Hayaang Makinabang ang Iba sa Pamamagitan ng Paggamit ng mga Magasin
1 Anong ligaya natin sa pagtanggap ng pinakabagong mga isyu ng Ang Bantayan at Gumising! Pinahahalagahan natin ang pagkakataong mabasa kaagad ang mga ito hanggat maaari upang tayo’y makinabang mula sa iniharap na impormasyon. Bukod pa sa paghanap ng materyal na makatutulong sa atin nang personal, isang mabuting idea na humanap ng mga puntong magagamit natin sa pag-aalok ng mga magasin sa iba. Nanaisin nating markahan ang mga bahagi na angkop sa teritoryo ng ating kongregasyon o maaari ding gumawa ng mga nota sa gilid ng ating kopya upang maalaala natin ang mga litaw na punto at kung papaanong ang artikulo ay maihaharap sa lokal na paraan.
2 Ang ating mga babasahin ay may nagtatagal na kahalagahan. Bagaman inuuna natin ang paghaharap ng mga bagong magasin, hindi kailangang iwaksi ang mga matatandang isyu, yamang ang mga impormasyon nito sa ganang sarili ay hindi naluluma. Magdala ng mga lumang magasin sa inyong bag upang magamit ang mga ito kapag nagpapatotoo. Ang mga ito ay makatutulong lalo na kapag lumitaw ang espesipikong pangangailangan ng maybahay.