Paghaharap ng Mabuting Balita—Sa May Pananalanging Paraan
1 Si apostol Pablo ay sumulat ng pampatibay-loob: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa doon sa nagpapalakas sa akin.” (Fil. 4:13) Kailangan din nating umasa nang lubusan kay Jehova upang maiharap nang buong tapang ang mabuting balita. Papaano natin magagawa ito?
2 Idiniin ni Jesus ang pangangailangang tayo’y “magsipanalanging lagi at huwag manlupaypay.” (Luc. 18:1) Si Pablo ay nagpayo: “Magsipanalangin kayong walang patid.” (1 Tes. 5:17) Oo, ang kalakasan ay nanggagaling sa pananalangin. Maaari tayong manalangin para sa mga pagkakataong makapagpatotoo sa iba, ukol sa karunungan at kaunawaan sa gawain sa bahay-bahay, at sa tagumpay na maabot ang puso ng ating mga estudiyante sa Bibliya. Kailangan nating manalangin ukol sa ikasusulong ng pambuong daigdig na kapakanang pang-Kaharian. (Mat. 24:14) Kailangan tayong ‘manatiling gising’ sa pananalangin upang hindi antukin sa espirituwal at upang mapasulong ang ating pagpapahalaga sa pribilehiyo ng pagsasalita hinggil sa mga layunin ni Jehova.—Col. 4:2.
SA MGA PAG-AARAL SA BIBLIYA
3 Bakit napakahalaga ng panalangin sa isang pag-aaral sa Bibliya? Ang pagsisimula sa panalangin ay naglalagay sa atin sa tamang kalagayan ng isipan at ito’y nakatutulong sa estudiyante na mapahalagahan ang pinag-aaralan. Ang estudiyante ay natututo rin kung papaano mananalangin sa pamamagitan ng ating halimbawa.—Luc. 11:1.
4 Ano ang ilang bagay na maaari nating isama sa ating panalangin sa mga pag-aaral sa Bibliya? Ang modelong panalangin ni Jesus at ang panalangin ni Pablo sa kapakanan ng mga taga Filipos ay napakaiinam na halimbawa. (Mat. 6:9-13; Fil. 1:9-11) Ang ating panalangin ay hindi naman kailangang maging mahaba, kundi dapat na tumalakay sa mga espesipikong bagay. Dapat nating isama ang kapahayagan ng papuri kay Jehova. (Awit 145:3-5) Ang pagbanggit sa pangalan ng estudiyante, marahil ay ang pagbanggit sa kaniyang kalagayan, at pananalangin na makagawa siya ng espirituwal na pagsulong ay magiging kapakipakinabang. Habang siya’y sumusulong, tayo ay makahihiling kay Jehova ng pagpapala sa kaniyang pagsisikap na makadalo sa mga pulong at ibahagi ang katotohanan sa iba. Ilakip ang paghiling ng pagpapala ni Jehova sa pambuong daigdig na gawaing pangangaral.
PARA SA ATING MGA KAPATID NA LALAKE AT BABAE
5 Ang lahat sa bayan ni Jehova ay ating mga kamanggagawa. (1 Cor. 3:9) Kung gayon, kapag ang sekular na kapangyarihan ay nakikialam sa gawaing pangangaral, tayo ay napakikilos na ipanalangin ang “mga hari at lahat ng nangasa mataas na kalagayan.” Sa anong layunin? “Upang tayo’y mangabuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan.” (1 Tim. 2:1, 2) Ang gayong mga panalangin ay alang-alang sa ating mga kapatid sa palibot ng daigdig.
6 Sa pamamagitan ng panalangin, tayo ay makahihiling ng lakas para sa ating mga kapatid na nangangaral sa ilalim ng mahihirap na kalagayan at para doon sa mga may sakit sa espirituwal. (2 Tes. 3:1, 2) Makabubuti ring manalangin para sa mga matatanda, naglalakbay na tagapangasiwa, at Lupong Tagapamahala—lahat “niyaong nangagpapagal sa inyo.”—1 Tes. 5:12.
7 Dapat nating ilagak ang ating pagkabalisa kay Jehova. (Awit 55:22; 1 Ped. 5:7) Tinitiyak sa atin na anuman ang ating hilingin na kasuwato ng kaniyang kalooban, diringgin niya tayo. (1 Juan 5:14) Kung gayon, kung tayo ay mananalangin ukol sa tulong ni Jehova sa ating ministeryo, makapagtitiwala tayo na siya’y makikinig at gagawin niyang matagumpay ang ating landasin.—2 Tim. 4:5.