Ingatan ang Inyong mga Anak Mula sa Maling Paggamit ng Dugo
1 “Narito! Ang mga anak ay isang mana mula kay Jehova.” (Awit 127:3) Kung kayo’y mayroon nang gayong napakahalagang mana, kayo’y nagtataglay ng isang maligaya, bagaman maselang na pananagutan upang sanayin, pangalagaan, at ipagsanggalang ang inyong mga anak. Halimbawa, kumuha na ba kayo ng lahat ng makatuwirang hakbangin upang ipagsanggalang ang inyong mumunting mga anak mula sa pagsasalin ng dugo? Papaano kikilos ang inyong mga anak kapag napaharap sa isang pagsasalin ng dugo? Pinag-usapan na ba ninyo bilang isang pamilya kung papaano ninyo mabisang haharapin ang isang pangkagipitang kalagayan hinggil sa isang nagbabantang pagsasalin?
2 Ang paghahanda sa inyong pamilya para sa gayong mga kalagayan ay hindi dapat maging sanhi ng pagkabalisa. Hindi ninyo maaaring malaman nang patiuna at mapaghandaan ang lahat ng mangyayari sa buhay, subalit maraming bagay ang magagawa ninyo nang patiuna, bilang magulang, upang ipagsanggalang ang inyong mga anak mula sa isang pagsasalin. Ang pagpapabaya sa pananagutang ito ay maaaring magbunga ng pagsasalin sa inyong anak kapag nagpapagamot. Ano ang maaaring gawin?
3 Ang Matatag na Paninindigan ay Mahalaga: Dapat na pag-isipang mabuti kung gaano katatag ang inyong sariling paninindigan sa batas ng Diyos hinggil sa dugo. Tinuturuan ba ninyo ang inyong mga anak na sumunod kay Jehova sa bagay na ito, gaya ng pagtuturo ninyo sa kanila ng kaniyang batas hinggil sa katapatan, moralidad, neutralidad, at iba pang bahagi ng buhay? Talaga bang nadarama natin ang gaya ng ipinag-uutos ng batas ng Diyos sa Deuteronomio 12:23: “Manindigang matatag na huwag kakain ng dugo.” Dagdag pa ng Deu 12 talatang 25: “Huwag mong kakanin yaon, upang ikabuti mo at ng iyong mga anak pagkamatay mo, kung iyong gagawin ang matuwid sa paningin ni Jehova.” Maaaring angkinin ng isang doktor na ang dugo ay ‘makabubuti’ sa inyong may sakit na anak, subalit dapat kayong manindigang matatag bago pa dumating ang anumang di inaasahang pangyayari na tanggihan ang dugo para sa inyo at para sa inyong mga anak, na pinahahalagahang ang inyong kaugnayan kay Jehova ay mas mataas kaysa alinmang ipinangangalandakang pandugtong ng buhay na magsasangkot sa paglabag sa kaniyang banal na kautusan.
4 Ang mga Saksi ni Jehova ay nakatingin sa buhay. Hindi nila nais mamatay. Nais nilang mabuhay upang pumuri kay Jehova at gawin ang kaniyang kalooban. Ito ang isang dahilan kung bakit sila nagtutungo sa ospital at pinagagamot doon ang kanilang mga anak. Hinihiling nila sa mga doktor na gamutin sila, at kapag sinabi sa kanila na dugo ang paraan ng panggagamot, sila’y humihiling ng kahaliling paraan ng panggagamot na walang dugo. Maraming panghalili sa dugo. Ang makaranasang mga doktor ay gumagamit nito. Ang gayong kahaliling panggagamot ay hindi gamot albularyo kundi nagtataglay ng mahusay na medikal na kagamutan at pamamaraan na dokumentado sa mga pangunahing lathalaing medikal.
