Tulungan Silang Makinig “sa Iba Pang Pagkakataon”
1 “Pakikinggan ka namin tungkol dito sa iba pang pagkakataon.” (Gawa 17:32) Ito ang tugon ng ilan sa pahayag ni Pablo sa Areopago. Gayundin sa panahong ito, ang ilan ay nagnanais na makinig pa nang higit hinggil sa mensahe ng Kaharian na ating ibinahagi sa kanila sa ating unang pagdalaw.
2 Ang mabuting paghahanda ay makatutulong sa atin kapag tayo ay bumabalik upang subaybayan ang interes. Ang pahina 51 ng Giya sa Paaralan ay nagpapayo: “Liwanagin mo sa iyong isip ang mga argumentong umaalalay sa materyal. . . . Subukin kung ang mga idea ay masasabi mo sa iyong sariling pananalita. Unawaing mabuti ang mga patotoo buhat sa Kasulatan. Maging handa na ikapit nang husto ang mga talata.”
3 Kung nakapaglagay kayo ng aklat na “Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?,” maaari ninyong sabihin:
◼ “Ang aklat na iniwan ko sa inyo ay nagbabangon ng katanungang ‘Bakit Babasahin ang Bibliya?’ [Basahin ang pambungad sa pahina 5, at humiling ng tugon sa pangwakas na katanungan.] Ang Bibliya ay nagsasabi sa atin na di na matatagalan at lulutasin ng Diyos ang lahat ng suliranin ng sangkatauhan. Ang aklat na ito ay dinisenyo bilang pantulong sa personal at pampamilyang pag-aaral ng Bibliya. Nalulugod akong ipakita sa inyo kung papaano gagamitin ito.”
4 Sa mga pagdalaw kung saan kayo nakapaglagay ng tract na “Kung Bakit Ikaw ay Makapagtitiwala sa Bibliya,” maaaring subukin ninyong sabihin ang ganito:
◼ “Tayong lahat ay interesado sa kinabukasan. Dahilan sa kasalukuyang kalagayan ng daigdig, ano sa palagay ninyo ang mangyayari? [Hayaang tumugon.] Habang ang mga tao ay maaari lamang manghula, ang Diyos ay nakakaalam kung ano ang tiyak na magaganap. [Basahin ang Isaias 46:10.] Inihula ng Bibliya na di na matatagalan at tatamasahin natin ang isang paraisong bagong sanlibutan. [Basahin ang ikatlong parapo sa pahina 4.] Hayaan ninyong sabihin ko sa inyo ang higit pa hinggil dito.”
5 Kung kayo ay dumadalaw muli sa napaglagyan ng “New World Translation,” marahil ang mungkahing ito ay magiging mabisa para sa inyo:
◼ “Di pa natatagalan, nakapag-iwan ako sa inyo ng kopya ng Bibliya, at ipinangako ko na magbabalik upang tulungan kayo sa paggamit nito. May mga panahon na maaaring tayo’y nag-iisip kung papaano natin mapananatili ang palakaibigang relasyon sa iba. Ang Bibliya ay may mabuting payo hinggil dito, at madaling masusumpungan ito sa New World Translation. [Bumaling sa pahina 1595 (1679 sa Tagalog) at tingnan ang nasa ilalim ng uluhang “Love(s)” (“Pag-ibig” sa Tagalog). Banggitin ang mga tekstong gaya ng 1 Corinto 13:4; Colosas 3:14; at 1 Pedro 4:8.] Ito’y isa lamang halimbawa kung papaanong ang Bibliya ay nagbibigay ng praktikal na solusyon sa ating mga suliranin. Sa susunod, nais kong ipakita sa inyo ang iba pang paraan na doo’y makatutulong sa atin ang Bibliya na masumpungan ang kapayapaan ng isip.”
6 Wala ng hihigit pang kayamanan na maaari nating ibigay sa iba kundi ang tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos. Ang gayong kaalaman ay makatutulong sa mga tao na lumakad sa daan ni Jehova, na nagdudulot sa kanila ng walang hanggang mga pagpapala.—Kaw. 2:20, 21.