May Katapangang Ipahayag ang Mabuting Balita
1 Ayon sa kasaysayan, ang mga tunay na Kristiyano ay kilala sa kanilang katapangan. Sina apostol Pedro at Juan ang pangunahing halimbawa nito. Ang mga apostol na ito ay walang takot at buong tapang na nagpatuloy sa pagsasalita ng katotohanan. (Gawa 4:18-20, 23, 31b) Si Pablo rin ay buong tapang na nagpatuloy sa kaniyang ministeryo sa kabila ng kaniyang naranasang mga pag-uusig.—Gawa 20:20; 2 Cor. 11:23, 28.
2 Papaanong ang mga apostol at ang iba pang mga Kristiyano sa buong kasaysayan ay patuloy na nakapaghayag ng mabuting balita nang buong tapang? Ang 1 Tesalonica 2:2 ay sumasagot, “Nangagkaroon kami ng kalakasan ng loob dahil sa ating Diyos.” Sa ganito ring paraan, sina Pedro at Juan at ang iba pang mga alagad ay nakapagpahayag ng mabuting balita nang buong tapang.—Gawa 4:29, 31.
PAGPAPAKITA NG PAGTITIWALA KAY JEHOVA
3 Ang mga apostol ay nagtiwalang sila’y tinutulungan ni Jehova. Ang lahat ng mga pangako ni Jehova na kaniyang ginawa sa pamamagitan ng kaniyang salita ay napatunayang totoo. Ang mga matutupad pa ay ginagarantiyahan sa pamamagitan ni Jesu-Kristo. Taglay ba natin ang gayunding pagtitiwala upang ihayag nang buong tapang ang mabuting balita? Kapag nakikita natin ang katuparan ng hula ng Bibliya, tayo ba’y napakikilos na magsalita ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos nang may katapangan?
4 Gayumpaman, inaasahan na ang gayong may katapangang pangangaral ay sasalangsangin. (Juan 15:20) Gayon ang nangyari kay Jesus at sa unang siglong mga Kristiyano. Subali’t ito’y hindi humadlang sa kanila o nagpahina sa tindi ng kanilang ipinangangaral. (Gawa 4:3, 8-13a) Dahilan sa ating matibay na pananatili sa Salita ng Diyos hinggil sa mahahalagang isyu, tayo ay kadalasang hinihilingang magpaliwanag ng ating paninindigan. Minamalas natin ang gayong pagkakataon upang ihayag ang mabuting balita nang buong tapang. Sa pagsasagawa nito, ating tinutularan si Kristo Jesus at ang kaniyang mga apostol.
5 Ang pagiging auxiliary payunir ay nagbibigay sa atin ng malaking pagkakataon na ipahayag ang mabuting balita. Marami sa mga nag-auxiliary payunir noong Abril ang nagnanais na magpatuloy sa pagsasagawa nito sa buwan ng Mayo. Ipinahihintulot ba ng inyong mga kalagayan na mag-aplay? Sa pamamagitan ng pagsisikap na makibahagi sa gawaing auxiliary payunir, pinatutunayan natin ang ating sarili na kagaya nina Pablo at Bernabe. Sa Gawa 14:3 ay sinasabi na “sila’y gumamit ng malaking panahon sa pagsasalita ng buong tapang sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jehova.” Kung magagawa nating kunin ang panahon mula sa ibang mga gawain upang gumugol ng kahit man lamang 60 oras sa ministeryo sa larangan sa loob ng isang buwan, walang alinlangang lalaki ang ating mga pagpapala.
6 Ang katapangan sa ministeryo ay nakatutulong lalo na kapag nag-aalok ng mga suskripsiyon. Ang mga magasin ay naglalaman ng nagbibigay-buhay na pabalita salig sa Salita ng Diyos. Kaya huwag tayong mag-atubili kundi mangaral nang buong tapang bilang pagtulad sa ating Huwaran, si Jesus, at sa kaniyang mga apostol.