Kayo Ba ay Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan?
1 Ang makaranasang sundalo na nagtutungo sa digmaan ay ganap na nasasandatahan. Ang isang dalubhasang manggagawa na naghahanda para sa isang proyekto ng pagtatayo ay magdadala ng kakailanganin niyang mga kasangkapan upang matapos ang gawain. Ang lingkod ni Jehova na gumagawa sa ministeryo sa larangan ay magtataglay ng “tabak” sa kaniyang kamay at buong husay na gagamitin iyon. (Efe. 6:17) Totoo ba ito sa inyo nang personal? Hinahayaan ba ninyong mangusap ang Salita ng Diyos upang masaling ng banal na espiritu ang mga puso ng inyong tagapakinig?—Kaw. 8:1, 6.
2 Hindi laging madali ang mangaral. Ang mga nasusumpungan natin ay kadalasang abala, na nagbibigay ng bahagyang pagkakataon para sa pag-uusap sa Bibliya. Yamang ang Bibliya ang ating pangunahing aklat-aralin, papaano natin higit na magagamit ito sa paglilingkod?
3 Sa Bawat Pagkakataon: Sa bawat pintuan, nanaisin nating gamitin ang Bibliya upang ganyakin ang maybahay. Dapat tayong maging handa sa paggawa nito anumang publikasyon ang iniaalok. Kung ang tao ay abala at walang panahong buksan ang Bibliya, maaari ba kayong sumipi ng kasulatan bago mag-alok ng literatura? Iyon lamang ay maaaring maging dahilan upang ang tao ay huminto at makinig.—Heb. 4:12.
4 Halimbawa, kung inyong itinatampok ang Disyembre 8, 1993, Gumising! sa “Isang Daigdig na Walang Sakit,” matapos ipakita ang ilustrasyon sa takip, ibangon ang katanungang, “Naniniwala ba kayong magkakaroon ng wakas ang sakit, anupat ang lahat ay magtatamasa ng mabuting kalusugan?” Anuman ang sagot, maaari ninyong basahin o sabihin sa ibang pananalita ang teksto, tulad ng Isaias 33:24 o Apocalipsis 21:4. Sa ganitong paraan ay hinahayaan ninyong ang Salita ng Diyos ang mangusap.
5 Sa mga Pagdalaw Muli: Tayo’y dapat na maghanda bago gumawa ng mga pagdalaw muli. Gayunman, kadalasang bumabangon ang mga paksang hindi natin napaghandaan. Dito nagiging isang mahalagang kasangkapan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan. Ang ating pagsipi o pagbanggit ng mga kasulatan mula sa aklat na Nangangatuwiran ay makatutulong sa mga tao na makitang tayo ay mga ministro ng Diyos at hindi tagapaglako ng Salita.—2 Cor. 2:17.
6 Kapag binabalikan yaong mga hindi naman nakausap sa isang espisipikong paksa, maaari ninyong buksan ang aklat na Nangangatuwiran sa isang angkop na paksa, tulad ng “Jesu-Kristo,” “Mga Huling Araw,” o “Pagkabuhay Muli,” at gamitin ang isa sa mga sub-titulo upang buksan ang usapan. Maaaring anyayahan ang mga maybahay na basahin ang ilang kasulatan mula sa kanilang sariling Bibliya. Sa ganitong paraan ay magiging buháy sa kanila ang Bibliya, at ang banal na espiritu ni Jehova ay dadaloy kung sila’y may matuwid na saloobin.
7 Ang ating pananagutang ipangaral ang mabuting balita at babalaan ang balakyot ay maselang. Ito’y pabalita ni Jehova, hindi atin. Hayaang tulungan kayo ng kaniyang Salita, ang tabak ng espiritu.