5 Paghanap ng Doktor na Nakikipagtulungan: Ang mga doktor ay maraming ikinababahala sa pagbibigay-lunas sa mga pasiyente, at kapag hiniling sa kanila na gamutin ang inyong anak nang walang dugo, pinalalaki nito ang hamon. Ang ilang doktor ay sasang-ayong gamutin ang mga matatanda habang iginagalang ang kanilang kahilingan hinggil sa dugo kung magsasagawa ng isang naaangkop na release. Ang ilan ay sasang-ayon ring gamutin ang mga minor-de edad kung kanilang maipakikitang sila’y mga maygulang na minor-de-edad, yamang ang ilang hukuman ay kumikilala sa karapatan ng mga maygulang na minor-de-edad na pumili ng klase ng panggagamot sa kanila. (Tingnan Ang Bantayan, Hunyo 15, 1991, mga pahina 16-17, para sa pagtalakay kung ano ang tinatawag na maygulang na minor-de-edad.) Gayumpaman, maaaring tumanggi ang mga doktor na gamutin ang mga bata, lalo na ang mga sanggol, malibang may pahintulot silang magbigay ng dugo. Sa katunayan, iilan lamang doktor ang magbibigay ng 100-porsiyentong garantiya na sila’y hindi gagamit ng dugo sa ilalim ng anumang kalagayan habang ginagamot ang isang bata. Dahilan sa medikal at legal na kadahilanan, ang karamihang doktor ay hindi makapagbibigay ng gayong garantiya. Gayunman, dumarami ang bilang ng mga nagnanais na gamutin ang mga anak ng mga Saksi ni Jehova samantalang ginagawa ang lahat ng magagawa nila upang igalang ang ating kahilingan sa dugo.
6 Dahilan dito, ano kung, sa inyong paghahanap ng angkop na doktor para sa inyong anak ay nakasumpong kayo ng isa na may mabuting rekord ng pakikipagtulungan sa mga Saksi ni Jehova at hindi gumamit ng dugo sa ibang mga Saksi, subalit nakadaramang hindi siya pinahihintulutan ng batas na magbigay ng lubusang garantiya na hindi gagamitin ang dugo? Gayumpaman, tiniyak niya sa inyo na sa palagay niya’y wala rin namang problema sa pagkakataong ito. Baka kayo magpasiya na ito na ang pinakamabuting mapagpipilian ninyo. Sa ilalim ng ganitong kalagayan kaypala’y magpapasiya kayong maaari na kayong magbigay ng pahintulot. Gayunman, gawin ninyong maliwanag na sa pagbibigay ng pahintulot para sa medikal na panggagamot sa inyong anak ay hindi kayo nagbibigay ng pahintulot para sa pagsasalin ng dugo. Ang pagkuha ng gayong landasin ay pananagutan ninyo upang hindi malasin na ang inyong desisyon ay isang pakikipagkompromiso.
7 Sabihin pa, kung kayo’y makakasumpong ng iba pang kagamutan na higit na magbabawas o posibleng mag-aalis ng suliranin sa paggamit ng dugo, marahil ay pipiliin ninyo ang landasin na hindi gaanong mapanganib. Inaasahang gagawa kayo ng lubos na pagsisikap upang makasumpong ng doktor o siruhano na higit na sasang-ayon kaysa iba sa hindi pagbibigay ng dugo. Ang pinakamabuting sanggalang ay ang pag-alam antimano sa mga problema. Gawin ang lahat ng pagsisikap una pa upang makasumpong ng doktor na makikipagtulungan. Iwasan ninyo hangga’t maaari ang mga doktor at ospital na ayaw makipagtulungan.
8 Sa ilang lupain ang isa pang salik kung baga magsasalin ng dugo ay may kaugnayan sa pagbabayad sa ospital. Kapag ang mga magulang ay may seguro sa kalusugan o iba pang seguro na nagpapahintulot sa paghanap ng kursunada nilang doktor, ang mga anak ay mas madaling ilayo sa mga kamay ng mga ayaw makipagtulungang doktor o tauhan ng ospital. Ang sapat na pambayad ang tumitiyak sa uri ng serbisyo at pakikipagtulungang matatanggap ng pamilya sa mga doktor at ospital. Gayundin, ang pagnanais ng isang ospital o doktor na tanggapin ang paglilipat ng anak ay depende sa kakayahang magbayad ng mga magulang sa serbisyo. At kayong mga malapit nang maging ina, mahalagang bantayan ninyo ang inyong kalusugan samantalang nagdadalangtao! Malaki ang magagawa nito upang maiwasan ang wala sa panahong panganganak at sa kaugnay na mga komplikasyon, yamang ang karaniwang panggagamot sa mga batang naipanganak na wala sa panahon at ang kanilang mga suliranin ay kadalasang nagsasangkot sa dugo.
