Isang Praktikal na Paraan sa Paghahanda Para sa Paglilingkod sa Larangan
1 Kayo ba’y nag-aatubili kung minsan na makibahagi sa ilang bahagi ng paglilingkod sa larangan dahilan sa hindi nalalaman kung ano ang sasabihin? Kung gayon, natitiyak namin na mapapahalagahan ninyo ang paraang nasa Ating Ministeryo sa Kaharian.
2 Pasimula sa isyung ito, ang Ating Ministeryo sa Kaharian ay magbibigay ng maraming sarisaring mungkahi sa paghaharap ng balita ng Kaharian, maging iyon ay sa bahay-bahay, sa pagdalaw-muli, o sa isang pag-aaral sa Bibliya. Ito’y dapat magpasigla sa inyong kaisipan sa anomang paraang nais ninyong gamitin sa ministeryo. Kapag naghahanda para sa ministeryo, piliin ang isang presentasyon na talagang angkop sa inyong teritoryo. Pagkatapos, alamin kung gagamitin ninyo ang mga salitang iminungkahi sa artikulo o kung babaguhin ang mga salita upang iangkop sa lokal na mga kalagayan o sa inyong personalidad. Ang inyong presentasyon ay magiging parang pakikipag-usap lamang kung ipapahayag ninyo iyon nang natural sa sariling salita. Nais ba ninyong palawakin ang inyong ministeryo sa anomang paraan, marahil sa pamamagitan ng pakikibahagi sa iba pang larangan ng paglilingkod sa unang pagkakataon? Ang ibibigay na detalyadong mga mungkahi ay maaaring siyang kailangan ninyo upang makapagsimula.
3 Kung kayo’y nangangasiwa sa isang pagtitipon ng kongregasyon bago maglingkod sa larangan, dapat na alam-na-alam ninyo ang materyal na inilimbag sa Ating Ministeryo sa Kaharian. Pag-aralang mabuti ang inyong kopya at akayin ang pansin sa mga mungkahing malamang na maging mabisa sa lokal na kalagayan.
4 Tayong lahat ay nasisiyahan kapag ang mga bagay ay nagagawa nating mabuti. Inaasahan natin na ang mga praktikal na paraang ito ay tutulong sa mga baguhan at sa may higit na karanasang mamamahayag na maging mabisa at maligaya sa kanilang ministeryo sa Kaharian.