Maging Buong Kaluluwa sa Ministeryo sa Larangan
Bahagi 5—Ang Mayamang mga Pakinabang ng Buong-Kaluluwang Paglilingkod
1 Naglalaan si Jehova ng maraming mayamang mga pakinabang sa kaniyang buong-kaluluwang mga lingkod. (Awit 116:12) Papaano natin lubos na matatamasa ang mga pagpapala ni Jehova sa ating ministeryo? Ano ang dapat nating gawin upang matiyak ang kaniyang pagsang-ayon at pagkalinga?
2 Kailangan ang Sariling Pagsisikap: Tungkol sa kaniyang ministeryo, sumulat si Pablo: “Ang bawat isa ay tatanggap ng kaniyang sariling kagantihan ayon sa kaniyang sariling pagpapagal.” (1 Cor. 3:8) Kaya lubus-lubusan tayong makibahagi sa ministeryo hangga’t magagawa. Si apostol Pablo ay tumanggap ng personal na kagantihan sa pagtulong sa maraming tao, maging sa mga kongregasyon man, na makilala ang Diyos. Kay laking kagalakan ang nadama niya sa pagmamasid sa kanilang tibay sa pananampalataya! (1 Tes. 2:19, 20) Malamang na hindi ninyo kayang gawin ang lahat ng nagawa ni Pablo sa ministeryo. Subalit, hindi ba magiging mayamang pagpapala ang tulungan ang isang tao na magpakatibay sa pagtahak sa daan ng buhay? Kay husay na pampasigla ito upang magsumipag sa ministeryo sa bahay bahay at subaybayan ang interes sa pagdalaw-muli at mga pag-aaral sa Bibliya!
3 Karagdagang mga Pakinabang: Ang isang lubos na mahalagang pakinabang ng buong-kaluluwang paglilingkod ay na, bilang kamanggagawa, ang isa ay higit na napapalapit kay Jehova at kay Jesu-Kristo. (Mat. 11:29, 30; 1 Cor. 3:9) Kay laking kagalakan kapag nadadama mong ang espiritu ng Diyos ay tumutulong sa inyo sa ministeryo! (Mat. 10:20; Juan 14:26) Karagdagan pa, ang masigasig na paggawang kasama ng iba sa kongregasyon ay nagpapatibay ng buklod ng ating pag-iibigan at pagkakaisa.
4 Hindi natin lubos na matatamasa ang mga pakinabang mula kay Jehova kung hindi natin lubusang tatangkilikin ang organisasyon na kaniyang ginagamit sa pagsasagawa ng kaniyang kalooban sa mga huling araw na ito. (Ihambing ang 2 Hari 10:15.) Kapag buong-puso nating sinusunod ang tagubilin na ating tinatanggap sa pamamagitan ng alulod ng Diyos at aktibong nakikibahagi sa mga gawain ng kongregasyon, tayo ay ipinagsasanggalang mula sa tusong mga pakana ni Satanas.
5 Ang limang-bahaging seryeng ito ng mga artikulo tungkol sa pagiging buong kaluluwa sa ministeryo sa larangan ay nagpatingkad ng ilang mga salik na nasasangkot. Natatandaan ba ninyo kung papaano maaaring magpasigla ng pagpapahalaga kay Jehova, na nag-uudyok sa atin na maging buong kaluluwa? (Agosto) Bakit ang paghahanda ay kailangan upang pumukaw ng kasiglahan sa ministeryo sa larangan? Papaano tayo makapaghahanda? (Setyembre) Papaanong ang may-karanasang mga mamamahayag ang makatutulong sa iba na maging buong kaluluwa? (Oktubre) Papaanong makatutulong sa atin ang mahusay na personal na organisasyon upang maging buong kaluluwa sa ministeryo? (Nobyembre) Ikinakapit ba ninyo ang mga mungkahing ito?
6 Matitiyak ninyo na samantalang puspusan ninyong isinasagawa ang gawain, mapapansin ito ni Jehova at “tatanggap kayo ng kaukulang ganting mana,” ang buhay na walang hanggan.—Col. 3:23, 24.