9 Sa pana-panahon ang mga doktor ay nagrereklamo na hindi sinasabi ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pagtanggi sa dugo kundi sa huling sandali. Hindi dapat magkaganito. Ang isa sa mga unang bagay na dapat gawin ng mga magulang na Saksi kapag nagtutungo sa ospital o kapag nagpapatingin sa doktor ay ang sabihin ang kanilang posisyon hinggil sa dugo. Kapag nasasangkot ang operasyon, hilinging makausap muna ang anesthesiologist. Maaaring makatulong sa inyo ang siruhano sa bagay na ito. Ang porma para sa pagpasok sa ospital ay dapat na suriing mabuti. Mayroon kayong karapatang alisin ang anumang bagay na ayaw ninyo. Upang maalis ang anumang pag-aalinlangan, isulat na maliwanag sa porma para sa pagpasok sa ospital na ang dugo, salig sa relihiyoso at medikal na mga kadahilanan, ay hindi ninyo gusto o pinahihintulutan sa ilalim ng anumang mga kalagayan.
10 Tulong Mula sa Organisasyon ni Jehova: Anong mga paglalaan ang ginawa ng organisasyon upang tulungan kayo na ipagsanggalang ang inyong mga anak mula sa dugo? Marami. Maraming inilathala ang Samahan upang bigyan tayo ng kaalaman sa dugo at sa panghaliling panggagamot na walang dugo. Napag-aralan na ninyo ang brochure na Papaano Maililigtas ng Dugo ang Inyong Buhay? at iba pang mga publikasyon sa paksang ito. At mayroon kayong mga kapatid na lalake at babae sa lokal na kongregasyon na makapagbibigay sa inyo ng malaking tulong at alalay. Kapag may krisis, maaaring isaalang-alang ng mga matatanda ang pagkakaroon ng 24-oras na pagbabantay sa ospital, kaypala’y ng isang matanda kasama ng magulang ng pasyente o isang malapit na miyembro ng pamilya. Ang pagsasalin ng dugo ay kadalasang naibibigay sa gabi kapag ang lahat ng mga kamag-anak at mga kaibigan ay umuwi na sa bahay.
11 Ang mga Hospital Liaison Committee ay naitatag na sa pangunahing mga lunsod. Ang lahat ng mga kongregasyon ay naiatas sa isang komite na binubuo ng mga sinanay ng mga kapatid na lalake na maaasahan sa pagtulong. Tawagan sila, sa pamamagitan ng inyong mga matatanda, kung kailangan sila. Hindi sila dapat na tawagan sa maliliit na problema, subalit huwag maghihintay nang masyadong matagal bago tumawag kung inaakala ninyong may magaganap na isang maselang na problema. Kadalasang makapagbibigay sila ng mga pangalan ng mga doktor na nakikipagtulungan at mga mungkahi hinggil sa mga panghalili. Kung kinakailangan at posible, maisasaayos ng mga kapatid na ito na sila’y naroroon at tutulong sa pagharap sa suliranin.
12 Paghahanda at Pakikitungo Kapag Nasangkot ang Korte: Ano kung ang isang doktor o ospital ay nagbabalak na kumuha ng utos mula sa korte para salinan ang inyong anak? Maaari pa ring maiwasan ang pagsasalin. Ang paghahanda para dito ay dapat na isagawa nang patiuna.
13 Ang pagkaunawa sa ilang legal na mga simulaing sinusunod ng mga ospital at ng mga huwes hinggil dito ay makatutulong sa inyo nang malaki sa paggawa ng depensa. Ang isa sa gayong simulain ay na ang batas ay hindi nagbibigay sa mga magulang ng ganap na awtoridad upang tumanggap o tumanggi sa medikal na panggagamot para sa kanilang mga anak kahit na ang kanilang pagtanggi ay salig sa taimtim na panghahawakan sa relihiyosong mga paniniwala.
14 Ang saligang simulaing ito ay makikita sa 1944 desisyon ng Korte Suprema ng U.S. na nagsasabi: “Ang mga magulang ay maaaring maging malaya na gawing martir mismo ang sarili. Subalit hindi nangangahulugang sila’y malaya, sa gayon ding kalagayan, na gawing mga martir ang kanilang mga anak bago nila marating ang edad nang ganap at legal na pagpapasiya kapag kaya na nilang gumawa ng pagpili para sa kanilang sarili.”
