Sa puntong ito, pinili ng ilan ang pag-aaral sa bahay samantalang ipinasok naman ng iba ang kanilang mga anak sa lokal na mga paaralan.

Si Al ay lumipat sa Timog Amerika kasama ang kaniyang asawang babae, dalawang anak, at ina. Sinabi niya: “Aming nasumpungan na ang pagpapasok namin sa mga bata sa paaralan ay nakatulong sa kanila na matutuhan nang madali ang wika. Sa loob ng tatlong buwan, matatas na sila.” Sa kabilang banda, pinapag-aral nina Mike at Carrie ang kanilang dalawang tin-edyer na lalaki sa isang kinikilalang correspondence school. Napansin ng mga magulang: “Natuklasan naming hindi maaaring pabayaan ang mga bata na mag-isa sa gayong uri ng pag-aaral. Kinailangang makibahagi kami sa aralin at tiyakin na ang mga bata ay nakakasabay sa itinakdang kurikulum.”

Ipinahayag nina David at Janita, na mula sa Australia, ang kanilang mga damdamin hinggil sa kanilang dalawang anak na lalaki. “Nais naming makita ng aming mga anak mismo kung paano namumuhay ang iba. Madaling ipagpalagay na ang kinalakhan naming istilo ng pamumuhay ay pangkaraniwan, subalit sa totoo, kami’y isang minorya lamang. Nakita rin nila kung paanong kumikilos ang teokratikong mga simulain sa buong daigdig, anuman ang bansa o kultura.”

“Ako’y apat na taóng gulang lamang nang lumipat ang aming pamilya mula sa Inglatera noong 1969,” ang naalala ni Ken. “Bagaman nalungkot ako dahil hindi kami nanirahan sa kubong yari sa putik na may bubungang damo gaya ng aking inisip, naramdaman ko na ang aking kabataan ang pinakamasaya na puwedeng matamasa ng sinumang bata. Lagi akong nalulungkot para sa ibang mga bata na hindi nagkaroon ng gayunding pagkakataon! Dahil sa mabuting pakikisama sa mga misyonero at mga special payunir, nagsimula akong mag-auxiliary pioneer sa edad na siyam.” Si Ken ay isa na ngayong naglalakbay na tagapangasiwa.

“Ang Ecuador ay itinuturing na namin ngayon na sariling bayan,” ang pagsang-ayon ni Gabriella, ang anak na babae ni Jesse. “Tuwang-tuwa ako na pinagpasiyahan ng aking mga magulang na pumunta rito.”

Sa kabilang dako, may mga bata na hindi nakayanang makibagay sa iba’t ibang kadahilanan, at kinailangang bumalik ang kanilang mga pamilya sa sarili nilang bansa. Iyan ang dahilan kung bakit iminumungkahi na dalawin muna ang banyagang lupain bago lumipat. Sa ganitong paraan, makagagawa ng mga pasiyang salig sa impormasyong nakuha mismo ng isa.

Mga Pagpapala ng Paglipat

Tunay, ang paglipat sa isang banyagang larangan ay nagsasangkot ng maraming hamon at sakripisyo. Para sa mga lumipat, napatunayan bang sulit ang gayong hakbang? Hayaan nating sila ang sumagot.

Jesse: “Sa loob ng sampung taon na kami’y nasa lunsod ng Ambato, nakita naming dumami ang bilang ng mga kongregasyon mula sa 2 hanggang sa 11. Nagkaroon kami ng pribilehiyo na makatulong sa pagtatatag ng lima sa mga kongregasyong iyon, at nakasama rin kami sa pagtatayo ng dalawang Kingdom Hall. Nagkaroon din kami ng kagalakan na makatulong sa katamtamang bilang na dalawang estudyante ng Bibliya bawat taon para magpabautismo. Isa lamang ang aking pinagsisisihan​—ang hindi ko pagpunta rito nang sampung taon na mas maaga.”

Linda: “Ang pagpapahalaga ng mga tao sa mabuting balita at sa aming mga pagsisikap ay lubhang nakapagpapatibay sa amin. Halimbawa, sa isang maliit na bayan sa gubat, naisip ng isang estudyante ng Bibliya na nagngangalang Alfonso ang malaking kapakinabangan ng pagdaraos ng pampublikong mga pahayag sa kaniyang lugar. Kalilipat lamang niya sa kaniyang bagong-tayong bahay na gawa sa kahoy, isa sa iilang bahay na gayon sa nayon. Sa pagpapasiyang ang kaniyang bahay ang tanging gusali sa bayan na karapat-dapat para kay Jehova, bumalik siya sa kaniyang kubong yari sa damo at ibinigay ang kaniyang bahay sa mga kapatid upang gamitin bilang Kingdom Hall.”

