Tulungan ang mga Bagong Alagad na “Sumulong Tungo sa Pagkamaygulang”
1 Anong laking kagalakang makita na maraming mga bagong alagad ni Kristo ang nag-aalay ng kanilang buhay kay Jehova sa mga huling araw na ito! Sa nakaraang dalawang taon lamang, mahigit sa 16,000 ang nabautismuhan sa Pilipinas. Gayumpaman, makabubuting tandaan na, nang sinabi ni Jesus na tayo ay kailangang “gumawa ng mga alagad . . . bautismuhan sila,” hindi niya ibig sabihing kailangang tulungan lamang natin sila hanggang sa punto ng bautismo. Kundi, sinabi niya na kailangan nating “turuan sila na ganapin ang lahat ng mga bagay” na iniutos ni Jesus sa atin.—Mat. 28:19, 20.
2 Kaya huwag nating kaliligtaan ang mga tinuruan natin dahilan lamang sa naabot na nila ang punto ng pag-aalay at bautismo. Sa halip, tulungan natin silang “sumulong tungo sa pagkamaygulang.” (Heb. 6:1) Magagawa natin ito sa tatlong sumusunod na paraan.
PALALIMIN ANG KANILANG KAUNAWAAN
3 Bagaman walang alinlangan na ang mga ito na bagong nabautismuhan ay nakompleto na ang aklat na Mabuhay Magpakailanman sa kanilang mga pag-aaral sa Bibliya, napag-aralan na ba nilang kasama ninyo ang aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba? Kung hindi pa, tiyakin na sa sistematikong paraan ay talakayin ninyo ang aklat na ito kahit na pagkatapos ng kanilang bautismo. Maaari ninyong bilangin ito bilang isang pag-aaral at oras sa paglilingkod hanggang makompleto ninyo ang dalawang aklat. Ang aklat na Mabuhay Magpakailanman ay naglalaman ng “gatas” ng Salita ng Diyos, subali’t upang lumaki sa espirituwal, sila ay nangangailangan ng higit na “matigas na pagkain.” (Heb. 5:12) Kailangan silang “lumaki sa kapangyarihan ng kaunawaan” at malubos sa “paglaki ng tao” sa espirituwal. (1 Cor. 14:20; Efe. 4:13) Kaya, kahit na sila’y sumusulong na mabuti sa kanilang ministeryo sa larangan at pagdalo sa mga pulong, tiyakin na kanilang makompleto ang aklat na Nagkakaisa sa Pagsamba bago ninyo itigil ang pag-aaral ng Bibliya sa kanila.
PATIBAYIN ANG KANILANG PAGPAPAHALAGA
4 Sabihin pa, ang bawa’t bautisadong alagad ay kailangang magkaroon ng kopya ng aklat na Ating Ministeryo. Subali’t bilang karagdagan sa basta na lamang pagtalakay sa mga katanungan sa dulo ng aklat, makabubuting gumamit ng ilang panahon bawa’t linggo sa inyong pag-aaral na repasuhin ang mga naunang bahagi ng aklat sa mga bagong alagad, upang mapatibay ang pagpapahalaga sa organisasyon ni Jehova at kung papaano ito kumikilos. Makikita nila kung gayon na ang organisasyon ay nasasalig nang lubusan sa mga simulain ng Kasulatan at ito’y higit na maglalapit sa kanila sa mga kapatid sa kongregasyon.
SANAYIN SILA SA MINISTERYO
5 Habang pinatitibay ang kanilang kaunawaan at pagpapahalaga, patuloy na maglaan ng aktuwal na pagsasanay sa gawain sa bahay-bahay, sa mga pagdalaw-muli, at sa mga pag-aaral sa Bibliya. Anong inam na bagay ito kung ang bagong alagad ay makapagsisimula ng kaniyang sariling pag-aaral sa Bibliya sa tulong ninyo! Ilagay ang tunguhing ito sa harapan niya at gumawa ukol doon.
6 Habang tinutulungan natin ang mga bagong alagad na sumulong, ang kanilang ‘pagsulong ay mahahayag sa lahat’ at ating aanihin ang mayamang pagpapala dahilan sa ‘pagbibigay-pansin sa ating mga sarili at sa ating turo.’—1 Tim. 4:15, 16.