Ang Salita ng Diyos ay Naglalaan ng Patnubay
1 “Nabubuhay tayo sa isang daigdig na kung saan napakarami ang mga suliranin subali’t kakaunti lamang ang mga kasagutan. Milyun-milyon ang palagiang nagugutom. Tumataas ang bilang ng mga nagiging sugapa sa droga. Parami nang parami ang mga pamilyang nagkakawatakwatak. Ang mga insesto at karahasan sa pamilya ay palaging laman ng mga balita. Unti-unting nalalason ang hangin na ating nilalanghap at ang tubig na ating iniinom. Samantala, parami nang parami sa atin ang nagiging biktima ng krimen.”
2 Ganito nagpasimula ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? Ang pambungad nito ay higit pang napapanahon sa ngayon kaysa noong ilathala ang aklat pitong taon na ang nakararaan. Kailangang mabatid ng mga tao na ang Salita ng Diyos ay nagbibigay ng patnubay at naglalaan ng kalutasan sa lahat ng suliranin na sumasalot sa kanila. Pagsisikapan nating tulungan ang mga tao sa Disyembre sa pamamagitan ng pag-aalok sa kanila ng New World Translation at ng aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? Sabihin pa, ang pag-iiwan ng literatura ay pasimula lamang. Kailangan tayong gumawa ng mga pagdalaw-muli taglay ang tunguhing magpasimula ng isang pag-aaral sa Bibliya. Makatitiyak tayo ng tulong kapag gumawa tayo ng gayong pagsisikap. (Mat. 28:19, 20) Narito ang ilang mungkahing presentasyon:
3 Kung may nasumpungan kayong isang taong may edad, maaari ninyong subukin ang ganitong paglapit:
◼ “Makapagtanong po: Noong kayo’y medyo bata pa, paano ba nakikitungo ang mga tao sa isa’t isa sa inyong komunidad? [Hayaang sumagot.] Malaki ang pagkakaiba ng mga baga-bagay ngayon, hindi po ba? Ano sa palagay ninyo ang dahilan? [Hayaang sumagot.] Aktuwal nating nakikita ang katuparan ng isang hula sa Bibliya. [Basahin ang 2 Timoteo 3:1-5.] Bukod dito, ang Bibliya ay nangangako ng isang higit na mabuting daigdig sa malapit na hinaharap. Dahilan dito pinasisigla namin ang bawat isa na basahin ang Bibliya. Napansin ba ninyo kung gaano kalinaw ang pananalita sa Bibliyang ito, ang New World Translation, na aking binabasa?” Ipaliwanag na ito’y nakasulat sa makabagong Ingles. Ipakita ang aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? at ipakita ang kabanata 10, kung saan ipinaliliwanag ang isa pang hula na ating nakikitang natutupad. Ialok ang Bibliya at ang aklat.
4 Kapag kayo’y bumabalik sa isang taong may edad na napaglagyan ninyo ng Bibliya at ng aklat, maaari ninyong sabihin:
◼ “Nang huli tayong mag-usap, kapuwa tayo sumang-ayon na ang makabagong lipunan ay lalong sumamâ kung ihahambing sa kalagayan ng buhay mga ilang taon lamang ang nakalilipas. Gayunpaman, nais kong ipakita sa inyo na ang Bibliya ay nangangako ng higit na mabuting daigdig sa hinaharap. [Basahin ang Apocalipsis 21:3, 4.] Dapat itong magpasigla sa atin na alamin kung ano pa ang sinasabi ng Bibliya.” Buksan ang aklat na Salita ng Diyos sa kabanata 14 at basahin ang mga parapo 3-4. Ialok ang isang libreng pag-aaral sa Bibliya.
