Maging Matalino—Ikapit ang mga Bagay na Inyong Natutuhan
1 Tunguhin ng karamihan sa mga tao na magkaroon ng isang maligaya, mapayapang buhay. Libu-libo ang mga aklat at mga artikulo na nagbibigay ng payo kung papaano magkakaroon ng matagumpay na pag-aasawa, kung papaano magpapalaki ng mga anak, kung papaano magiging matagumpay sa pananalapi, kung papaano matatamo at mapananatili ang mabuting kalusugan, at marami pang mga paksa na may kaugnayan sa pagtulong sa mga tao na magtamo ng kaligayahan. Bagaman ang ilang praktikal na karunungan ay maaaring masumpungan sa makasanlibutang mga publikasyon, maraming mga tao sa sanlibutan ang hindi maligaya at mapayapa. Bakit gayon?
2 Ang sagot ay masusumpungan sa Bibliya sa Kawikaan 1:7, na nagsasabi: “Ang takot kay Jehova ay pasimula ng kaalaman. Nguni’t ang mangmang ay humahamak sa karunungan at turo.” Hindi maaaring asahan ng isang tao na magkaroon ng kapayapaan at kaligayahan kung hindi niya kikilalanin at igagalang ang Bukal ng tunay na kaalaman at karunungan, ang Diyos na Jehova.
3 Ang sanlibutan ay dukha sa espirituwal—nagugutom. Nakalulungkot, ang masaklap na kalagayang ito ng mga bagay-bagay ay sariling kagagawan nila, yamang may saganang espirituwal na pagkain sa buong lupa, at ito’y walang bayad. (Kaw. 1:20, 21; Apoc. 22:17) Sapagka’t tinatanggihan ng mga tao sa sanlibutan ang karunungan mula kay Jehova, sila’y patuloy na nangangapa sa espirituwal na kadiliman. (Kaw. 1:22-32) Sa kabilang panig, bilang bayan ni Jehova, na gumagalang sa kaniyang mga batas at sumusunod sa kaniyang mga kautusan, tayo ay busog sa espirituwal at maligaya. (Isa. 65:13, 14) Gayundin, ang pag-ibig na sumasagana sa organisasyon ng Diyos ay nagpapakilala sa atin bilang mga tunay na tagasunod ni Kristo. (Juan 13:35) Oo, ang pambuong daigdig na pagkakapatiran ng mga Saksi ni Jehova ay nagbibigay ng buháy na patotoo na ang pagtataguyod sa mga turo ng Bibliya ay matalinong landasin na dapat sundin.
4 Gayunman, may mga kabilang sa organisasyon ni Jehova na maaaring hindi nakakaranas ng kaligayahan na maaaring kamtin nila. Maaari pa ngang may masamang epekto sa iba na nakapalibot sa kanila ang mga bagay na kanilang sinasabi at ginagawa. Papaano nagkakaganito? Ito’y dahilan sa hindi nila pagkakapit ng karunungan ng Diyos sa kanilang buhay. Maaaring sila’y dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon, mga pansirkitong asamblea, at mga pandistritong kombensiyon. Maaaring sila’y umaalinsabay sa sinasabi ng mga publikasyon ng Samahan, subali’t ang istilo ng kanilang pamumuhay at paraan ng kanilang pakikitungo sa iba, lakip na sa kanilang kapuwa Kristiyano, ay hindi nagpapamalas ng pagkakapit sa katotohanang kanilang natutuhan. Ano ang kailangang gawin? Ang gayong mga tao ay dapat na magbigay ng lubusang pansin sa “paghahasik taglay ang pangmalas sa espiritu” upang sila’y maging maligaya sa kanilang sariling buhay at makaabuloy sa ikaliligaya ng mga nakapalibot sa kanila.—Gal. 6:7, 8.
KUNG ANO ANG IKAKAPIT
5 Kapag tayo bilang indibiduwal ay naging pabaya, hindi naging mapagbantay, at sumuko kay Satanas, sa sanlibutan, o sa ating di sakdal na laman, maiwawala natin ang kagalakan sa pagkakaroon ng malapit na kaugnayan kay Jehova. Ngayon, higit kailanman, mahalaga na maging alistong ikapit ang mga bagay na ating natutuhan sa ating mga pagpupulong sa kongregasyon at mga asamblea at maging sa iba pang mga paglalaan ng organisasyon. Ang sanlibutang kinabubuhayan natin ay isang mapanganib na dako na laging nagbabago. Kailangan nating alistong ikapit ang payo na maibiging inilalaan ni Jehova sa pamamagitan ng “tapat at maingat na alipin,” na kinikilala iyon bilang pagkain sa tamang panahon.—Mat. 24:45-47.
6 Sa kasalukuyang programa para sa ating pantanging araw ng asamblea, maraming mabubuting impormasyon ang inilalaan kung papaano maninindigang matatag bilang isang kawan. Praktikal na mga mungkahi ang ibinibigay kung papaano babakahin ang nagpapahinang mga impluwensiya, gaya ng nakapanlulumong mga kalagayan, ang makasanlibutang espiritu ng pagsasarili, at ang mga pagkagambala na umaaksaya ng panahon. Ikinakapit ba natin ang mainam na payong lubos na magtiwala kay Jehova at sa kaniyang mga daan, kilalanin at magpasakop sa teokratikong awtoridad, maging mapagpakumbaba at mahinhin, at samantalahin ang nalalabing panahon para sa tunguhing teokratiko? (Mik. 6:8; Efe. 5:15, 16; Heb. 6:10; 13:17) Ang mga miyembro ba ng sambahayan ay tumutulong sa isa’t isa upang umayon sa Kristiyanong istilo ng pamumuhay? Ang ating pagpili ng libangan, ang ating mga ugali, at ang ating gawain sa araw-araw ay dapat na maapektuhan ng payong ating tinatanggap mula sa Kasulatan. Hangga’t walang pagsisikap na ikapit ang mga bagay na natutuhan, magkakaroon ng bahagya lamang o lubusang kawalan ng espirituwal na pagsulong, at ang kapayapaan ng isipan at kaligayahan ay maaapektuhan nang di kawasa.—Fil. 4:7-9; Sant. 1:22-25.
