Magpatuloy sa Ating Ministeryo Nang Walang Humpay
1 Ang tanawin ng sanlibutang ito ay mabilis na nagbabago habang tayo ay palalim sa panahon ng katapusan. (1 Cor. 7:31) Bilang katuparan ng hula sa Bibliya, ang yumayanig na mga pangyayari sa daigdig ay nagaganap. Habang ating iniisip kung ano ang nangyayari kapuwa sa daigdig sa palibot natin at sa loob ng teokratikong organisasyon, ating napapahalagahan kung gaano kalaki ang pagkaapurahan na ating ipangaral “ang mabuting balita” ng Kaharian.—Mar. 13:10.
2 Si Jesu-Kristo mismo ang nagbigay ng utos na gumawa ng mga alagad. (Mat. 28:19, 20) Dinibdib ng mga alagad ni Jesus ang kaniyang mga salita, at kahit na sa harap ng matinding pagsalangsang, “hindi sila nagsisipagtigil ng pagtuturo at pangangaral na si Jesus ang siyang Kristo.” (Gawa 5:42) Kay inam na halimbawa ang ibinigay nila sa atin!
3 Habang binabasa natin ang 1990 Yearbook, ating nakikita na pinagpapala ni Jehova ang ating ministeryo sa pamamagitan ng pagkakaloob ng mainam na pagsulong sa bilang ng mga bagong alagad. Sa ilang lupain ang pagsulong na naiulat ay tunay na kamangha-mangha. (Isa. 60:22) Ano naman kung tungkol sa ating lokal na teritoryo? At ano naman ang tungkol sa ating indibiduwal na ministeryo? Tayo ba’y patuloy sa ating indibiduwal na pagsisikap sa ministeryo nang walang humpay?
BAHAGI NG BAWA’T ISA
4 Maliwanag na hindi lahat ng mga teritoryo ay pare-pareho sa pagbubunga. (Ihambing ang Mateo 13:23.) May mga lugar na marami ang sumasalangsang, at sa iba naman ang mga tao sa pangkalahatan ay walang interes at walang pagtugon sa pabalita ng Kaharian. Sa ibang dako naman, napakarami ang mga mamamahayag na anupa’t maliit ang teritoryo na kinukubrehan. Subali’t ano mang uri ng teritoryo ang ating ginagawa, hindi dapat kumupas ang ating sigasig. Ang apostol Pablo ay sumulat, “Huwag tayong manghimagod sa paggawa ng mabuti, sapagka’t tayo’y mag-aani sa takdang panahon kung hindi tayo manghihimagod.” (Gal. 6:9) Ano ang tutulong sa atin na magpatuloy sa ating ministeryo nang walang humpay?
5 Maaari tayong manatiling aktibo at maging matagumpay ang ating ministeryo kung tayo’y magtitiwala kay Jehova at sa kaniyang kapangyarihan upang tayo’y palakasin. Laging ingatan sa isipan na si Jehova ang nagpapangyaring magbunga ang bukirin. (1 Cor. 3:6) Bilang kasagutan sa ating mga panalangin ukol sa tulong, si Jehova ay naglalaan ng payo, praktikal na tagubilin, at saganang suplay ng mga literatura sa Bibliya upang magamit natin nang personal at sa pagtulong sa iba na makilala siya. Atin bang lubusang sinasamantala ang mga paglalaang ito?
PAGPAPANATILI NG ISANG TAMANG SALOOBIN
6 Kung tayo’y nagtataglay ng negatibong saloobin, ito’y maaaring maging isang malaking hadlang sa isang mabungang ministeryo. Ang gayong saloobin ay makikita sa tono ng ating boses, anyo ng mukha, at kawalan ng paghahanda sa paglilingkod sa larangan. Tinanggap natin ang atas na mangaral at magturo, at hindi pa sinasabi sa atin na tapos na ang gawain. Ang pagnanais nating maging masunurin at mapagpasakop sa banal na patnubay ay dapat na mag-udyok sa atin na magpatuloy sa ating ministeryo nang walang humpay.
7 Patuloy tayong makibahagi sa kagalakan ng ministeryo ngayon at tumingin sa hinaharap ukol sa walang hanggang mga pagpapala kasama ng bayan ng Diyos kung ipinakikita natin ang ating pananampalataya at pag-ibig sa pakikibahagi sa ministeryo nang walang humpay.