Ang Kapangyarihan ng Salita ng Diyos
1 Ang Salita ng Diyos ay makapangyarihan. (Heb. 4:12) Sa ngayon, ang katunayan nito ay nakikita sa pagbabago ng milyun-milyong buhay habang ikinakapit nang personal ng mga tao ang kanilang natututuhan mula sa Bibliya.—Roma 12:2.
2 Upang makinabang ang mga tao mula sa mga turo ng Bibliya, kailangan nilang kilalanin ang Bibliya bilang Salita ng Diyos. (1 Tes. 2:13) Sa Disyembre ay matutulungan natin ang mga tao na matutuhan nang higit ang kahalagahan ng Bibliya sa pamamagitan ng pag-aalok ng New World Translation of the Holy Scriptures at aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? sa ating paglilingkod sa larangan.
3 Bakit hindi repasuhin ang ilang kawili-wiling bahagi ng aklat na Salita ng Diyos? Ang talaan ng mga nilalaman ay aakay sa inyo sa mga kabanata na tumatalakay sa mga himala, tila ba mga pagkakasalungatan, mga pagkakatugma sa siyensiya, mga hula, at iba pang mga paksa. Mayroon itong maraming larawan at ilustrasyon. Ang mga bahaging ito ay tutulong sa atin na maiharap ang aklat taglay ang tunay na kasiglahan.
4 Papaano natin gagamitin ang aklat na ito sa mga maybahay na naniniwalang ang Bibliya ay Salita ng Diyos? Maaaring linangin ang interes sa pamamagitan ng pagtatampok sa kabanata 2, na naglalaman ng ulat ng pakikipagpunyagi ng Bibliya upang makapanatili sa pag-iral, o sa kabanata 14, na nagpapasigla sa mambabasa na tanggapin ang tulong upang higit na maunawaan ang kahulugan ng Bibliya para sa atin ngayon. Ang pagbasa sa mga kasulatan sa kabanata 14 ay magbibigay kasiguruhan sa maybahay na ang inyong pagtalakay ay salig sa Bibliya.
5 Marami ang tumatangging tanggapin ang Bibliya bilang salita ng Diyos dahilan sa ginagawa ng Sangkakristiyanuhan. Ang kabanata 3, “Ang Huwad na Kaibigan ng Bibliya,” ay maaaring gamiting mabisa sa ganitong kalagayan.
6 Kapag tayo’y bumabasa sa ating Bibliya, maaaring magkomento ang maybahay sa maliwanag na salitang ginamit sa New World Translation. O maaaring magpakita ang maybahay ng interes sa ating pabalita subalit wala itong Bibliya. Sa ganitong mga kalagayan ay maaari nating ipakita ang pambihirang katangian ng Bibliyang ating ginagamit at ang mga dahilan kung bakit gusto natin ito kaysa iba. Kabilang dito, maaari nating ipakita ang listahan ng “Bible Words Indexed” na tumutulong upang hanapin ang mga pamilyar na kasulatan. Gayundin, ang “Bible Topics for Discussion” sa likod ng Bibliya ay makatutulong upang hanapin ang mga sagot sa mga katanungang madalas na itinatanong.
7 Sa pamamagitan ng Bibliya, ipinabatid sa atin ni Jehova ang kaniyang kamangha-manghang personalidad. Gamitin nawa natin ang New World Translation at ang aklat na Salita ng Diyos sa pagtulong sa iba pa na matutuhan ang hinggil sa kapangyarihan ng kaniyang Salita!—2 Cor. 10:4.