15 Ang pagsasanggalang sa mga bata mula sa pang-aabuso at pagpapabaya ng mga magulang ay tunay na hindi tinututulan ng mga Kristiyanong magulang. Subalit ang mga batas hinggil sa pagpapabaya sa bata at ang pangungusap ng Korte Suprema na sinipi sa itaas ay kadalasang hindi angkop na maikakapit sa mga kaso ng mga anak ng mga Saksi ni Jehova. Bakit? Isang bagay ay na walang intensiyon ang mga magulang na Saksi na gawing “martir” ang kanilang mga anak. Iniibig nila ang kanilang mga anak at nais nilang taglayin ng mga ito ang pinakamabuting kalusugan. Subalit sila’y naniniwala na mayroon silang bigay-Diyos na tungkulin upang piliin ang pinakamabuting uri ng medikal na panggagamot para sa kanilang mga anak. Nais nilang malapatan ng lunas ang suliranin sa kalusugan ng kanilang mga anak nang walang dugo. Hindi lamang mas mabuti at mas ligtas kaysa dugo ang kahaliling panggagamot na walang dugo kundi, higit na mahalaga, naiingatan nitong nasa pabor ng Diyos na Jehova ang kanilang mga anak.
16 Sa kabila ng mga kapakinabangan ng medikal na panggagamot na walang dugo, minamalas ng maraming doktor at ng mga opisyal para sa kapakanan ng bata na ang pagsasalin bilang lunas ay isang karaniwang medikal na paraan na maaaring kailanganin sa ilang mga kalagayan. Kaya, kapag tumanggi ang mga magulang na Saksi sa inirerekomendang pagsasalin, lumilitaw ang suliranin. Karaniwan, hindi maaaring legal na gamutin ng mga doktor ang mga bata kung walang pahintulot ang mga magulang. Upang makagamit ng dugo kahit na walang pahintulot ang mga magulang, ang mga doktor o iba pang tauhan ng ospital ay baka kumuha ng pahintulot mula sa isang huwes sa pamamagitan ng isang utos ng hukuman.a
17 Sa maraming pagkakataon ang mga utos ng hukuman na nagpapahintulot sa paggamit ng dugo ay napakadaling nakukuha na may kaunti o walang pahiwatig sa mga magulang. Bilang likas na tagapangalaga ng inyong anak, mayroon kayong pangunahing karapatan na malaman kung ano ang ginagawa ng mga doktor, administrador ng ospital, o mga opisyal para sa kapakanan ng bata may kinalaman sa inyong anak sa lahat ng panahon. Hinihiling ng batas na, hangga’t maaari, dapat na ipabatid sa inyo ang mga ginagawang hakbang sa pagkuha ng utos ng hukuman at dapat na pahintulutan kayong magpaliwanag ng inyong panig sa usapin sa harap ng hukuman.
18 Ang legal na mga katunayang ito ay nagtatampok sa kahalagahan ng paghanap ng doktor na nakikipagtulungan. Gumawang kasama niya, at sa tulong ng mga miyembro ng inyong Hospital Liaison Committee, tulungan siyang itaguyod ang walang dugong panggagamot sa medikal na suliranin ng inyong anak o mailipat ang inyong anak sa isang doktor o ospital na magbibigay ng gayong uri ng panggagamot. Subalit kung may mga palatandaan na ang doktor, administrador ng ospital, o manggagawa para sa kapakanan ng bata ay nagbabalak na kumuha ng utos ng hukuman, dapat na maging alisto kayo sa pagtatanong kung talagang gayon nga ang kanilang pinaplano. Kung may planong dumulog sa korte, idiin na nais ninyong malaman iyon upang maiharap din ninyo sa huwes ang inyong panig.—Kaw. 18:17.
