Gamitin Nang Lubusan ang Ating mga Pananggalang
1 Sinasalakay ni Satanas ang mga sambahayan sa ngayon, na ginagawa ang kaniyang makakaya upang wasakin sila. Kay lungkot para sa mga anak na mapasangkot sa seksuwal na imoralidad, paglalasing, pag-abuso sa droga, o iba pang kasalanan! Aktuwal na nakita ng ilan ang kanilang mga anak na lalake o babae na humiwalay kay Jehova, dahilan sa pagkahulog sa makasanlibutang kaisipan at pagnanasa. (Kaw. 10:1; 17:21) Sa kabilang panig, maraming mga kabataan ang nanatiling malinis at nag-ingat ng kanilang sarili na abala sa paglilingkod kay Jehova. (3 Juan 3, 4) Ano ang dahilan ng pagkakaiba? Kadalasan iyon ay ang determinasyon ng mga magulang at mga anak na gamitin nang lubusan ang inilaang mga pananggalang.
MGA PANANAGUTAN NG MAGULANG
2 Ang isang mahalagang pananggalang ay ang lubusang maunawaan ng mga ama ang mga kahilingn ni Jehova sa ulo ng sambahayan at kilalanin ang pangangailangan na umasa kay Jehova ukol sa patnubay. Ang isang naaalay na ama ay dapat na manguna sa pamilya sa isang espirituwal na palatuntunan ng pananalangin, pag-aaral, at banal na paglilingkuran. (1 Tim. 5:8) Kung nais niyang igalang ng kaniyang asawa at mga anak ang kaniyang awtoridad, kailangan niyang ipamalas ang kagalakan sa kaniyang pagsunod sa Diyos at sa Kaniyang organisasyon. (1 Juan 5:3) Kapag ang isang ama ay tumutulad kay Jehova sa pamamagitan ng pakikitungo sa kaniyang pamilya sa isang madamdamin, maibigin, at hindi pabagu-bagong paraan, tatamuhin niya ang kanilang paggalang, at sila’y higit na mahihikayat na tularan ang kaniyang halimbawa. Ito ay magdudulot ng papuri at karangalan kay Jehova.
3 Natatandaan ba ninyo ang bahagi sa kombensiyon na “Mga Magulang—Ikapit ang mga Tagubilin Upang Maabot ang Inyong mga Anak”? Ito ay naglakip ng isang pagtatanghal tungkol sa isang pamilya na nag-aaral ng isang artikulo sa Ang Bantayan. Isinaalang-alang ng mga magulang ang bawa’t anak at ang kakayahan nilang matuto. Iyon ay hindi isang basta mekanikal na tanong-sagot, kundi sinikap ng mga magulang na abutin ang mga puso ng kanilang mga anak ng katotohanan. Marahil ay partikular na maaalaala ninyo mga kapatid na babae kung papaanong lubusang sinuportahan ng ina ang kaniyang asawang lalake, na nagpapakita ng pagpapasakop na nagsisilbing isang mabuting huwaran para sa mga anak.—Efe. 5:21-24.
MGA ANAK—ANO ANG INAASAHAN SA INYO NI JEHOVA?
4 Kung papaanong ang inyong mga magulang ay nasa ilalim ng pagsalakay ni Satanas, gayon din kayo. Ano ang inyong mga pananggalang? Ang pagsunod kay Jehova at sa inyong mga magulang. Subali’t habang kayo ay gumugulang, inaasahang kayo’y babalikat ng mga espirituwal na pananagutan. Kailangan ninyong dibdibin ang katotohanan. Inaasahan ni Jehova na gagawin ninyo kung ano ang nababatid ninyong tama. (Ecles. 11:9) Kung inyong natutuhan na wasto ang daan ni Jehova, kung gayon dapat ninyong taglayin ang mabuting kaisipan na sundin iyon.
5 Habang kayo ay gumugulang, ang hamon upang kayo ay manatiling malinis sa moral ay hindi naglulubay. May pambuong daigdig na epidemya ng maruming impluwensiya, at kayo ay napapaharap dito sa araw-araw. Ang inyong pananggalang ay ang pag-ibig ninyo sa mabuti at pagkapoot sa masama. (Awit 52:3; 97:10) Makisama doon sa mga nagsisiibig kay Jehova. Basahin yaong mga nakapagpapatibay na bagay. Panoorin yaong mga kapuri-puring bagay. (Fil. 4:8) Kung tinutukso, tandaan ang nangyari sa isang mangmang na kabataang lalake. (Kaw. 7:6-27) Hayaang mapatnubayan ang inyong kaisipan at pagkilos ni Jehova, at kayo’y mananatiling ligtas sa kaniyang panig.
6 Oo, ang mga magulang at mga anak ay dapat na manatiling gising sa mga panganib na nakapalibot sa ating lahat. Sa pamamagitan ng lubusang paggamit ng ating mga pananggalang, tayo ay magtatagumpay sa ating pakikipagbaka at magkakapribilehiyong purihin si Jehova magpakailanman.