Isinasagawa Ba Ninyo ang mga Bagay na Inyong Natutuhan?
1 Anong kagalakan ang makadalo sa “Banal na Katarungan” na Pandistritong Kombensiyon! Sa bawa’t araw ang programa ay umaapaw sa pampatibay-loob at mga praktikal na mungkahi kung papaano natin maipamamalas ang katarungan at katuwiran ng Diyos sa lalong malaking antas. Ngayong kayo’y nakabalik na sa inyong tahanan, ‘isinasagawa ba ninyo ang mga bagay na inyong natutuhan, narinig, at nakitang itinanghal’? (Fil. 4:9) Kapakipakinabang na repasuhin ang ilang mga tampok na bahagi sa programa ng kombensiyon.
2 Alalahanin ang pahayag na “Magkaroon ng Isang Timbang, Simpleng Pamumuhay” noong Huwebes ng hapon. Ito ay salig sa Mateo 6:19-33. Inisip na ba ninyo nang lubusan kung papaano ninyo aalisin ang hindi kinakailangang bagay, upang magkaroon ng higit na panahon sa pag-aaral, paghahanda sa pulong, at pagtulong sa iba? Anong mga pagbabago ang maaari ninyong gawin upang magkaroon ng isang simpleng buhay na mas kakaunti ang pinagkakaabalahan?
3 Ang pangangailangang makinabang mula sa pagsasanay na inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Salita at organisasyon ay idiniin sa bahaging “Tanggapin ang Disiplina at Maging Matalino.” Ang ilan ay kailangang magbigay ng pantanging pansin upang paghusayin at pasulungin ang kanilang ministeryo. Palagian ba nating ginagamit ang Paksang Mapag-uusapan, na isinasali sa usapan ang maybahay? O kontento na ba tayo sa basta paghaharap ng magasin? Ikinakapit ba natin ang payo sa paggamit ng aklat na Nangangatuwiran, pagsubaybay sa interes, at pagdaraos ng mga pag-aaral sa Bibliya?—Kaw. 8:33.
4 Ang programa noong Biyernes ay naglakip sa pahayag na “Maging Malinis sa Isip at Katawan.” Ang banal na katarungan ay humihiling na ang bayan ng Diyos ay maging malinis sa espirituwal, moral, mental at pisikal. (2 Cor. 7:1) ‘Isinasagawa ba ninyo ang inyong natutuhan’ sa bagay na ito? Papaano? Mapananatili natin ang espirituwal na kalinisan sa pamamagitan ng pananatiling hiwalay sa maruming relihiyon at sa mga apostata. Dapat nating disiplinahin ang ating sarili upang iwasan ang maruruming ugali o pagbibigay-halaga sa maling pagnanasa sa seksuwal, na umaakay tungo sa mental at moral na karumihan. (Job 31:1, 9-11) Iniiwasan ba ninyo ang mga pelikula, programa sa TV, o babasahin na maaaring magdulot ng maruming impluwensiya sa inyo at sa inyong sambahayan? Ipinakita na nalilimutan ng iba ang personal na kalinisan at kalinisan sa tahanan. Kung mahina ang sinuman sa bagay na ito, walang pagsalang maaaring maisagawa ang pagbabago. Kailangang makipagtulungan ang bawa’t miyembro ng pamilya upang mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa sambahayan. Lalo na kapag kinakatawanan natin si Jehova sa ministeryo nanaisin natin na maging masinop sa ating pag-aayos at magsuot ng malinis at mahinhing damit. Sa gayo’y ating pinararangalan ang ating banal na Diyos.—1 Ped. 1:14-16.
5 Ang sumusunod na mga isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian ay magpapaalaala sa atin ng iba pang mahahalagang bahagi ng banal na katarungan na ating natutuhan sa ating mga kombensiyon. Ang mga ito ay makatutulong sa lahat habang ating ikinakapit ang mga sumulain sa ating pang-araw-araw na buhay, anupa’t nagiging “mga tagatupad ng salita, at hindi mga tagapakinig lamang.”—Sant. 1:22-25.