Ialok ang Aklat na Tanong ng mga Kabataan
1 Bagaman ang aklat na Apocalipsis ay itinatampok sa buwang ito, nanaisin ninyong mag-alok ng aklat na Tanong ng mga Kabataan kung kayo’y nakikipag-usap sa mga magulang o kabataan na nababahala sa mga suliraning napapaharap sa mga kabataan.
2 Maaaring masumpungan ninyong angkop na sabihin ang ganito:
◼ “Ang pagiging isang kabataan ngayon ay hindi madali. Ang mga kabataan ay napapaharap sa maraming situwasyon na humihiling ng mahahalagang pagpapasiya. ‘Dapat ba akong uminom ng alak? Gumamit ng droga? Anong paggawi ang wasto sa hindi kasekso?’ Kapag ang mga kabataan ay nagtatanong hinggil sa mga bagay na ito, kadalasang nakakatanggap sila ng magkakasalungat na mga kasagutan. Saan sa palagay ninyo bumabaling ang marami para sa payo? [Hayaang magkomento.] Ang aklat na ito, Ang mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, ay naglalaan ng nakatutulong na impormasyon. [Akayin ang pansin sa talaan ng mga nilalaman.] Ang mga kabataan ay nangangailangan ng mga kasagutang payak at makatotohanan. Ang mga sagot sa aklat na ito ay salig sa Bibliya.”
3 Narito ang isa pang presentasyon na maaaring gamitin ninyo:
◼ “Ang mga kabataan ay napapasailalim ng maraming kagipitan ngayon. Sila’y nangangailangan ng tulong upang makapagtagumpay dito. Kapag sinisikap nating tulungan sila, hindi ba’t humahanap tayo ng bagay na makapaglalaan ng praktikal na patnubay? [Hayaang sumagot.] Ang ilan sa pinakamatinding panggigipit ay nagmumula sa kanilang mga ka-edad. Pansinin ang mga larawan sa mga pahina 76 at 77 ng aklat na ito. [Akayin ang pansin sa paliwanag kasama ng larawan at sa parapong nakasulat ng pahilig sa pahina 77.] Ang sumusunod na mga pahina sa kabanatang ito ay bumabalangkas ng tapat at umuubrang mga kasagutan.”
4 Tunay na ang mga ito ay “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” lalo na para sa mga kabataan. (2 Tim. 3:1) Ang aklat na Tanong ng mga Kabataan ay tunay na makatutulong sa isang kabataan na haraping matagumpay ang mga hamon sa ngayon. Ang 39 na mga kabanata ay sagana sa mga larawan, at ang mga artikulo ay makatotohanan at praktikal. Kaya kapag may pagkakataon, maging alisto na gamitin ang mainam na publikasyong ito.