19 Kung ang inyong pagtanggi sa dugo ay dalhin sa korte, ang opinyon ng doktor na kailangan ang dugo upang maingatan ang buhay ng inyong anak ay maaaring lubhang nakahihikayat. Ang huwes, dahilan sa walang gaanong kaalaman sa medisina, ay kadalasang sasang-ayon sa medikal na kakayahan ng doktor. Ito’y totoo lalo na kung ang mga magulang ay nabigyan lamang ng kaunti o ni hindi nabigyan ng pagkakataong iharap ang kanilang panig sa kaso at ang doktor, na walang sinumang humahamon sa kaniya, ay pinahintulutang ipahayag ang kaniyang pag-aangkin hinggil sa “apurahang” pangangailangan sa dugo. Ang totoo, kung kailan at kung bakit sa palagay ng doktor ay lubhang kailangan ang dugo ay hindi tiyak. Kadalasan, kapag sinabi ng isang doktor na lubhang kailangan ang dugo upang iligtas ang buhay ng bata, ang ibang doktor na may karanasan sa panggagamot nang walang dugo sa gayon ding suliraning medikal, ay magsasabing hindi kailangan ang dugo upang gamutin ang pasyente.
20 Ano ang gagawin ninyo kung itanong sa inyo ng isang abogado o isang huwes kung bakit tumatanggi kayo sa “nagliligtas-buhay” na pagsasalin sa inyong anak? Bagaman ang unang sasagi sa inyo ay magpaliwanag sa inyong paniniwala sa pagkabuhay muli at magpahayag ng inyong matibay na pananampalataya na bubuhaying muli ng Diyos ang inyong anak kapag siya’y namatay, ang gayong sagot sa ganang sarili ay maaaring humikayat sa huwes na maniwala na kayo’y isang relihiyosong panatiko at na dapat siyang humakbang upang ipagsanggalang ang inyong anak.
21 Ang kailangang malaman ng hukuman ay na, bagaman kayo’y tumatanggi sa dugo dahilan sa matatag na paninindigang relihiyoso, hindi kayo tumatanggi sa medikal na panggagamot. Kailangang makita ng huwes na kayo ay maibiging mga magulang na nagnanais na ipagamot ang inyong anak. Hindi lamang kayo sang-ayon na ang diumano’y mga kapakinabangan sa dugo ay nakahihigit sa nakamamatay ng mga panganib nito, lalo na’t mayroong mga medikal na panghalili na makukuha na hindi nagdadala ng gayong mga panganib.
22 Depende sa kalagayan, maaari ninyong ipabatid sa huwes na ang pangangailangan ng dugo ay opinyon lamang ng isang doktor, subalit nagkakaiba ang mga doktor sa kanilang pamamaraan, at nais ninyo ang pagkakataong humanap ng isang doktor na gagamot sa inyong anak taglay ang napakaraming magagamit na paraan ng panggagamot na walang dugo. Sa tulong ng Hospital Liaison Committee, maaaring nakasumpong na kayo ng gayong doktor na maaaring makapagbigay ng nakatutulong na patotoo sa korte, marahil ay sa pamamagitan ng telepono. Marahil ay maibabahagi ng liaison committee sa hukom—at maging sa doktor na nagpupumilit kumuha ng utos ng hukuman—ang mga lathalaing medikal na nagpapakita kung papaano mabisang magagamot ang medikal na suliranin ng inyong anak na hindi gagamit ng dugo.
23 Kapag ang mga huwes ay hinilingang padalus-dalos na magpalabas ng utos ng hukuman, kadalasang hindi nila naisasaalang-alang ang maraming panganib ng dugo, lakip na ang AIDS, hepatitis, at maraming iba pang mga panganib. Maaari ninyong ipakita ang mga ito sa huwes, at maaari rin ninyong ipabatid sa kaniya, na bilang isang Kristiyanong magulang ay mamalasin ninyo ang paggamit ng dugo ng ibang tao upang sikaping alalayan ang buhay, bilang isang maselang na paglabag sa batas ng Diyos at na ang pagpupuwersa ng dugo sa inyong anak ay ituturing gaya ng panggagahasa. Kayo at ang inyong anak (kung may sapat na gulang upang magkaroon ng paninindigan) ay makapagpapaliwanag hinggil sa inyong pagkamuhi sa gayong pananalakay sa katawan at makapagsusumamo sa huwes na huwag magbigay ng utos kundi pahintulutan kayong humanap ng kahaliling medikal na kagamutan sa inyong anak.
