Ang Bibliya—Bukal ng Kaaliwan at Pag-asa sa Isang Magulong Sanlibutan
1 Ang mga tao sa ngayon ay nasa ilalim ng matinding panggigipit at nangangailangan ng kaaliwan at pag-asa. Ang Bibliya ang tanging bukal ng tunay na kaaliwan. Ito’y nag-aalok ng pag-asa sa isang bagong sanlibutan. (Roma 15:4; 2 Ped. 3:13) Ang aklat na Insight, Tomo 1, pahina 311, ay nagsasabi: “Kung walang Bibliya hindi natin makikilala si Jehova, hindi natin malalaman ang kamangha-manghang mga kapakinabangang dulot ng pantubos na hain ni Kristo, at hindi mauunawaan ang mga kahilingan na dapat nating abutin upang tamuhin ang walang hanggang buhay sa ilalim ng matuwid na Kaharian ng Diyos.”
2 Sa Nobyembre ay ipakikita natin kung papaanong ang Salita ng Diyos ay makatutulong sa mga tao na mapagtagumpayan ang mga panggigipit mula sa sanlibutan. Ating iaalok ang New World Translation of the Holy Scriptures (o Ang Banal na Kasulatan) at ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? Ano ang sasabihin natin na makatutulong sa mga indibiduwal na mahilig sa katuwiran upang mapahalagahan ang Bibliya?
3 Pagkatapos ipakilala ang inyong sarili, maaari ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Malamang na sasang-ayon kayo na tayo ay napalilibutan ng mga suliranin na nakagugulo sa kapayapaan ng isip. Saan natin masusumpungan ang praktikal na payo na makatutulong sa atin upang mapagtagumpayan ang mga suliraning ito? [Hayaang tumugon.] Nasumpungan kong ang Bibliya ay nagpapatibay ng loob yamang ito’y nagtuturo sa atin kung papaano magiging maligaya. [Basahin ang Lucas 11:28.] Ang layunin ng aming gawain ay upang pasiglahin ang mga tao na basahin ang Bibliya. Ang pantulong na ito sa Bibliya, Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?, ay makatutulong sa inyo na gawin ito. Pansinin kung ano ang sinasabi nito hinggil sa paglutas sa mga suliranin. [Basahin ang ikalawang pangungusap sa parapo 9 sa pahina 187.] Maliligayahan akong iwan sa inyo ang kopyang ito.”
4 Maaaring piliin ninyo ang isang payak na paglapit gaya nito:
◼ “Interesado kaming pasiglahin ang higit na paggalang sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Nais kong bigyan kayo ng isang kopya ng tract na ito na Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya. Ito’y nagpapaliwanag kung bakit makatitingin tayo sa Bibliya upang hanapin ang tiyak na pag-asa para sa mas mabuting sanlibutan. [Bumaling sa pahina 6, at basahin ang Awit 37:29 lakip na ang huling parapo.] Basahin ninyo ang tract na ito, at sa susunod na pagdalaw ko, sabihin ninyo sa akin kung ano ang palagay ninyo sa pag-asang iniaalok ng Bibliya.”
5 Nanaisin ng ilang mamamahayag na gamitin ang tuwirang paglapit na ito para pasimulan ang isang pag-aaral sa Bibliya:
◼ “Ako’y dumadalaw upang mag-alok ng libreng pantahanang pag-aaral sa Bibliya. Ang New World Translation of the Holy Scriptures ay dinisenyo para sa personal na pag-aaral. Ito’y popular sa milyun-milyong mambabasa sa palibot ng daigdig. Hayaan ninyong ipakita ko sa inyo kung papaano gagamitin ito. [Bumaling sa pahina 1653, at itawag-pansin ang 23A. Basahin ang isa o dalawang binanggit na kasulatan at talakayin ang mga ito.] Ikinalulugod kong bumalik at talakayin pa nang higit ang pag-asang ito sa Kaharian.”
6 Ang Bibliya ay bukal ng katotohanan na maaaring umakay patungo sa buhay na walang hanggan. (Juan 17:3, 17) Ang pamamahagi ng katotohanan ng Bibliya sa iba ay nakalulugod kay Jehova, “na ang kalooban ay na ang lahat ng uri ng mga tao ay maligtas.”—1 Tim. 2:4.