Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w06 4/15 p. 17-19
  • Melito ng Sardis—Tagapagtanggol ng mga Katotohanan sa Bibliya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Melito ng Sardis—Tagapagtanggol ng mga Katotohanan sa Bibliya?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang ‘Dakilang Tanglaw’
  • Paggamit sa Kasulatan Upang Ipagtanggol ang Kristiyanismo
  • Pagtatanggol sa Kahalagahan ng Pantubos
  • Biktima ng Apostasya?
  • Ang Hapunan ng Panginoon—Gaano Kadalas Dapat Itong Ganapin?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1994
  • ‘Ito ay Magiging Pinakaalaala sa Inyo’
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2013
  • Mula sa Seder Hanggang sa Kaligtasan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1990
  • Paskuwa
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2006
w06 4/15 p. 17-19

Melito ng Sardis​—Tagapagtanggol ng mga Katotohanan sa Bibliya?

TAUN-TAON, ipinagdiriwang ng mga tunay na Kristiyano ang Hapunan ng Panginoon sa petsang tumatapat sa Nisan 14 sa kalendaryong Hebreo. Sinusunod nila ang utos ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” Sa mismong araw na iyon noong 33 C.E., pagkatapos ipangilin ang Paskuwa, pinasinayaan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang sakripisyong kamatayan. Namatay siya bago matapos ang araw na iyon.​—Lucas 22:19, 20; 1 Corinto 11:23-28.

Noong ikalawang siglo C.E., binago ng ilan ang petsa at paraan ng pagdiriwang nito. Ang petsa ng kamatayan ni Jesus ay patuloy na ginamit sa Asia Minor. Subalit gaya ng sinabi ng isang reperensiyang akda, “kaugalian sa Roma at Alejandria na ipangilin ang pagkabuhay-muli sa sumunod na Linggo,” na tinatawag na Paskuwa ng Pagkabuhay-Muli. Ipinagtanggol ng isang grupo na kilala bilang mga Quartodeciman (Mga Panlabing-apatan) ang Nisan 14 bilang petsa ng pagdiriwang sa kamatayan ni Jesu-Kristo. Si Melito ng Sardis ay sumasang-ayon sa turong iyan. Sino si Melito? Paano niya ipinagtanggol ito at ang iba pang mga katotohanan sa Bibliya?

Isang ‘Dakilang Tanglaw’

Sa pagwawakas ng ikalawang siglo, ayon kay Eusebius ng Cesarea sa kaniyang akdang Ecclesiastical History, si Polycrates ng Efeso ay nagpadala ng isang liham sa Roma upang ipagtanggol ang pagdiriwang ng “ikalabing-apat na araw ng Paskuwa ayon sa Ebanghelyo, nang hindi lumilihis, kundi sinusunod ang tuntunin ng pananampalataya.” Ayon sa liham na ito, si Melito​—Obispo ng Sardis, sa Lydia​—ang isa sa mga nagtaguyod na Nisan 14 ang petsa ng pagdiriwang. Sinabi ng liham na si Melito ay itinuturing ng kaniyang mga kapanahon bilang isa sa ‘dakilang mga tanglaw na namahinga na.’ Sinabi ni Polycrates na hindi nag-asawa si Melito at na ito ay “lubos na namuhay alinsunod sa Banal na Espiritu at nakahimlay sa Sardis kung saan naghihintay ng tawag mula sa langit kung kailan babangon siya mula sa mga patay.” Maaaring nangangahulugan ito na kabilang si Melito sa mga naniniwalang ang pagkabuhay-muli ay magaganap lamang sa pagbalik ni Kristo.​—Apocalipsis 20:1-6.

Kung gayon, lumilitaw na si Melito ay isang taong matapang at determinado. Sa katunayan, sumulat siya ng isang Apology para sa mga Kristiyano, isa sa mga unang iniulat, na ipinadala kay Marcus Aurelius, Emperador ng Roma mula 161 hanggang 180 C.E. Hindi natakot si Melito na ipagtanggol ang Kristiyanismo at tuligsain ang masasama at sakim na mga tao. Sinikap ng gayong masasamang tao na gamitin ang iba’t ibang utos ng imperyo upang ipagmatuwid ang kanilang pag-uusig at di-makatarungang paghatol sa mga Kristiyano para nakawin ang mga ari-arian ng mga ito.

Lakas-loob na sumulat si Melito sa emperador: “Hinihiling lamang namin na suriin ninyo mismo ang sinasabing promotor ng gayong kaguluhan [mga Kristiyano], at hatulan sila nang matuwid kung sila nga ba ay karapat-dapat sa kamatayan at kaparusahan o sa kaligtasan at kalayaan. Pero kung ang regulasyon at bagong batas na ito, na hindi wastong ipataw maging sa mga kaaway na barbaro, ay hindi nagmula sa inyo, higit kaming namamanhik na huwag ninyo kaming pabayaan sa gitna ng gayong magulong pandarambong ng mga mang-uumog.”

Paggamit sa Kasulatan Upang Ipagtanggol ang Kristiyanismo

Masidhi ang interes ni Melito sa pag-aaral ng Banal na Kasulatan. Wala tayong kumpletong talaan ng kaniyang mga akda, pero isinisiwalat ng ilang pamagat ng kaniyang mga akda ang interes niya sa mga paksa sa Bibliya. Kabilang sa mga ito ang On Christian Life and the Prophets (Ang Kristiyanong Pamumuhay at mga Propeta), On the Faith of Man (Ang Pananampalataya ng Tao), On Creation (Ang Paglalang), On Baptism and Truth and Faith and Christ’s Birth (Ang Bautismo at Katotohanan at Pananampalataya at Pagsilang ni Kristo), On Hospitality (Ang Pagkamapagpatuloy), The Key (Ang Susi), at On the Devil and the Apocalypse of John (Ang Diyablo at ang Apocalipsis ni Juan).

