Tanong
◼ Ano ang maituturing na wastong pananamit kapag inihaharap ng isa ang sarili para sa bautismo?
Bagaman ang pamantayan ng pananamit ay hindi nagkakapareho sa iba’t ibang panig ng daigdig, ang payo ng Bibliya na manamit “nang mahinhin at may katinuan ng isip” ay nananatiling pareho sa lahat ng mga Kristiyano, saan man sila nakatira. (1 Tim. 2:9) Ang simulaing ito ay dapat kumapit kapag isinasaalang-alang kung ano ang wastong pananamit para sa bautismo.
Ang Bantayan ng Disyembre 1, 1985, pahina 30 (Hunyo 1, 1985 sa Ingles), ay nagbibigay ng ganitong payo para sa isang tao na magpapabautismo: “Kahinhinan ang dapat manaig sa dapat isuot na damit-pambasa. Ito’y mahalaga ngayon na ang uso ay ang pagbibilad ng katawan at halos paghuhubo’t hubad na. Dapat na isaalang-alang na mayroong mga bathing suit na animo’y mahinhin kung hindi pa basa pero hindi gayon kung mabasa na. Hindi gusto ng sinumang pababautismo na siya’y makatawag ng pansin o maging katitisuran sa isang okasyon na kasing- seryoso ng bautismo.—Filipos 1:10.”
Kasuwato ng payong ito, yaong mga magpapabautismo ay magnanais na magsuot ng mahinhing damit, na iniingatan sa isipan ang kahalagahan ng okasyon. Kaya, ang isang pambasang masyadong maigsi o isa na may kahalayang dumidikit sa katawan kapag nababasa ay hindi angkop na pananamit ng isang Kristiyano at dapat na iwasan. Gayundin, hindi wasto para sa isa na maging burara o salaula sa kaniyang anyo. Karagdagan pa, hindi angkop na magsuot ng mga T-shirt na may makasanlibutan o maka-komersiyong mga salawikain.
Kapag ang mga inatasang matatanda ay nagrerepaso ng mga katanungan para sa mga kandidato sa bautismo, isang mabuting panahon ito para talakayin ang kahalagahan ng pagsusuot ng wastong pananamit. Sa ganitong paraan mapananatili ang dignidad ng okasyon, at patuloy tayong mananatiling kakaiba sa sanlibutan.—Ihambing ang Juan 15:19.