Kaayusan sa Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat
Bahagi 5—Dalaw ng Tagapangasiwa sa Paglilingkod
1 Ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay dapat maging isang ebanghelisador at guro. Mahalagang papel ang kaniyang ginagampanan sa pagtulong sa kongregasyon upang ganapin ang pananagutang ipangaral at ituro ang mabuting balita sa iniatas na teritoryo.—Mar. 13:10.
2 Ang pansin ng tagapangasiwa sa paglilingkod ay nakatuon sa pagpapasigla ng higit na gawain sa ministeryo sa larangan. Ito’y isinasagawa lalo na sa pamamagitan ng Pag-aaral ng Kongregasyon sa Aklat. Karaniwan, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay inaatasang mangasiwa sa isang pag-aaral sa aklat, ngunit minsan sa isang buwan ay maaaring palitan siya ng kaniyang katulong samantalang siya’y dumadalaw sa ibang grupo.—km 12/81 p. l, 3.
3 Paghahanda Para sa Dalaw: Bago ang sanlinggong dalaw, dapat suriin ng tagapangasiwa sa paglilingkod ang mga Publisher Record card ng kongregasyon para sa mga kabilang sa grupong iyon. Dapat din niyang kausapin ang kunduktor upang repasuhin ang gawain ng mga mamamahayag na kaugnay sa grupo. Dapat paalalahanan ang kunduktor ng pag-aaral na ang pag-aaral ay magiging 45 minuto lamang ang haba upang maglaan ng panahon para sa isang 15-minutong pahayag ng tagapangasiwa sa paglilingkod.
4 Ang pahayag na ito ay dapat na magpasigla ng higit na pagpapahalaga sa ministeryo. Kung ang mga mamamahayag ay nangangailangan ng tulong sa ilang bahagi ng ministeryo, ang tagapangasiwa sa paglilingkod ay magbibigay ng praktikal na mga mungkahi kung paano ito mapasusulong. Ang kaniyang mga pananalita ay dapat maging positibo at nakapagpapasigla upang huwag mapahiya o masiraan ng loob ang sinoman dahil sa negatibong mga komento. Ang kaniyang pahayag ay nararapat na humimok sa lahat na sumulong.
5 Sinisikap ng tagapangasiwa sa paglilingkod na makasama ang marami sa paglilingkod hangga’t maaari. Habang gumagawang kasama ng mga mamamahayag sa bahay-bahay, maaari siyang magbigay ng nakatutulong na mga mungkahi kung paano mapasusulong ang kanilang mga presentasyon. Hindi ito gagawin sa paraang mapamintas kundi taglay ang taimtim na pagnanais na makatulong. Maaari din niyang kasamahin ang mga mamamahayag sa mga pagdalaw-muli at pag-aaral sa Bibliya. Kung ang iba sa grupo ay waring nangangailangan ng personal na tulong, maaari niya silang dalawin sa sanlinggong iyon upang sila’y tulungan. Ang ganitong mainit na personal na atensiyon ay nagsilbing pampasigla sa ilan na nanghina nang kaunti sa kanilang paglilingkod sa larangan.
6 Pagtitipon Para sa Paglilingkod: Ang mga pagtitipon bago maglingkod sa sanlinggong iyon ay dapat pangasiwaan ng tagapangasiwa sa paglilingkod. Dapat pasimulan ang mga ito sa tamang panahon kahit kakaunti pa lamang ang naroroon. Ang pagtitipon ay hindi lalampas sa 10 hanggang 15 minuto. Bago palabasin ang grupo, dapat na ipaalam sa bawat isa kung saan at kasama nino siya maglilingkod. (1 Cor. 14:33, 40) Ang lahat ay pasisiglahin ng tagapangasiwa sa paglilingkod na tumungo kaagad sa paglilingkod sa larangan.
7 Ang regular na mga pagdalaw ng tagapangasiwa sa paglilingkod sa mga grupo ng pag-aaral sa aklat ay isang tunay na pagpapala sa kongregasyon. Kung tayong lahat ay makikipagtulungan sa kaniya kapag dumadalaw, ang ating ministeryo ay magiging maayos at mabisa. Bukod dito, siya’y magtatamasa ng kagalakan sa kaniyang gawain.—Heb. 13:17.