Pinuntahan mismo ni Melito ang mga lupain sa Bibliya upang saliksikin ang eksaktong bilang ng mga aklat ng Hebreong Kasulatan. Ganito ang isinulat niya hinggil dito: “Alinsunod dito, nang magtungo ako sa Silangan at sa lugar kung saan ipinangaral at isinagawa ang mga bagay na ito, at pagkatapos kong tumpak na matutuhan ang mga aklat ng Lumang Tipan at iulat ang impormasyon, ipinadala ko ang mga ito sa iyo.” Hindi binabanggit ng talaang ito ang aklat ng Nehemias at ng Esther, pero ito ang pinakamatandang katalogo ng kanonikal na mga aklat ng Hebreong Kasulatan na isinulat ng mga nag-aangking Kristiyano.

Sa pagsasaliksik na ito, bumuo si Melito ng isang serye ng mga talata mula sa Hebreong Kasulatan na naglalaman ng mga hula hinggil kay Jesus. Ipinakikita ng akda ni Melito, na pinamagatang Extracts, na si Jesus ang matagal nang hinihintay na Mesiyas at na patiuna nang tinukoy ng Kautusang Mosaiko at ng mga Propeta ang Kristo.

Pagtatanggol sa Kahalagahan ng Pantubos

May malalaking pamayanan ng mga Judio sa maimpluwensiyang mga lunsod sa Asia Minor. Ang mga Judio sa Sardis, kung saan nakatira si Melito, ay nagdiriwang ng Paskuwa ng mga Hebreo tuwing Nisan 14. Sumulat si Melito ng isang sermon na pinamagatang The Passover (Ang Paskuwa) na nagpapakitang wasto ang pagdiriwang ng Paskuwa sa ilalim ng Kautusan at nagtatanggol sa Kristiyanong pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon sa Nisan 14.

Pagkatapos magkomento hinggil sa Exodo kabanata 12 at ipakitang lumalarawan ang Paskuwa sa hain ni Kristo, ipinaliwanag ni Melito kung bakit hindi makatuwirang ipagdiwang ng mga Kristiyano ang Paskuwa. Ito ay dahil sa pinawalang-bisa na ng Diyos ang Kautusang Mosaiko. Pagkatapos ay ipinakita niya kung bakit kailangan ang hain ni Kristo: Inilagay ng Diyos si Adan sa isang paraiso upang mamuhay siya nang maligaya. Pero sinuway ng unang lalaki ang utos na huwag kumain mula sa punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Dahil dito, kinailangan ang isang pantubos.

Ipinaliwanag pa ni Melito na isinugo si Jesus sa lupa at namatay sa isang tulos upang tubusin ang nananampalatayang sangkatauhan mula sa kasalanan at kamatayan. Kapansin-pansin na ginamit ni Melito ang salitang Griego na xylon, na nangangahulugang “kahoy,” nang sumulat siya hinggil sa tulos kung saan namatay si Jesus.​—Gawa 5:30; 10:39; 13:29.

Hindi lamang sa Asia Minor nakilala si Melito. Sina Tertullian, Clemente ng Alejandria, at Origen ay pamilyar sa kaniyang mga akda. Gayunman, sinabi ng istoryador na si Raniero Cantalamessa: “Ang paghina ng impluwensiya ni Melito, na unti-unting humantong sa paglaho ng kaniyang mga akda, ay nagsimula​—pagkatapos magtagumpay ang kaugalian ng Linggo ng Paskuwa​—​nang ituring na mga erehe ang mga Quartodeciman.” Nang dakong huli, halos lubusang nawala ang mga akda ni Melito.

Biktima ng Apostasya?

Pagkamatay ng mga apostol, nakapasok sa tunay na Kristiyanismo ang inihulang apostasya. (Gawa 20:29, 30) Maliwanag na naapektuhan nito si Melito. Waring masasalamin sa masalimuot na istilo ng kaniyang mga akda ang mga akda ng pilosopiyang Griego at daigdig ng mga Romano. Baka iyan ang dahilan kung bakit tinawag ni Melito ang Kristiyanismo na “aming pilosopiya.” Itinuring din niya ang pagsasanib ng tinaguriang Kristiyanismo at ng Imperyo ng Roma bilang “ang pinakadakilang patotoo . . . ng kabutihan.”

Tiyak na hindi isinapuso ni Melito ang payo ni apostol Pablo: “Mag-ingat: baka may sinumang tumangay sa inyo bilang kaniyang nasila sa pamamagitan ng pilosopiya at walang-katuturang panlilinlang ayon sa tradisyon ng mga tao, ayon sa panimulang mga bagay ng sanlibutan at hindi ayon kay Kristo.” Kung gayon, bagaman ipinagtanggol ni Melito ang mga katotohanan sa Bibliya sa isang antas, tinalikuran naman niya ang mga ito sa maraming paraan.​—Colosas 2:8.

[Larawan sa pahina 18]

Pinasinayaan ni Jesus ang Hapunan ng Panginoon noong Nisan 14

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share