24 Kapag naisagawa ang wastong pagtatanggol, nakikita ng mga huwes nang lalong maliwanag ang kabilang panig—ang inyong panig—bilang mga magulang. Kaya hindi sila kagyat na magbibigay ng pahintulot sa pagsasalin. Sa ilang mga kaso matinding hinigpitan ng mga huwes ang kalayaan ng doktor na gumamit ng dugo, na hinihiling na isaalang-alang muna ang mga kahalili, o bigyan ang mga magulang ng pagkakataong makasumpong ng mga doktor na manggagamot nang walang dugo.
25 Kapag nakikitungo sa mga nagsisikap na ipilit ang pagsasalin, mahalaga na kailanma’y huwag kayong magpahiwatig na kayo’y urong-sulong sa inyong mga paniniwala. Kung minsan ang mga huwes (at mga doktor) ay nagtatanong kung mahihirapan ang magulang kung “ililipat” sa kanila ang pananagutan para sa desisyon sa pagsasalin. Subalit dapat liwanagin sa lahat ng nasasangkot na kayo, bilang mga magulang, ay nakadarama ng obligasyon na patuloy na gawin ang lahat ng kaya ninyong gawin upang makaiwas sa pagsasalin. Ito ang bigay-Diyos na pananagutan ninyo. Hindi ito maaaring ilipat sa iba.
26 Kaya sa pakikipag-usap sa mga doktor at mga huwes, kailangan kayong maging handang sabihin sa maliwanag at nakahihikayat na paraan ang inyong paninindigan. Kung nagpalabas ng utos ng hukuman sa kabila ng inyong lubos na pagsisikap, patuloy na hilingin sa doktor na huwag magsalin kundi himukin siyang gumamit ng mga kahaliling panggagamot. Patuloy na himukin siya na isaalang-alang ang mga lathalaing medikal at payo ng sinumang doktor na handang makipag-usap hinggil sa suliraning medikal upang maiwasan ang dugo. Mahigit pa sa isa lamang pangyayari, na ang tila ba ayaw makinig na doktor ay lumabas sa silid operasyon at may pagmamalaking nagsabing hindi siya gumamit ng dugo. Kaya, kahit nailabas na ang utos ng hukuman, huwag sumuko, anuman ang mangyari!—Tingnan ang Hunyo 15, 1991, isyu ng Ang Bantayan, “Mga Tanong Mula sa mga Mambabasa.”
27 Tandaan, sinabi ni Jesus: “Magpakaingat kayo sa mga tao; sapagkat kayo’y ibibigay nila sa mga lokal na hukuman . . . Kayo’y dadalhin sa harap ng mga gobernador at mga hari dahil sa akin, sa pagpapatotoo sa kanila at sa mga bansa.” Ukol sa ating ikagiginhawa, idinagdag ni Jesus na ang banal na espiritu ay tutulong sa atin na alalahanin kung ano ang magiging angkop at kapakipakinabang na sabihin sa gayong pagkakataon.—Mat. 10:16-20.
28 “Siya na nagpapakita ng unawa sa isang bagay ay makakasumpong ng mabuti, at maligaya siya na nagtitiwala kay Jehova.” (Kaw. 16:20) Mga magulang, gumawa kayo ng kinakailangang mga patiunang paghahanda upang ipagsanggalang ang inyong anak mula sa nakarurumi sa espirituwal na pagsasalin ng dugo. (Kaw. 22:3) Mga anak, tugunin ang pagsasanay ng inyong mga magulang sa isinasagawang mga paghahandang ito at ikapit ang mga yaon sa inyong puso. Bilang isang pamilya, “manindigang matatag na huwag kakain ng dugo . . . sa ikabubuti ninyo” dahilan sa pagkakaroon ng pagpapala at ngiti ng pagsang-ayon ni Jehova.—Deut. 12:23-25.
[Talababa]
a Tangi lamang kung may kasalukuyang nagaganap na pangkagipitang kalagayan, na ayon sa palagay ng doktor ay nangangailangan ng dagling atensiyon, maaaring legal na mailapat ang kinakailangang panggagamot ukol sa buhay at kalusugan ng bata (lakip na ang pagsasalin ng dugo) kahit na walang pahintulot ng magulang o ng hukuman. Sabihin pa, dapat na managot ang doktor kapag siya’y nanghawakan sa pangkagipitang kapangyarihang ito na ipinagkakaloob ng batas.