Ipahayag ang Kagilagilalas na Mensahe sa Apocalipsis
1 Ang aklat na Apocalipsis ay tumulong sa atin na maunawaan ang kagilagilalas na mensahe na iniulat sa aklat ng Apocalipsis. Tulungan ang iba na mapahalagahan ang mensaheng iyon sa pamamagitan ng pagtatampok sa aklat na ito sa ministeryo sa Marso. Maaaring masumpungan ninyong nakatutulong ang sumusunod na mga mungkahi sa paghahanda ng inyong presentasyon.
2 Pagkatapos ng isang angkop na pagbati, maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Narinig na ba ninyo ang tungkol sa apat na mangangabayo ng Apocalipsis? [Hayaang sumagot.] Alam ba ninyo na ang makasagisag na mga mangangabayong ito ay bahagi ng hula ng Bibliya hinggil sa mangyayari sa ating panahon? [Hayaang sumagot.] Interesado ba kayong maunawaan ang hulang ito at kung ano ang kahulugan nito para sa atin?” Kung nagpakita ng interes, maaari ninyong ipakita ang mga ilustrasyon sa kabanata 16 ng aklat na Apocalipsis at ipaliwanag ang ilang mga talatang nasa malalaking titik. O maaari kayong magkomento sa ilang bahagi ng pangitain sa pamamagitan ng paggamit ng tract na Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas? Ialok ang aklat at isaayos ang pagbabalik upang talakayin pa ang tungkol sa pangitain at ang kahulugan nito.
3 O marahil ay nanaisin ninyong subukan ang ganitong paglapit:
◼ “Narinig na ba ninyo ang terminong ‘Armagedon’? [Hayaang sumagot.] Marami ang nag-aakalang ito’y tumutukoy sa isang nuklear na digmaan ng mga kapangyarihang pandagidig. Ang totoo, ang Armagedon ay lubhang kakaiba. Ayon sa Bibliya, ito’y nangangahulugan ng malaking mga pagbabago, na magdudulot sa daigdig ng namamalaging kapayapaan.” Depende sa tugon ng tao, maaari ninyong ipakita ang isang kasulatan gaya ng Apocalipsis 16:16 o Awit 37:10, 11 at pagkatapos ay bumaling sa kabanata 39 ng aklat na Apocalipsis. Kung nagpakita ng interes, ialok ang aklat. Kung hindi, isaalang-alang ang angkop na mga punto sa tract na Ang Sanlibutan Bang Ito’y Makaliligtas?
4 Maaaring makalikha kayo ng interes sa pamamagitan ng paggamit ng mungkahing ito:
◼ “Sa buwang ito, maraming mga tao ang nag-iisip hinggil sa kamatayan at pagkabuhay-muli ni Jesu-Kristo. Naisip na ba ninyo kung ano ang kaniyang ginagawa mula nang siya’y buhaying muli? Maraming pangyayari sa ating kaarawan ang iniuugnay sa kasalukuyang papel ni Jesus sa layunin ng Diyos. Ang ilan sa mga ito ay inilarawan sa aklat ng Apocalipsis. Nais ba ninyong matuto nang higit hinggil sa layunin ng Diyos sa pagsusugo sa kaniyang Anak sa lupa at kung ano ang kahulugan nito para sa inyo at sa inyong minamahal?” Maaaring maakay ninyo ang pansin sa parapo 1 at 2 ng kabanata 41 ng aklat na Apocalipsis o itampok ang angkop na mga punto sa kasalukuyang mga isyu ng Ang Bantayan o Gumising! O maaaring gusto ninyong gamitin ang tract na Buhay sa Isang Mapayapang Bagong Sanlibutan upang antigin ang higit pang interes.
5 Tiyaking anyayahan ang mga nagpakita ng interes upang dumalo sa Memoryal. Taglay ang pagpapala ni Jehova, maaaring may matulungan kayong ‘makinig sa mga salita ng hulang ito at tuparin ang mga bagay na nasusulat dito.’—Apoc. 1:3.