Kapag Mabisa, Gamitin Mo!
1 Ang Ating Ministeryo sa Kaharian ay patuloy na naglalaan sa atin ng iba’t ibang mungkahing presentasyon para magamit sa ministeryo. Ito’y nagbibigay sa atin ng bagong mga ideya kung paano makalilikha ng interes sa mensahe ng Kaharian. Marahil ay gumagawa kayo ng pagsisikap bawat buwan upang matutuhan ang isa o higit pa sa mga presentasyong ito. Gayunman, maaaring nasusumpungan ng ilang mamamahayag na iilang ulit pa lamang nilang nagagamit ang isa sa mga ito ay may panibagong isyu na naman ng Ating Ministeryo sa Kaharian na nagbibigay ng mga bagong presentasyon. Maliwanag na hindi laging posible para sa lahat na matutuhan ang isang bagong presentasyon bago pa makabisado ang dati.
2 Sabihin pa, libu-libong payunir at iba pang mamamahayag ang gumugugol ng malaking panahon sa paglilingkod sa larangan. Karagdagan pa, nagagawa ng maraming kongregasyon ang kabuuan ng kanilang teritoryo sa loob lamang ng ilang linggo. Sa ganitong mga kalagayan, pinahahalagahan ng mga mamamahayag ang pagkakaroon ng panibagong mga paraan ng paglapit at mga ideya sa paghaharap ng mensahe. Ito’y nakatutulong sa kanila na mapasulong ang kanilang kakayahan. Pinangyayari rin nitong maging higit na kasiya-siya at mabunga ang kanilang ministeryo at nakatutulong sa kanila na mapagtagumpayan ang napapaharap na mga hamon.
3 Sa bagay, kung kayo’y may inihandang isang presentasyon na nagiging mabisa sa paglinang ng interes, patuloy ninyong gamitin iyon! Hindi kailangang ihinto ang paggamit ng isang mabisang presentasyon kapag iyo’y nagdudulot ng mabuting resulta. Basta’t ibagay lamang iyon sa alok na literatura sa kasalukuyang buwan. Habang inyong nirerepaso ang mga mungkahing ibinigay sa Ating Ministeryo sa Kaharian, humanap ng kapana-panabik na mga punto na nais ninyong ilakip sa inyong presentasyon.
4 Kaya kapag kayo’y tumanggap ng isang bagong isyu ng Ating Ministeryo sa Kaharian, tandaan na ang mga presentasyong taglay nito ay mga mungkahi lamang. Kung magagamit ninyo ang mga ito, mainam. Subalit kung nakasumpong na kayo ng isang presentasyon na nagdudulot ng mabuting resulta sa inyong teritoryo, gamitin iyon! Ang mahalagang bagay ay ang “lubusan mong ganapin ang iyong ministeryo” sa mainam na paraan, na hinahanap ang mga karapat-dapat at tinutulungan silang maging mga alagad.—2 Tim. 4:5.