Tulungan ang mga Tapat-Puso na Tumakas Mula sa Babilonyang Dakila
1 Ang matinding babala na nakaulat sa Apocalipsis 18:4 ay higit na naging apurahan may kaugnayan sa ating panahon. Maliwanag na siya’y nakilala at nalantad bilang ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon na ginagamit ni Satanas laban sa binhi ng “babae” ng Diyos.
2 Ang pananatili sa kaniya ay nagpapangyaring ang isa ay bumabahagi sa kaniyang mga kasalanan. Gayunman, higit pa ang kinakailangan kaysa sa pag-alis lamang sa huwad na relihiyon. Ang mga tumatakas mula sa Babilonya ay kailangang mag-aral ng Salita ng Diyos, makibahagi sa paghahayag ng mabuting balita, at maging naaalay at bautisadong mga lingkod ng Diyos.
3 Ang lahat bang nagsidalo sa Memoryal ay nakadarama ng pagiging apurahan ng paglabas sa Babilonya at pagiging lubusang naaalay na mga lingkod ni Jehova? Kailangan nating tulungan ang mga hindi makapagpasiya na manindigan para kay Jehova. (Sant. 1:8; 4:8) Gumawa ng pantanging pagsisikap na maipasakamay nila ang matitinding isyu ng Bantayan sa Mayo. Tulungang mapahalagahan nila na yamang maikli na ang nalalabing panahon, may malaking pangangailangan na sila’y manindigan na ngayon.—Mat. 12:30.
TULUNGAN ANG MGA BAGUHAN
4 Ang Mayo ay isang angkop na panahon para tulungan ang mga baguhan upang mabatid nilang ang ministeryo sa larangan ay isang napakainam na paraan para ipakita na talaga nilang kinikilala ang salita at mga pangako ng Diyos. Oo, ito ay kailangan upang maipakita kung gaano natin pinahahalagahan ang ginawa ni Jehova at ng kaniyang Anak na si Jesus alang-alang sa atin!
5 Kayo ba ay nagdaraos ng mga pantahanang pag-aaral sa Bibliya sa layuning ihanda ang mga estudiyante sa ministeryo sa larangan? Sila ay nangangailangan ng patuloy na pagtulong at pagpapatibay-loob upang magkaroon ng pagpapahalaga sa Kristiyanong pananagutang ito. Ipaliwanag sa inyong mga estudiyante ang kahalagahan ng paglilingkod sa larangan, at itanghal kung papaano isinasagawa iyon. Makikita ninyong ang brochure na Paggawa ng Kalooban ng Diyos ay makatutulong sa bagay na ito.
PAG-ABOT SA MGA KAHILINGAN
6 Kapag ang isang estudiyante sa Bibliya ay nakagawa ng malaking pagsulong at nagpapakita ng pagnanais na tumulong sa pagtupad sa Mateo 24:14, makatutulong na repasuhin ang sinasabi sa mga pahina 98 at 99 ng aklat na Ating Ministeryo. Kailangang siya’y kuwalipikadong “gumamit na matuwid ng salita ng katotohanan.” (2 Tim. 2:15) Huwag ninyo siyang aanyayahang sumama sa inyo sa paglilingkod sa larangan sa kaunaunahang pagkakataon hangga’t hindi ipinahihintulot ng mga matatanda na siya’y makibahagi. Kung sa palagay ninyo’y naaabot na niya ang maka-Kasulatan at pang-organisasyonal na mga kahilingan, ipabatid sa punong tagapangasiwa ang hinggil sa kaniyang pagsulong. Kung ang mga matatanda ay nakipag-usap sa isa sa inyong mga estudiyante sa Bibliya sa Mayo at ipinahintulot nila na siya’y makibahagi sa paglilingkod sa larangan, turuan ninyo siyang mag-alok ng suskripsiyon sa Bantayan, at pasimulang sanayin siya sa ministeryo sa bahay-bahay.—Tingnan Ang Bantayan ng Nobyembre 15, 1988, mga pahina 16-17, mga parapo 7-10.
7 Ang Babilonyang Dakila ay patungo sa lubusang pagkawasak! Bago maganap iyon, kailangan nating matulungan ang mga tapat-puso na makawala mula sa mahigpit na pagkakahawak niya at makapasok sa organisasyon ni Jehova. Milyun-milyon na ang natulungang gumawa ng gayon. Kung kalooban ni Jehova, marami pa ang matutulungang tumakas mula sa gitna ng Babilonya habang pinagpapala niya ang ating masigasig na pagsisikap na hanapin at pangalagaan ang mga tapat-puso na nasa ating teritoryo.—Jer. 50:8.