Jim: “Ang aktuwal na oras na aming ginugugol sa pakikipag-usap sa mga tao sa ministeryo ay sampung beses na higit kaysa sa ginugugol namin sa Estados Unidos. Karagdagan pa, mas magaan ang buhay rito. Walang alinlangang mas maraming panahon dito para sa pag-aaral at paglilingkod sa larangan.”

Sandra: “Ang makita kung paanong binabago ng katotohanan sa Bibliya ang mga tao para sa kanilang ikabubuti ay nagdudulot sa akin ng malaking kasiyahan. Dati, nagdaraos ako ng pag-aaral sa Bibliya kay Amada, ang 69-taong-gulang na may-ari ng isang maliit na groseri. Palagi niyang dinaragdagan ng dalawang bahagi ng tubig ang bawat sampung bahagi ng gatas. Lalo pa niyang dinadaya ang mga bumibili sa kaniya sa pamamagitan ng pagbebenta sa kanila ng nahaluang gatas na ito nang kulang sa sukat. Subalit pagkatapos na mapag-aralan ang materyal sa ilalim ng subtitulong ‘Nagbubunga ng Kaligayahan ang Katapatan’ na nasa kabanata 13 ng aklat na Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, itinigil ni Amada ang ganitong maling mga gawain. Anong laking kagalakan na makita siyang mabautismuhan ilang panahon pagkatapos noon!”

Karen: “Hindi ako kailanman umasa o nagpagamit kay Jehova tulad ng nagawa ko rito. Lalong lumalim at tumibay ang pakikipagkaibigan ko kay Jehova.”

Kumusta Ka Naman?

Sa loob ng maraming taon, libu-libo nang mga Saksi ang nangibang-bansa upang maglingkod. Ang ilan ay nanatili roon sa loob ng isa o dalawang taon, at ang ilan, nang walang takdang panahon. Kasama nila sa paglipat ang kanilang mga karanasan, espirituwal na pagkamaygulang, at pananalapi, taglay ang tunguhing mapalawak ang mga kapakanan ng Kaharian sa isang banyagang larangan. Nakapaglingkod sila sa mga lugar kung saan hindi nakapaglilingkod ang lokal na mga mamamahayag ng Kaharian dahil sa kakapusan ng sekular na trabaho. Marami ang bumili ng four-wheel-drive na mga sasakyan para makubrehan ang mga teritoryong hindi madaling marating. Ang iba na mas gusto ang buhay sa lunsod, ay naging pampatibay sa malalaking kongregasyon kung saan kakaunti ang matatanda. Gayunman, walang pasubaling lahat ay nagdiriin na tumanggap sila ng mas maraming espirituwal na pagpapala kaysa sa kanilang naibigay.

Maaari ka bang makibahagi sa pribilehiyong ito ng paglilingkod sa isang banyagang larangan? Kung ipinahihintulot ng iyong kalagayan, bakit hindi suriin ang posibilidad ng pagkuha ng gayong hakbang? Ang una at mahalaga na dapat mong gawin ay sumulat sa tanggapang pansangay ng Samahan sa bansang iniisip mong paglingkuran. Ang espesipikong impormasyon na matatanggap mo ay makatutulong sa iyo na pagtimbang-timbangin kung magiging matagumpay ka. Karagdagan pa, maraming praktikal na mungkahi ang masusumpungan sa artikulong “Umalis Ka sa Iyong Lupain at sa Iyong Kamag-anakan,” na nasa Agosto 15, 1988 na isyu ng Ang Bantayan. Sa pamamagitan ng angkop na pagpaplano lakip na ang pagpapala ni Jehova, marahil ay mararanasan mo rin ang kaligayahan ng paglilingkuran sa isang banyagang larangan.

[Larawan sa pahina 24]

SINA TOM AT LINDA SA ISANG LIBLIB NA DAANG PAPUNTA SA PAMAYANAN NG MGA SHUAR INDIAN

[Larawan sa pahina 25]

MARAMI ANG NAGLILINGKOD SA QUITO, ANG KAPITOLYONG LUNSOD NG ECUADOR

[Larawan sa pahina 25]

SI MAKIKO, HABANG NANGANGARAL SA MGA BUNDOK NG ANDES

[Larawan sa pahina 26]

ANG PAMILYANG HILBIG AY LIMANG TAON NA NGAYONG NAGLILINGKOD SA ECUADOR

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share