Parangalan si Jesu-Kristo—Ang Saligan ng Ating Pananampalataya
1 Mahalagang maunawaan ang papel ni Jesu-Kristo sa katuparan ng layunin ni Jehova. (Mat. 20:28) Kung wala ang paglalaan ni Jehova sa pamamagitan ni Jesu-Kristo, wala tayong pag-asa sa hinaharap.
2 Lalo na sa panahon ng Memoryal, magugunita natin ang buhay ni Jesus, ang kaniyang mga aral, at ang kaniyang sakripisyo. (Luc. 22:19) Sa pamamagitan ng pagpapahalaga sa bagay na “ipinagtagubilin ng Diyos ang kaniyang pag-ibig sa atin, na nang tayo’y makasalanan pa, si Kristo ay namatay dahil sa atin,” tayo ay napasisiglang parangalan ang Diyos at si Kristo. Papaano natin magagawa ito?—Roma 5:8, 10.
PAGPAPAHAYAG NG PASASALAMAT
3 Kinikilala natin na ang nakikitang organisasyon ni Jehova ay kumikilos sa ilalim ng pagkapangulo ni Jesus. Ang uring tapat na alipin ay nagbibigay sa atin ng kinakailangang espirituwal na pagkain. Mula sa kaniyang kabataan, si Jesus ay nagpamalas ng malalim na pagpapahalaga sa Salita ng Diyos, anupa’t nais nating tularan ang kaniyang halimbawa sa pamamagitan ng pag-aaral sa inilalaang espirituwal na pagkain taglay ang pangmalas na turuan ang iba sa mabisang paraan. (Mat. 24:45, 46; Luc. 2:46-50) Ang ating pagpapasalamat sa organisasyon ay naipakikita sa pamamagitan ng pagsunod sa direksiyon nito at sa pakikipagtulungan sa mga matatanda.
4 Mapararangalan din natin si Kristo sa pamamagitan ng pagkakapit sa ating natutuhan mula sa Salita ng Diyos. Si Jesus ay “hiwalay sa mga makasalanan.” (Heb. 7:26) Hindi siya nagkasala sa pamamagitan ng pagsasabi ng isang bagay at paggawa naman ng ibang bagay. Bilang kapuwa alipin, kailangan tayong mabuhay sa gayunding mataas na pamantayan. Kaya kapag sinasabi natin sa iba ang tungkol sa matuwid na bagong kaayusan, nanaisin nating mamuhay ngayon sa paraang kaayon ng bagong sanlibutang iyon.—Mat. 7:21; 1 Cor. 1:18; 1 Juan 2:17.
PANGANGARAL SA ILALIM NG PAGKAPANGULO NI KRISTO
5 Sa Marso tayo ay mag-aalok ng aklat na Apocalipsis, na nagpapaliwanag sa mensahe ni Jesu-Kristo sa ating kaarawan. (Apoc. 1:1) Maging masigasig tayo sa pagpapaliwanag kung papaanong ang layunin ng Diyos ay malapit nang dumating sa kaniyang kasukdulan sa pamamagitan ng hari, si Jesu-Kristo.
6 Ang isang makapal na bilang ay magpapakita ng kanilang paggalang kay Jesus sa pamamagitan ng pagdalo sa Memoryal sa buwang ito. Maaari bang tulungan ang mga ito upang sumulong sa pamamagitan ng personal na pag-aaral ng Bibliya? Tiyakin natin na may tutulong sa kanila upang sa susunod na Memoryal sila’y nakikibahagi na sa ministeryo.
7 Anong laking pasasalamat natin sa maibiging hain ng ating Manunubos, si Jesus! Parangalan natin siya sa pamamagitan ng pagtulad sa kaniyang mainam na halimbawa.