Paghaharap ng Mabuting Balita—Taglay ang Aklat na “Survival”
1 Milyun-milyong mga tao ngayon ang nababahala hinggil sa kaligtasan, at may mabuting dahilan. Gayumpaman ang karamihan sa mga tao na nababahala ay may kakaunti o walang nalalaman hinggil sa lalo pang malaking panganib kaysa nukleyar na digmaan. Tinawag ito ni Jesus na “kapighatian na di pa nangyayari buhat sa pasimula ng sanlibutan.” (Mat. 24:21) May hihigit pa bang mahalagang katanungang nakaharap sa sangkatauhan kaysa doon sa KALIGTASAN?
2 Ang ating bagong aklat na Survival Into a New Earth ay tumatalakay sa mahalagang katanungang ito. Ang tagapagsalita na nagbalita ng paglalabas nito sa “Pagsulong ng Kaharian” na mga Kumbensiyon ay nagsabi: “Ang kaligtasan ay naging isang malaking pagkabahala sa ating panahon. Subali‘t ang nakaharap sa sangkatauhan ay higit na nakatatakot kaysa isang nukleyar na digmaan. Ito ay isang pagsusulit sa Maylikha mismo. Ang kagilagilalas na mga hula ng Bibliya ay malinaw na nagpapakita na magkakaroon ng mga makaliligtas. . . . Ang aklat na ito ay inilathala upang tulungan kayong mapabilang sa kanila.”
TUMULONG UPANG MASAPATAN ANG MALAKING PANGANGAILANGAN
3 Subali’t higit pa ang kinakailangan kaysa paglilimbag lamang ng isang aklat tungkol sa kaligtasan. Kailangang marinig ng mga tao ang tungkol dito, maunawaan ito at pagkatapos ay kumilos salig sa mahalagang impormasyong tinataglay nito. Oo, kailangang dalhin natin ang aklat na ito sa mga tao. Gaya ng tanong ni Pablo, ‘papaano sila makikinig kung walang mangangaral sa kanila?’—Roma 10:14.
4 May naiisip pa ba kayong higit na kamangha-mangha, higit na kasiyasiya, kaysa pagliligtas ng buhay? Subali’t ano kung maililigtas mo ang inyong buhay samantalang nagliligtas sa ibang tao? Ito ay higit pang kanaisnais.—1 Tim. 4:16.
5 Gaano karaming buhay ang maililigtas bilang resulta ng pagkakaalam ng mga tao ng katotohanan sa pamamagitan ng bagong aklat na ito? Ito’y depende sa laki ng pagsisikap na isasagawa natin sa pamamahagi nito. Itatampok natin ito bilang ating alok na literatura sa Mayo para doon sa nakababasa ng Ingles. Kung mayroon tayong malalim na pag-ibig para sa iba, at pagkadama ng pagkaapurahan sa pagtulong sa kanila na makaligtas, tayo ay magiging aktibo sa pamamahagi ng aklat na ito.—2 Tim. 4:2a.
6 Ang pagiging mabisa ng ating ministeryo kadalasan ay nakasalalay sa pagkakaroon natin ng kaalaman sa aklat na inihaharap. Nabigyang pansin na ba natin ang mga litaw na punto, mga pagsipi o ilustrasyon na magpapabuti sa ating presentasyon? Ang tsart sa pahina 27 na nagpapakita sa 1914 bilang isang palatandaang taon, lakip na ang mga pagsipi sa pahina 29 na nagpapakita kung papaanong minamalas ng mga mananalaysay ang taong iyon, ay makakaakit sa mga tao na nababahala tungkol sa kaligtasan. Kung papaano magkakaroon ng “tatak” ukol sa kaligtasan ay maipaliliwanag sa pamamagitan ng pagtalakay sa larawan sa pahina 95.—Ihambing ang Ezekiel 9:4, 6.
7 Ang mga pamagat ng kabanata ay gigising sa interes ng mga taong nag-iisip. Ang mga pamagat gaya ng “What Will Become of Planet Earth?”, “How Long Will the Present System Last?”, “Act Wisely in the Face of Calamity” at “The Countdown Nears Its Zero Hour!” ay ilan lamang sa mga paksang tinatalakay sa aklat. Ilagay ang aklat sa mga kamay ng maybahay at tanungin siya kung anong paksa ang doo’y interesado siya. Yaong mga sumubok nito sa ibang publikasyon ay nagtamo ng mabubuting resulta.
HUWAG PAHADLANG
8 Tayong lahat ay pumalakpak sa pangwakas na komento ng tagapagsalita sa kumbensiyon nang kaniyang sabihin: “Habang mayroon pang panahon, kunin nawa natin ang lahat ng pagkakataon upang tulungan ang marami pa na maging bahagi ng sumusulong na makapal na bilang ng mga maliligayang Saksi. . . . Kapag pinuksa na niya ang balakyot na sanlibutang ito, kung gayon, sa pamamagitan ng di na sana nararapat na kagandahang-loob ng Diyos, tayo nawa ay mapabilang sa mga makaliligtas tungo sa kaniyang maluwalhating ‘bagong lupa’!” Kunin natin ang lahat ng pagkakataon upang tulungan ang marami pa sa pamamagitan ng pamamahagi ng aklat na Survival sa Mayo.