Subaybayan ang Interes Nang Walang Pagkabalam
1 “Huwag ipagpapaliban sa kinabukasan ang magagawa ngayon.” Pamilyar sa karamihan ang kasabihang ito na nagpapasiglang gawin agad ang mga kinakailangang bagay. Na maaari nating ikapit ang simulaing ito sa ating ministeryo ay ipinakikita ng sumusunod na karanasan.
2 Isang kapatid na babae ang nakapaglagay ng aklat sa isang lalake at nangakong babalik. Di sinasadya isa pang kapatid na babae ang dumalaw sa bahay ding iyon pagkaraan lamang ng isang oras. Lumabas sa pinto ang lalake hawak ang aklat sa kaniyang kamay at nagsabi sa kaniya: “Nang sabihin mong ikaw ay babalik, hindi ko akalaing ganitong kabilis, pero pumasok ka, handa na ako para sa aking pag-aaral.”
3 Bagaman ang gayong kabilis na pagdalaw-muli ay di naman karaniwan, ang karanasang ito ay nagtatampok sa pangangailangang maging alisto sa pagsubaybay sa interes nang walang pagkabalam. Sa Abril ating iaalok ang suskripsiyon sa Bantayan, na tutulong sa mga tao na sumubaybay sa mga pangyayari sa daigdig bilang katuparan ng hula ng Bibliya.
4 Kailangan ng mga Tao ang Karagdagang Tulong: Upang matulungan ang mga taong makaunawa sa mahalagang impormasyong ito at mapahalagahan na ito’y nakakaapekto sa kanilang buhay at kinabukasan, kailangan nating isaayos ang pagdalaw-muli, marahil sa loob ng ilang araw pagkatapos ng unang pagdalaw.
5 Buksan ang Daan Para sa Pagdalaw-muli: Hindi laging madaling gumawa ng pakikipagtipan para sa isang tiyak na panahon, at ito’y maaaring malimutan ng maybahay. Gayumpaman, kung maingat ninyong tinatandaan ang panahon para sa gayong pagdalaw-muli at pagkatapos ay ginagawa iyon—sa loob ng ilang araw hanggat maaari—taimtim ninyong naisasagawa ang inyong pananagutan sa gayong pakikipagtipan. Kung wala sa bahay ang tao, pagsikapang puntahan siyang muli. Maaaring magpahalaga siya sa ginagawa ninyong pagdalaw kapag nakita niya ang inyong determinasyong masumpungan siya sa bahay.
6 Yamang hindi natin lubusang matitiyak ang interes ng tao sa unang pagdalaw, gumawa ng nota upang dalawin siyang muli kahit na may kaunting interes lamang. Maaaring naantig ninyo ang interes ng tao sa Bantayan, at sa inyong pagbabalik seguro’y mamamangha kayo sa kaniyang mainam na pagtanggap sa inyo. Kaya tiyaking subaybayan ang interes nang walang pagkabalam!