7 Ang nagkakaisang pagsisikap sa personal at pampamilyang pag-aaral ay kailangan. Ang Watch Tower Publications Index ay magtuturo sa atin ng detalyadong impormasyon kung papaano ikakapit ang mga simulain ng Bibliya. Ang aklat na Tanong ng Kabataan ay isang napakainam na tulong sa mga magulang upang gamitin nila sa pagtulong sa kanilang mga anak na mapagtagumpayan ang masalimuot na satanikong sanlibutan sa ngayon. Sa pamamagitan ng paggamit sa materyal na ito, tatamuhin natin ang pangmalas ni Jehova sa mga bagay-bagay at mapapatnubayan sa matutuwid na simulain. Ang hindi pagsasagawa nito ay magiging gaya ng pagkakaroon ng gamot para sa sakit subali’t hindi naman ginagamit iyon, bagaman nababatid natin na maiibsan nito ang sakit na nagpapahirap sa atin. Ang regular na personal at pampamilyang pag-aaral ay magpapalaki ng ating pananampalataya at magbibigay sa atin ng lakas upang makapagtiis. Sa panahon ng pagsubok, ang ating pananampalataya ay hindi malalanta, na magpapangyaring tayo ay mabuwal.—Mat. 13:6; Luc. 8:13; Heb. 2:1.
8 Dapat na magbigay ng huwaran ang mga matatanda at ministeryal na lingkod sa pangangasiwa sa kanilang sariling sambahayan. Lakip dito ang pagtulong sa kanilang mga asawa at mga anak na magkapit sa mga bagay na kanilang natutuhan mula sa Salita ng Diyos at sa organisasyon upang manatiling malakas sa espirituwal. Sa ganitong paraan, ang pamilya sa kabuuan ay magsisilbing isang huwaran sa Kristiyanong pamumuhay at maglalaan ng pampatibay-loob sa iba maging sa loob at labas ng kongregasyon.—Efe. 6:4; 1 Tim. 3:4, 12, 13.
KUNG SINO ANG TUTULUNGAN
9 Kabilang sa mga dumadalo sa Memoryal bawa’t taon ay ang maraming nangangailangan ng higit pang pampatibay-loob upang ikapit ang kanilang natutuhan at aktibong makisama sa organisasyon. Maibiging konsiderasyon ang maipakikita sa ating mga estudiyante sa Bibliya sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila kung papaano ikakapit sa kanilang buhay ang mga simulain sa Bibliya at kung papaano susundin ang matutuwid na utos ng Diyos. Kailangan nating ipamalas ang pagmamalasakit doon sa nagpapamalas ng pagsulong tungo sa pagiging ating mga kapatid na lalake at babae sa pananampalataya.
10 Ang sinumang naging di palagian o di aktibo ay dapat na tulungang makita ang pangangailangan na palagiang makibahagi sa gawain kasama ng organisasyon. Dapat nilang tamuhing muli ang kapayapaan at kaligayahan na dati nilang tinatamasa nang sila’y naglilingkod kay Jehova nang lubusan. (Juan 13:17) Sa pamamagitan ng may kabaitang pagtulong sa kanila na muling mag-alab ang kanilang pagpapahalaga sa katotohanan at “maghandog sa Diyos ng isang hain ng papuri,” maaaring maikapit nila ang mga bagay na kanilang natutuhan at makapanatili sa daan ng buhay.—Heb. 13:15; tingnan ang Ating Paglilingkod sa Kaharian, Agosto 1979, pahina 3, at Abril 1977, pahina 3.
11 Ang lahat sa bayan ng Diyos ay kailangang manatiling kaalinsabay ng mabilis na kumikilos na organisasyon ni Jehova. Hindi natin maaaring pahintulutan ang ating sarili na mahulog sa bitag ng pagiging nasisiyahan na lamang sa sarili. Kailangan nating laging panatilihin ang ating espirituwalidad, umaalinsabay sa pinakahuling impormasyong inilalaan sa pamamagitan ng organisasyon ng Diyos at gumawa ng karakarakang pagkakapit niyaon. Ito’y nangangailangan ng pagsisikap at sa pana-panahon ay pagsasakripisyo-sa-sarili. Subali’t si Jehova ay hindi humihiling sa atin ng hindi natin kayang gawin. Siya ang ating Maylikha, at kaniyang nalalaman kung ano ang pinakamabuti sa atin. Kaya patunayan nating tayo’y matalino sa pamamagitan ng patuloy na pagtanggap ng turo ni Jehova at pagkakapit sa mga bagay na ating natutuhan. Ito’y magdudulot ng papuri sa kaniya at magbubunga ng walang hanggang kapakinabangan para sa atin.—Isa. 48:17; 54:13.