5 Kung ang kausap ninyo ay isang kabataan, maaari ninyong sabihin:
◼ “Nais kitang tanungin: Bilang kabataan, sa palagay mo ba’y may dahilan ka upang asahan ang mabuti sa hinaharap? Ano ang tingin mo sa kinabukasan? [Hayaang sumagot.] Sa kabutihang palad, may tunay na dahilan upang asahan ang mabuti sa hinaharap. [Basahin ang Awit 37:10, 11.] Yamang may iba’t ibang pangmalas ang mga tao sa Bibliya, aming inilathala ang aklat na ito, Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? Pansinin ang mga dahilang ibinibigay nito para basahin ang Bibliya. [Basahin ang parapo 16-17 sa mga pahina 10-11.] Minsang makumbinsi tayo na totoo ang Bibliya, magkakaroon tayo ng tiyak na pag-asa sa kinabukasan. Ikinagagalak kong iwan sa iyo ang kopya ng aklat na ito sa maliit na kontribusyon.”
6 Kapag kayo ay bumalik sa isang kabataan na kumuha ng aklat na “Salita ng Diyos,” maaari kayong magpasimula sa pagsasabing:
◼ “Ako’y natutuwang marinig na ikaw ay nababahala sa kinabukasan. Marahil ay naaalaala mo pa na may ipinakita ako sa iyong teksto ng Bibliya na nangangako sa atin ng isang maligaya at tiwasay na kinabukasan. Narito ang isa pa. [Basahin ang Apocalipsis 21:3, 4.] Ang aklat na iniwan ko sa iyo ay nagbibigay ng nakakakumbinsing patotoo na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, hindi ng tao. Pansinin kung paano ito makaaapekto sa atin. [Basahin ang parapo 1-2 sa pahina 184-5.] Kung nais mo, nalulugod akong pag-aralan natin ang Bibliya nang walang bayad.” Kung tinanggap ang pag-aaral, tanungin ang indibiduwal kung mayroon siyang kopya ng Bibliya. Kung wala pa, ialok ang New World Translation.
7 Ang isang tao na hindi alam kung saan babaling ukol sa patnubay upang mapagtagumpayan ang mga suliranin sa buhay ay maaaring tumugon sa ganitong paglapit:
◼ “Tayo ay nabubuhay sa panahon kung saan halos lahat ay napapaharap sa malulubhang suliranin. Marami ang bumabaling sa iba’t ibang uri ng tagapayo ukol sa patnubay. Sa palagay ba ninyo’y saan natin masusumpungan ang mabuting payo na tunay na kapaki-pakinabang sa atin? [Hayaang sumagot.] Ipinakikita ng Bibliya na kailangan natin ang patnubay.” Basahin ang Jeremias 10:23. Buksan Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? sa pahina 187 at basahin ang parapo 9. “Ang aklat na ito ay tutulong sa inyo na mapahalagahan kung paanong sa ilalim ng Kaharian ng Diyos, ang lahat ng ating suliranin ay aalisin.” Ialok ang aklat.
8 Kung sa unang pagdalaw ay ipinakipag-usap ninyo ang tungkol sa pangangailangan ng tao ng patnubay, maaari ninyong ipagpatuloy ang pagtalakay sa pagdalaw-muli sa pagsasabing:
◼ “Noong una tayong magkita, kapuwa tayo sumang-ayon na kailangan natin ang patnubay mula sa Diyos upang mapagtagumpayan natin ang mga suliranin sa buhay. May kaugnayan dito, sa palagay ko’y magugustuhan ninyo ang pangwakas na mga komento sa aklat na iniwan ko sa inyo. [Basahin ang mga parapo 12-13 sa pahina 189 ng aklat na Salita ng Diyos.] Nalulugod akong ialok sa inyo ang libreng kurso ng pag-aaral sa Bibliya, at handa kong ipakita ito sa inyo ngayon.”
9 Pagpapalain ni Jehova ang ating mga pagsisikap habang ating tinutulungan kapuwa ang matatanda at mga bata na makita ang kahalagahan ng Salita ng Diyos at patnubay nito sa ating buhay.—Awit 119:105.