Ipakitang Kayo’y Nagmamalasakit sa Pamamagitan ng mga Pagdalaw-Muli
1 Ang paghahanap sa mga taong interesado sa bahay-bahay ay nagpapakita ng inyong pagnanais na ibigay sa kanila ang pagkakataong makinig sa pabalita ng Kaharian. Kaya tiyaking bumalik sa mga napaglagyan ninyo ng literatura sa Enero, yamang ito ay isang mainam na paraan upang ipakita na kayo’y nagmamalasakit sa iba.
2 Kung kayo’y nakapag-iwan ng aklat na “Paghahanap sa Diyos,” sikaping ipagpatuloy ang inyong pag-uusap sa ganitong paraan:
◼ “Noong nakaraan ay tinalakay natin kung papaanong ang maraming tao ay nagmana lamang ng relihiyon sa kanilang mga magulang. Subalit hindi ba kayo nag-iisip kung bakit napakaraming relihiyon ang nag-aangking Kristiyano? [Hayaang sumagot.] Ang aklat na iniwan ko sa inyo ay nagbibigay ng kompletong paliwanag sa kabanata 11, pasimula sa pahina 261. Maaari bang kunin ninyo ang inyong aklat at maaari nating tingnan ang ilang parapo?” Talakayin ang unang tatlong parapo at isaayos na bumalik upang ipagpatuloy ang pag-aaral.
3 Narito ang isa pang mungkahi na maaari ninyong subukan:
◼ “Pinag-usapan natin noong nakaraan ang ilang pagkakakilanlang tanda ng tunay na relihiyon. Ang isa sa pinakamahalaga ay yaong binanggit dito sa Juan 13:34, 35. [Basahin.] Sa palagay ba ninyo’y ipinakikita ng lahat ng relihiyon ang ganitong uri ng pag-ibig sa isa’t isa? Ang aklat na iniwan ko sa inyo ay tumatalakay sa mismong paksang ito sa kabanata 15, dito sa pahina 344. Nais kong ipakita sa inyo ang ilang punto na nagustuhan ko sa kabanatang ito.” Talakayin ang ilang parapo at pagkatapos ay isaayos ang pag-uusap sa hinaharap.
4 Maaari ninyong subaybayan ang nailagay na aklat na “Tunay na Kapayapaan at Katiwasayan—Paano Mo Masusumpungan?” taglay ang isang maikling presentasyong gaya nito:
◼ “Ang mga pinuno sa daigdig ngayon ay hindi makapagdala ng kapayapaan at katiwasayan. Ang Diyos na Jehova lamang ang makagagawa nito. Ipinakikita sa atin ng Bibliya kung ano ang kailangan nating gawin. [Talakayin ang mga punto sa parapo 1 at 2 sa pahina 175, at pagkatapos ay basahin ang Isaias 26:4.] Nais kong ipakita sa inyo kung papaanong ang aklat na ito ay makatutulong sa inyo.”
5 Ang isang pag-aaral ay maaaring mapasimulan sa alinmang kabanata ng aklat na Ang Paghahanap ng Tao sa Diyos, ngunit karaniwan na nating nais akayin sila sa mga kabanata 15 at 16. Pagkatapos ng ilang pag-aaral, maaari tayong lumipat sa aklat na Mabuhay Magpakailanman.
6 Si Jehova ay naglaan ng isang sakdal na huwaran bilang isang maibiging Pastol na nagmamalasakit sa kaniyang kawan. (Ezek. 34:11-14) Ang taimtim na pagsisikap natin na tularan ang kaniyang pagmamalasakit ay nakalulugod sa kaniya, nagpapamalas ng ating pag-ibig, at nagdudulot ng mga pagpapala sa iba.